Bakit Mahalaga ang Breastfeeding Para sa Sanggol at Nanay?

September 09, 2022

Ang breast milk ay isang katangi-tanging pinagkukunan ng sustansya dahil sa mga properties nito na naaangkop sa pangangailangan ng isang sanggol. Naglalaman ito ng mga sangkap na nagbibigay ng proteksyon laban sa mga sakit na maaaring makaapekto sa ina at sanggol.

 

Base sa World Health Organization (WHO), ang breastfeeding ay inirerekomenda para sa mga sanggol mula kapanganakan hanggang dalawang taong gulang dahil ang mga benepisyo nito ay nararanasan ng ganito katagal. Mainam na magsimula mag-breastfeed sa unang oras ng kapanganakan para sa pinakamalaking benepisyo.

 

Mga Benepisyo ng Breastfeeding sa Ina at Sanggol

  1. Ang breast milk ay ang pinakamahusay na pinanggagalingan ng nutrisyon para sa mga sanggol.

Karamihan ng mga healthcare professional ay nirerekomenda na ipagpatuloy ang exclusive breastfeeding ng hindi bababa sa anim na buwan o mas matagal pa.

Ang breast milk ay naglalaman ng kumpletong nutrisyon na kailangan ng  sanggol sa unang anim na buwan ng buhay nito.

Ang colostrum ay ang lumalabas na maliliit na patak ng gatas na maaaring kulay dilaw sa mga unang araw ng panganganak. Ito ay bahagi o sangkap ng gatas ng ina na mayaman sa protina, mababa sa sugar at siksik sa sustansya na nakapagpapalakas ng digestive tract.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/adorable-newborn-baby-girl-first-drink-1431474746

 

  1. Ang breast milk ay naglalaman ng mahahalagang antibodies.

Ang gatas ng ina ay mayaman sa antibodies na nakakatulong upang malabanan ng sanggol ang mga impeksyong dulot ng virus at bacteria. Ito ay mahalaga lalo na sa mga unang buwan ng sanggol.

Bukod sa sustansyang dala ng colostrum, mayaman din ito sa immunoglobulin A at iba pang antibodies na nakakatulong upang maprotektahan ang sanggol laban sa iba’t ibang sakit.

Ang formula milk ay walang nilalamang antibodies kaya ang mga sanggol na hindi nabigyan ng breast milk ay mas nanganganib na magkaroon ng mga karamdamang tulad ng pneumonia, diarrhea at iba pang impeksyon.

 

  1. Ang breastfeeding ay maaaring makabawas sa tyansa ng pagkakaroon ng sakit ng sanggol.

Ang exclusive breastfeeding, o ang pagbibigay sa sanggol ng walang ibang pagkain bukod sa breast milk, ay ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng sakit tulad ng mga sumusunod:

-Impeksyon sa middle ear

-Impeksyon sa baga

-Sipon at impeksyon sa ilong at lalamunan

-Impeksyon sa tiyan at bituka

-Sudden infant death syndrome (SIDs)

-Allergy tulad ng asthma, atopic dermatitis at eczema

-Diabetes

-Leukemia

 

  1. Ang breast milk ay nakakatulong sa pagpapanatili ng sapat na timbang ng sanggol.

Ang breast milk ay mabisang paraan upang madagdagan ng tamang timbang ang sanggol at makaiwas sa pagkakaroon ng obesity. Sinasabing ito ay maaaring dahil sa mga good bacteria sa digestive tract na nakakaapekto sa fat storage ng mga sanggol na binibigyan ng breast millk.

 

  1. Ang breastfeeding ay nakakatulong sa pagiging matalino ng bata.

Ayon sa mga pag-aaral, magkaiba ang development ng utak ng mga batang pinainom ng formula milk at breast milk. Ang pagkakaiba na ito ay maaaring dahil sa physical intimacy at eye contact na kaugnay ng breastfeeding, bukod sa nutrisyong nakukuha sa breast milk.

 

  1. Ang breastfeeding ay nakakatulong sa pagbabawas ng timbang ng ina.

Habang ang ibang mga bagong panganak na babae ay nadadagdagan ang timbang, may ilan na mabilis na nababawasan ang timbang dahil sa breastfeeding. Madaming calories ang nababawas dahil sa breastfeeding na nakakatulong upang mawala ang sobrang timbang na nakuha dahil sa pagbubuntis.

 

  1. Nakakatulong ang breastfeeding sa pagliit ng uterus.

Ang oxytocin ay dumadami habang nagbe-breastfeed. Ayon sa mga pag-aaral, dahil sa breastfeeding na nakakapagparami ng oxytocin, mas kaunti ang nawawalang dugo pagkatapos manganak at mas mabilis na lumiliit ang uterus.

 

  1. Ang mga ina na nagpapadede ay may mas mababang tyansa na magkaroon ng depression.

Ang postpartum depression (PPD) ay isang klase ng depression na maaaring maranasan pagkatapos manganak. Ayon sa ilang pag-aaral, nakakatulong ang breastfeeding upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng PPD ng isang babae.

 

  1. Ang breastfeeding ay maaaring makabawas sa tyansa ng pagkakaroon ng sakit ng ina.

Ang breastfeeding ay nagbibigay ng pangmatagalang proteksyon laban sa kanser at iba pang mga karamdaman tulad ng altapresyon, arthritis, mataas na kolesterol, sakit sa puso, at diabetes.

Ang kabuuang panahon na ginugol ng isang babae sa pagpapadede ay konektado sa mas mababang tyansa ng pagkakaroon ng breast at ovarian cancer.

 

  1. Ang breastfeeding ay nakakapigil ng  pagreregla

Ang tuloy-tuloy na breastfeeding ay nagpapahinto ng sandali sa ovulation at pagreregla. Ito ay maaaring isang paraan ng katawan upang tiyakin na may sapat na pagitan pagkatapos manganak at muling magbuntis.

 

  1. Ang breastfeeding ay tipid sa oras at pera.

Libre ang breastmilk. Ito ay ready to drink at laging nasa tamang temperatura.  Sa breastfeeding, hindi na kailangang:

-Gumastos para sa formula milk

-Kalkulahin ang kailangang inumin ng sanggol bawat araw

-Maglaan ng oras sa paglilinis ng bote

-Magtimpla ng gatas sa gabi (o araw)

Mga Alternatibo sa Breastfeeding

Lahat ng magulang ay nagnanais na mabigyan ng tamang nutrisyon mula sa gatas ang kanilang mga anak. Para sa ilang mga ina na gusto pa ring mabigyan ng breastmilk ang kanilang sanggol ngunit nahihirapan sa direktang pagpapasuso, narito ang ilang alternatibo na pwedeng subukan:
 

-Breast milk mula sa bote: Maaaring ipunin ang breast milk gamit ang electric o manual na breast pump para maitago at maibigay sa baby sa oras na magutom ito.

-Breast milk mula sa ibang babae: Maaaring kumuha ng mga donated na breast milk mula sa mga ospital, o mula sa mga kaibigan at kakilala.

 

 

References:

 

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK52687/

https://www.healthline.com/health/breastfeeding/11-benefits-of-breastfeeding#benefits-for-baby

https://www.webmd.com/parenting/baby/features/breastfeeding-alternatives