Ang excessive daytime sleepiness ay isang kundisyon kung saan nakakaranas ang isang tao ng labis na pagod o antok tuwing umaga o hapon. Hindi katulad ng karaniwang pagkapagod o fatigue na kaugnay ng pagkakaroon ng mababang enerhiya, ang excessive daytime sleepiness ay nagdudulot ng sobrang pagod na nakakasagabal sa eskwelahan, trabaho, at maaaring pati na rin sa relasyon sa ibang tao at araw-araw na pamumuhay.
Kahit anong kundisyon na nakakasagabal sa pagkakaroon ng maayos na kalidad at haba ng tulog sa gabi ay maaaring maging sanhi ng pagkaantok tuwing umaga o hapon. Maaaring ang pagkaantok ay isa lamang sa mga sintomas na napapansin, ngunit maaaring may kaakibat itong ibang senyales ng sakit, tulad ng paghilik o pagsipa na nangyayari habang natutulog ang isang tao.
Sa mga sleep disorder, kadalasan, ang mga katabi sa pagtulog ang nakakapansin ng mga mahahalagang sintomas ng sakit. Ano man ang dahilan, importante ang pagpapakonsulta sa doktor upang masuri ang kundisyon ng pagtulog lalo na kung nakakasagabal na ito sa araw-araw na gawain.
Mga Sintomas ng Excessive Daytime Sleepiness
Importante ang pagkakaroon ng maayos na tulog dahil sa benepisyo nito sa memorya, resistensya, at iba pang mahalagang proseso sa katawan ng tao. Bilang epekto ng hindi magandang kalidad ng tulog, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas na hindi agad naiuugnay sa problema sa pagtulog.
Ang mga sintomas ng excessive daytime sleepiness ay mga sumusunod:
-Hirap maging alerto
-Pagiging iritable
-Problema sa memorya
-Hirap magpokus
-Hirap isaulo ang mga bagong konsepto
-Hirap sa paggawa ng desisyon
-Mabagal na reaksyon
-Paggawa ng mga delikadong bagay
Masamang Epekto ng Excessive Daytime Sleepiness
Ilan sa masamang epekto ng excessive daytime sleepiness ay ang mga sumusunod:
-Mas malaking tyansa na magkaroon ng aksidente habang nagmamaneho o nagtatrabaho
-Nakakabawas sa pagiging produktibo sa trabaho o sa eskwelahan
-Mas mababang kalidad ng pamumuhay
-Problema sa relasyon sa ibang tao
Ang pagkaantok sa umaga o hapon ay partikular na mapanganib sa mga nagtatrabaho, mga medical staff, at mga tao na madalas nagmamaneho.
Ang pagkakaroon ng matagalang problema sa kakulangan sa tulog ay iniuugnay sa mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng diabetes, obesity, sakit sa puso, at iba pang mga sakit. Sa mga bata, ang pagkaantok sa umaga o hapon ay maaaring makaapekto sa kanilang paglaki, habang sa mga nakatatanda, maaaring mas malagay sila sa panganib dahil sa pagkahulog at maaaring maging dahilan din ito ng mga problema sa memorya at pag-iisip, at maagang kamatayan.
https://www.shutterstock.com/image-photo/depressed-man-suffering-insomnia-lying-bed-662022781
Mga Sanhi ng Excessive Daytime Sleepiness
Maaaring maging dahilan din ng excessive daytime sleepiness ang pagkakaroon ng putol-putol o hindi magandang kalidad ng tulog. Ang pagbangon ng ilang beses sa gabi upang pumunta sa banyo ay isang halimbawa ng aktibidad na nakakasira sa natural na sleep cycle. Ang paninigarilyo, kakulangan sa ehersisyo, o iba pang kinagawian ay maaaring makasagabal sa maayos na tulog at magdulot na pagkaantok sa umaga o hapon.
Sa ilang kaso ng excessive daytime sleepiness, may mga tao na walang problema sa pagkakaroon ng kumpletong tulog. Maaaring ang pagkaantok ay sanhi ng ibang kundisyon (tulad ng depression, anxiety, schizophrenia, lupus, Parkinson’s disease, multiple sclerosis, cancer, chronic pain, obesity o hypothryoidism), o mga sleep disorder (tulad ng obstructive sleep apnea, restless legs syndrome, periodic limb movement disorder, narcolepsy, o idiopathic hypersomnia).
May mga gamot na binibigay para sa iba’t ibang sakit ang maaaring magdulot ng excessive daytime sleepiness.
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Magpakonsulta sa doktor kung nakakaranas ng pagkapagod sa lahat ng oras, o kung nakakaapekto na ang pagkaantok sa araw-araw na pamumuhay, o kung maaaring senyales ito ng natatagong sakit.
Maaaring tanungin ng doktor ang katabi ng pasyente sa pagtulog upang malaman kung humihilik, naghahabol ng hininga, o gumagalaw ang paa ng pasyente tuwing gabi. Kung may suspetsya na baka mula sa isang sleep disorder ang kundisyon, maaaring i-refer ang pasyente sa isang sleep specialist upang magsagawa ng iba pang eksaminasyon.
Ang gamutan para sa excessive daytime sleepiness ay depende sa sanhi nito. Maaaring magrekomenda ang doktor ng sleep hygiene tips upang mahikayat ang pasyente na magkaroon ng sapat na tulog. Maaaring i-adjust ang mga iniinom na gamot kung ito ang sanhi ng pagkaantok, at maaaring magbigay ng karagdagang gamot upang ma-kontrol ang ibang sakit.
Mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na tulog upang mapanatili ang malusog na pangangatawan. Kung malaman ang dahilan ng pagkaantok at masimulan ang tamang gamutan, manunumbalik ang dating sigla ng katawan at mas madaling makaka-concentrate sa mga araw-araw na gawain. Huwag hayaan na makaranas ng pagkapagod araw-araw kung maaaring dulot ito ng kundisyon na maaaring maagapan sa pamamagitan ng tama at ligtas na gamutan.
References:
https://www.healthline.com/health/excessive-sleepiness
https://www.sleepfoundation.org/excessive-sleepiness