Ang asthma attack o asthma exacerbation ay ang biglaang paglala ng asthma symptoms dulot ng pamamaga ng muscles sa paligid ng daanan ng hangin sa respiratory system ng isang tao. Ito ay nararanasan ng nakararami, sa katunayan, 300 million na tao – bata at matanda ang naaapektuhan ng asthma sa buong mundo. Tingnan ang mga sanhi, sintomas, at nararapat na solusyon para sa asthma attack.
Mga Sanhi ng Asthma Attack
Maraming dahilan kung bakit nararanasan ng isang tao ang asthma attack. Kadalasan, ang asthma attack ay mas nakakaapekto kapag ang immune system ng isang tao ay labis na sensitibo. Isa sa pinaka-karaniwang dahilan nito ay ang exposure sa mga bagay na maaaring mag-trigger gaya ng alikabok, pollen na mula sa sa halaman at puno, balahibo ng alagang aso o pusa, at amag.
Ilan pa sa mga asthma causes o dahilan kung bakit nararanasan ang asthma attack ay may kinalaman sa kondisyon ng upper respiratory system lalo na ng mga bata. Kung ang bata ay may infection sa kanyang respiratory system gaya ng sipon, mataas ang risk ng asthma attack. Mayroong pagkakataon na nararanasan ang asthma attack nang biglaan at walang dahilan.
Narito ang ilan pa sa mga sanhi ng asthma attack:
- Usok mula sa sigarilyo o tobacco
- Polusyon sa hangin
- Pagkalanghap ng tuyo o malamig na hangin.
- GERD o Gastroesophageal Reflux Disease
- Iba pang environmental factors
- Stress
Mayroong early signs ang asthma attack. Karaniwan itong nangyayari ilang moments bago ang atake o sa pinakaumpisa ng asthma attack. Anu-ano ang common early signs ng asthma attack at paano malalaman kung ito ang nararamdaman ng iyong anak? Narito ang ilan sa mga sintomas:
- Matinding pagkakapos ng hininga o shortness of breath;
- Paninikip ng dibdib at matinding pag-ubo at wheezing lalo na sa gabi;
- Kapag ang inhaler ay hindi na nakakatulong o umeepekto;
- Hirap sa pagsasalita dulot ng hingal;
- Sintomas ng allergies gaya ng ubo, nasal congestion, at sakit ng ulo;
- Hirap sa pagtulog; at
- Madaling pagkapagod matapos mag-exercise o gumawa ng activity.
Ang pagkakaroon ng asthma attack ay seryosong kondisyon at hindi dapat pinawawalang bahala. Mayroong maaaring gawin para maiwasan o ma-control ang paglala nito. Upang ma-control ang asthma symptoms na nararanasan araw-araw, dapat ay mayroong treatment plan ang iyong anak. Importante na laging pumunta sa lahat ng scheduled appointments sa doktor. Kapag ito ay napabayaan, maaapektuhan ang daily activities ng bata at maaaring mauwi sa mga komplikasyon.
Mataas ang risk ng pagkakaroon ng asthma attack ang na-diagnose na mayroong asthma. Common ang asthma attacks sa mga bata edad lima pababa, mga edad na nasa 30s, at lagpas sa edad na 65. Mayroon pang ilang risk factors na nagiging dahilan upang tumaas ang chances na magkaroon ang iyong anak nito. Ilang sa mga ito ay ang sumusunod:
- Nakaranas na ng serious na asthma attack noon;
- Kinailangan na i-admit sa ospital o ICU dahil sa asthma;
- Mas napapadalas na paggamit ng inhaler; at
- Biglaang pagkakaroon ng asthma symptoms.
Photo from Pexels
Mga Solusyon Upang Maiwasan ang Asthma Attack
May ilang mga paraan para maiwasan ang paglala ng asthma symptoms na nauuwi sa asthma attack. Isa na rito ang pagbawas o pag-iwas sa exposure ng mga nakakapag-trigger ng asthma. Ang ilan sa mga hakbang na maaaring gawin ay ang mga sumusunod:
- Ugaliing maglinis ng bahay at least isang beses sa isang linggo. Ipasuot ang face mask at huwag hayaan na masinghot ng bata ang mga alikabok.
- Tanggalin ang dust sa bahay regularly, lalo na sa mga décor at iba pang gamit sa bahay. Iwasan na maglagay sa bahay ng mga gamit na may tendency na mag-collect ng alikabok gaya ng carpet. Para sa flooring, maaaring mag-install ng hardwood o linoleum.
- Dahil malakas makapag-trigger ang pollen na galing sa mga halaman at puno, maaaring gumamit ng air conditioner sa bahay para maiwasan malanghap ito.
- Takpan ang ilong at bibig kapag malamig ang hangin sa labas. Ang cold at dry air ay maaaring mag-trigger ng asthma attack.
- Iwasan ang mababalahibong aso at pusa kung mayroong allergy sa mga ito. Piliin na mag-alaga ng pets na hypo-allergenic at mga maninipis ang balahibo. Importante na i-groom sila at paliguan regularly.
- Huwag hayaang magkaroon ng mold o spores sa mga lugar sa bahay na damp gaya ng palikuran at kusina.
Home Remedies for Asthma Attack
Photo from Unsplash
Ang asthma ay nangangailan ng medication upang ma-control ito, ngunit mayroong maaaring gawin para mapanatiling healthy at maiwasan ang asthma attacks sa iyong anak. Narito ang ilan sa pwede mong gawing pag-iingat at home remedies for asthma attack:
- Sa pagkakataon na nararanasan ang asthma attack huwag pahihigain ang iyong anak. Paupuin ang bata ng diretso at tulungan upang makalma.
- Ipagamit and inhaler.
- Kapag hindi pa rin bumuti ang pakiramdam, tumawag na ng doctor o magpunta sa pinakamalapit na ospital.
- Ingatan ang kalusugan ng bata at mag-exercise regularly. Ang pagkakaroon ng asthma ay hindi nangangahulugang bawal maging active. Importante na magkaroon ng healthy heart and lungs ang bata.
- Siguraduhin na ma-maintain ang tamang timbang ng bata. Ang pagiging overweight ay nagiging dahilan para magkaroon ng malalang asthma symptoms at maaaring maging sanhi ng iba pang problema sa kalusugan.
- Kung mayroong GERD o acid reflux, kinakailangan itong gamutin dahil nagiging sanhi ito ng asthma attack. Kadalasan, ang asthma symptoms ay nagkakaroon lamang ng improvement kapag na-control ang reflux.
- Nakakatulong ang breathing exercises para ma-control ang intake ng asthma medication.
Bagama’t mas nakakaapekto ito sa mayroong moderate o severe asthma, maaari pa rin makaapekto ang asthma attack kahit sa mayroong mild asthma. Ang kondisyong ito ay hindi dapat pinawawalang bahala kaya naman ay importante ang pag-inom ng gamot na prescribed ng iyong doktor sa tamang dosage at tamang oras upang maiwasan ang risk na magkaroon nito.
Sources:
https://www.webmd.com/asthma/guide/asthma-attack
https://www.healthline.com/health/emergency-home-remedies-for-asthma-attacks
https://www.asthma.org.uk/advice/asthma-attacks/
https://www.verywellhealth.com/what-are-the-risk-factors-for-an-asthma-attack-201078
https://www.everydayhealth.com/asthma/natural-remedies-for-asthma.aspx