Hindi madaling mamuhay kapag aktibo ang mga sintomas ng arthritis. Kadalasan, ang may sakit ay ginagambala ng matinding joint pain at kadaliang mapagod sa mga pangkaraniwang gawain. Mahirap din ang paggalaw sa katawan, lalo na kapag may rayuma. Kinakailangan ang iyong pag-unawa sa nararamdaman at kalagayan ng mahal sa buhay na may arthritis upang siya ay maalagaan nang maayos.
Upang malabanan ang arthritis, kailangang mawala o mabawasan ang epekto ng mga sintomas nito. Pagtuunan ng pansin ang mga nararamdaman ng may sakit upang siya ay mabigyan ng wastong gamot at patnubay hanggang sa bumuti ang kanyang kondisyon. Maaaring gawin ang sumusunod:
Hot at cold compress
Tuwing sumisiklab ang osteoarthritis, patungan ng bote ng mainit na tubig sa loob ng 10-15 minutes ang mga bahagi ng katawan na apektado ng joint pain. Maaaring balutin ang bote ng tuwalya kung masyado itong mainit. Pagkatapos ay kumuha ng yelo at balutin ito ng tuwalya. Ilagay ito sa mga apektadong bahagi ng katawan sa loob ng 10-15 minutes.
Ulitin ang proseso kung hindi nawala ang pananakit, pamamaga, at paninigas ng kasukasuan.
Tumulong sa mga regular na gawain
Bukod sa sakit na nararamdaman, nakararanas ng hirap sa paggalaw ang taong may arthritis, lalo na kung may knee pain. Kadalasan ay nahihirapan siyang gampanan ang kanyang regular na tungkulin gaya ng pagpapalit ng damit, paghuhugas ng pinggan, at pagkuha ng mga bagay sa sahig.
Tulungan ang may sakit sa kanyang mga pang-araw-araw na tungkulin upang hindi siya mabahala. Ang simpleng pag-abot ng mga bagay na malayo at pagtulong sa mga gawaing bahay ay malaki ang magagawa.
Maghanda ng exercise plan
Kung hindi malubha ang joint pain, maaaring maghanda ng mga simpleng ehersisyo. Nakakatulong ang pagiging aktibo sa pagpapaluwag ng mahihigpit na kasukasuan. Magtalaga ng ehersisyo sa bawat araw ng linggo tulad ng swimming, walking, pagbubuhat ng magagaang weights, biking, yoga, at mga simpleng aerobic at core exercises.
Maganda kung masasamahan sa pag-eehersisyo ang may sakit upang maging mas masaya ang kanyang activities of daily living. Nakakaganda rin ng mood ang lagiang pag-eehersisyo, na nakakatulong sa pag-iwas sa depression. Kumonsulta naman sa doktor o therapist tungkol sa exercise plan kung malubha ang kalagayan ng may sakit.
Maghanda ng pain score chart
Iba-ibang lebel ng pananakit ang maaring maramdaman ng taong may arthritis. Maganda kung mailalathala ang mga ito sa isang talaan na kung tawagin ay pain score. Gumawa ng sukatan na naglalaman ng anim na mukha. Ang una ay nakangiti, na nagsasaad na hindi nakararamdam ng sakit ang taong may arthritis. Ang pinakahuli ay umiiyak, na nangangahulugang matinding pananakit ang nararamdaman ng may sakit.
Ipakita sa may arthritis ang pain score chart upang maituro niya ang lebel ng pananakit na nararamdaman. Kung malubha, tulungan mo siya sa kanyang mga gawain. Kung hindi naman, maaaring mag-relax at libangin ang may sakit. Matutulungan ka ng chart gumawa ng angkop na kilos habang kasama ang may arthritis.
Kumain ng balanced diet
Maraming dalang benepisyo ang pagkain nang tama. Ang pag-iwas o paglimita sa matatabang pagkain, asukal, at labis na carbohydrates ay nakakatulong sa pagbababawas ng timbang. Tandaan na ang pagiging overweight ay sanhi ng arthritis. May mga pagkain din na nakaka-relax ng muscles at nagbibigay ng sustansya sa katawan.
Kung gout ang uri ng arthritis na katunggali, bumuo ng diet na naglalalaman ng white meat (walang balat), itlog, keso, mani, prutas, at leafy vegetables. Iwasan naman ang mga lamang loob, red meat, beer, at seafood na mataas sa purine - isang kemikal na nagpapalala sa gout.
Siguraduhing malinis at maayos ang paligid
Malaking bahagi ang kapaligiran sa kapakanan ng taong may arthritis. Dahil limitado ang kanyang mga galaw, maaari siyang maaksidente kung ang silid ay madulas, madilim, maraming nakalaylay na kable, at maraming kalat sa sahig. Ayusin ang mga kagamitan at linisin ang bahay upang maibsan ang disgrasya.
Siguraduhin ding malapit sa kama ng may sakit ang kanyang mga kailangang gamit - tulad ng damit, pagkain, at libangan - kung sakaling umatake ang mga sintomas ng karamdaman.
Bantayan ang pag-inom ng gamot
Siguraduhing iniinom ng may sakit ang kanyang gamot sa takdang oras. Pwedeng manumbalik ang joint pain kung nakaligtaan ang pag-inom nito. Kung hindi nababawasan ang sakit pagkatapos uminom ng gamot, konsultahin agad ang doktor. Reresetahan niya ang may sakit ng mas mabisang gamot. Maaari ring sumailalim ang may sakit sa acupuncture therapy.
Bukod sa mga nakasaad na alituntunin, maglaan ng oras kausapin, kumustahin, at pasayahin ang mahal sa buhay na may arthritis. Madaling sumadlak sa depression dahil sa mga nakakabalisang sintomas ng karamdaman. Sa katotohanan, malaking ginhawa ang mararamdaman ng may sakit kung siya ay makaranas ng tunay na malasakit.
Sources:
http://www.arthritisresearchuk.org/arthritis-information/arthritis-and-daily-life/caring-for-a-person-with-arthritis/helping-with-physical-challenges.aspx
http://www.medic8.com/healthguide/arthritis/caring-for-an-arthritis-sufferer.html
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/in-depth/arthritis/art-20046440?pg=2
http://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/in-depth/gout-diet/art-20048524
http://www.everydayhealth.com/osteoarthritis/osteoarthritis-caregiving.aspx
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/in-depth/arthritis/art-20046440?pg=2
Image 1: Photo from Pixabay
Image 2: Photo from Pixabay
Image 3: Photo from Pixabay