Tamang Alaga Para Sa Hinihika

June 27, 2016

Photo courtesy of Unsplash via Pixabay

 

Ang hika o asthma ay sanhi ng pagsisikip ng daanan ng hangin o airway na nagpapahirap sa paghinga ng mga taong may ganitong sakit. Ang naturang pagsisikip ay isang “hypersensitivity reaction” kung saan nakakaranas ng “bronchial muscle spasm” at maaaring masamahan ng marami at malagkit na plema. Ang hangin mula sa baga ay naiipon lamang sapagkat hirap itong lumabas dito. Ang asthma ay kilala rin bilang bronchial asthma.

 

Ang taong nakakaranas ng hika ay posibleng ubohin (lalo na sa gabi), magkaroon ng matunog at hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, at makaranas ng throat irritation. Sa mga kaso kung saan malubha na ang hika, ang indibidwal ay maaring makaranas ng pamumutla, pagpapawis, mabilis at putol-putol na paghinga, hirap sa pagsasalita, at pag-aasul ng labi at mga kuko.

 

Hindi biro ang ganitong sakit kaya’t marapat lamang na malaman natin ang mga hakbang kung paano alagaan ang mga taong hinihika.

 

Photo courtesy of PublicDomainPictures via Pixabay

 

1.    Magkaroon ng komportableng posisyon sa pag-upo

 

Kung sakaling biglang umatake ang hika, isandal sa upuan nang pasulong na may suporta ng bisig ang hinihika. Ito ay makatutulong upang mabawasan ang hirap sa paghinga.

 

2.    Magkaroon ng maintenance medication

 

Bagama’t walang lubusang paggaling ang hika, ang pagkakaroon ng maintenance medication ay makatutulong upang maiwasang mapalubha ito. Maaari rin nitong mabawasan at makontrol ang mga sintomas sa tuwing aatake ang sakit.

 

Isa sa mga pang matagalang gamot sa hika ay ang montelukast. Ang mga gamot na ito ay para sa mga taong nakararanas ng pag-ubo, paninikip ng dibdib, at hirap sa paghinga. Isang uri naman ng bronchodilator ang salbutamol

 

3.    Magkaroon ng quick relief rescue medication

 

Ang quick relief o ang gamot na naghahatid ng mabilisang ginhawa ay nagpapaluwag kaagad ng paghinga sa pamamagitan ng pagpapahinga ng muscle na sumikip sa paligid ng daanan ng hangin.Ang salbutamol ay isa sa mga quick relief medicines.

Ang maintenance at quick relief medication ay parehong gumagamit ng inhaler at mga iniinom na gamot. Ugaliing dalhin ang mga gamot na ito kahit saan magpunta upang maging handa kung sakaling atakihin ng hika.


Photo courtesy of bigtorica via Pixabay

4.    Umiwas sa mga triggering factors na nagdudulot ng hika

 

Maraming pwedeng maging sanhi ang hika, at isa na rito ang allergy sa alikabok. Ito ay maaaring isa sa triggering factors kaya mas makabubuting ugaliin ang paglilinis ng mga items sa inyong tahanan tulad ng pagpapalit ng punda ng unan at paglalaba ng kurtina linggo-linggo. Isama rin ang paglilinis ng mga appliances at iba pang kagamitan sa inyong tahanan.

 

Kung ang klima naman ang triggering factor sa pag-atake ng hika, makatutulong na pagsuotin ng mask ang pasyente.

 

Umiwas din sa mga pagkain na maaaring nagiging sanhi nito. Mag-ingat sa mga food preservatives, yellow food coloring, sitsirya, seafoods, itlog, manok, at iba pa.

 

Mas makabubuting payuhan ang taong may sakit na hika na pakiramdaman ang lagay ng kanyang katawan at isulat ito upang malaman kung ano talaga ang nagdudulot nito.

Photo courtesy of DarkoStojanovic via Pixabay

 

Maraming maging epekto ang sakit na hika sa taong nakararanas nito. Ito ay pwedeng maging sagabal sa kanyang pang araw-araw na buhay at sa mga gawaing dapat niyang tugunan. Ang mga paraan ng pag-aalaga ay mga gabay lamang kaya’t mas makabubuti pa rin na hingin ang tulong ng doktor para sa mas malalim na pagsusuri.

 

Kung tuluyan ng nahihirapan sa paghinga ang pasyente at hindi bumubuti ang kalagayan nito kahit pa nakasailalim sa gamutan, kumonsulta na sa doktor sapagkat may mga kaso ng hika kung saan ito ay nagiging mapanganib na at nakamamatay.