Ang pag-ubo ay ang paraan ng katawan upang mailabas ang bagay na nakakairita na pumasok sa daluyan ng hangin. Mahalaga itong depensa laban sa mga posibleng nakakapinsalang mga mikrobyo at mga bagay na nalalanghap ng tao.
Maraming klase ng ubo, kabilang na ang wet at dry cough. Ang wet cough ay dulot ng pagkakaroon ng plema. Ang dry cough naman ay walang plema.
Mga Sanhi ng Dry Cough
Madami ang maaaring maging sanhi ng dry cough sa mga bata, mula sa simpleng sipon hanggang sa bagay na nalanghap na nakabara sa daluyan ng hangin. Kadalasan, ang pagkakaroon ng dry cough, tinatawag ding nonproductive cough, ay reaksyon ng katawan upang maalis ang kati o iritasyon sa lalamunan. Ang ganitong klase ng ubo ay karaniwang sintomas ng sakit sa daluyan ng hangin. Ang mga sintomas na kaakibat ng ubo ay makakatulong upang malaman ang sanhi nito.
Ang ilan sa mga maaaring sanhi ng dry cough ay ang mga sumusunod:
- Impeksyon
Maraming iba’t ibang impeksyon mula sa virus at bacteria ang nagdudulot ng ubo dahil sa pamamaga ng daluyan ng hangin. Ang pinakamadalas na dahilan ay ang impeksyon mula sa Rhinovirus, ang virus na sanhi ng karaniwang sipon.
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng viral infection ay ang mga sumusunod:
-Lagnat
-Tumutulong sipon o baradong ilong
-Pagbahing
-Sakit ng ulo
-Sakit ng katawan
Depende sa impeksyon, ang ubo ay maaaring may kaakibat na pagkapaos o paghuni habang humihinga. Maaari ring makaranas ng paglala ng ubo tuwing gabi dahil sa sipon na tumutulo mula sa ilong papunta sa lalamunan, na nagdudulot ng iritasyon.
Pagkatapos gumaling ng viral infection, maaaring magtagal pa ng ilang linggo ang ubo. Ito ay tinatawag na post-viral cough. Nangyayari ito dahil sa naiiwang pamamaga at pagiging sensitibo ng daluyan ng hangin pagkatapos gumaling mula sa impeksyon.
- Allergy
Ang allergy ay nangyayari kapag napagkakamalang kalaban ng immune system ang ilang bagay na hindi naman talaga nakakapinsala sa katawan. Ang bagay na nagdudulot ng reaksyon na ito ay tinatawag na allergen. Ilan sa mga karaniwang allergen ay ang pollen, balahibo ng hayop, o ilang partikular na pagkain o gamot.
Ang dry cough ay maaaring sintomas ng allergy, lalo na kung may mga kaakibat na mga sumusunod:
-Pagbahing
-Nagluluha at makating mata
-Tumutulong sipon
-Rashes sa balat
- Hika
Maaaring palalalain ng allergy ang sintomas ng hika. Ang hika ay isang pangmatagalang kundisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga at pagsikip sa daluyan ng hangin, na nagdudulot ng hirap sa paghinga.
Bukod sa dry cough, ang iba pang mga sintomas ng hika ay ang mga sumusunod:
-Hirap o kinakapos sa paghinga
-Mabilis na paghinga
-Pagiging matamlay
-Pagsikip o pananakit ng dibdib
- Mga Nakakairitang Materyal mula sa Kapaligiran
Ang exposure sa mga nakakairitang bagay na nalalanghap ay maaaring magdulot ng dry cough. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:
-Usok mula sa sigarilyo
-Usok mula sa sasakyan
-Polusyon sa hangin
-Hangin na masyadong malamig o tuyo
- Nalanghap o Nalunok na Bagay
Hindi na nakakagulat sa mga bata ang paglalagay nila ng mga butones, beads, o iba pang maliliit na bagay sa kanilang ilong o bibig. Kapag huminga sila ng malalim, maaaring malanghap nila ito at magbara sa daluyan ng hangin o sa daanan ng pagkain. Ang pagkakaroon ng dry cough ay maaaring senyales na sinusubukan nilang ilabas ang nalanghap na bagay. Maaaring may kasama itong paghuni habang humihinga o tunog na parang nabibilaukan.
- Gastroesophageal reflux disease (GERD)
Ang GERD ay isang pangmatagalang kundisyon na sanhi ng pag-akyat ng laman ng tiyan papunta sa daluyan ng pagkain hanggang sa lalamunan. Maaaring makaranas ng parang nasusunog na pakiramdam sa dibdib na tinatawag na heartburn. Sa mga bata, maaari ring silang makaranas ng hindi gumagaling na ubo, pagkapaos o paghuni habang humihinga.
- Somatic cough
Ang somatic cough ay ang tawag sa kundisyon kung saan walang klarong dahilan ang ubo at hindi gumagaling sa gamutan. Maaaring may natatagong psychological na dahilan na nagdudulot ng pag-ubo.
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Dapat dalhin na ng magulang ang bata sa doktor kung may dry cough ito na tumatagal na ng higit dalawang linggo. Magpatingin din agad sa doktor kung nakakaranas ang bata ng mga sumusunod na sintomas:
-Mataas na lagnat o lagnat sa sanggol
-Mabilis na paghinga
-Hirap o kinakapos sa paghinga
-Umuubo ng dugo
-May senyales ng dehydration
-Humuhuni kapag humihinga
Dapat dalhin agad sa emergency room ang bata kung nagpapakita ito ng senyales ng malubhang hika o allergic reaction.
Kung may pag-aalinlangan ang magulang sa tunay na sanhi ng ubo, mainam na magpatingin na rin sa doktor para sa detalyadong pagsusuri.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-mother-giving-cough-syrup-medicine-1828603052
May mga ilang maaaring gawin upang magbigay ng pansamantalang lunas sa dry cough:
-Lumanghap ng mainit at basang hangin. Buksan ang shower sa banyo at isara ang pinto upang malanghap ang singaw nito. Umupo sa loob ng banyo kasama ang bata sa loob ng dalawampung minuto habang nilalanghip nito ang mainit na singaw.
-Gumamit ng humidifier. Kung tuyo ang hangin sa loob ng bahay, ito ay nalalanghap ng bata at nakakatuyo rin ng daluyan ng hangin.
-Uminom ng maligamgam na inumin. Nakakapawi ito ng pamamaga ng lalamunan mula sa pag-ubo. Kung ang bata ay isang taong gulang o higit pa, maaaring haluan ng honey para sa dagdag na ginhawa.
-Uminom ng mga over-the-counter na gamot upang mabawasan ang pag-ubo. Kung hindi ito gumaling sa loob ng isa o dalawang linggo, makipag-ugnayan sa doktor para sa konsultasyon.
References:
https://www.healthline.com/health/kids-dry-cough
https://www.medicalnewstoday.com/articles/dry-cough-in-kids#treatment