6 Simpleng Ehersisyo para sa Taong May Rayuma

June 13, 2016

Photo from Pixabay

 

Malaking bahagi ang ehersisyo sa pagkokontrol ng rheumatism o rayuma. Bukod sa pagpapaganda ng kalusugan, nakatutulong ang ehersisyo sa pagpapaluwag ng stiff joints o kasukasuan, pagbabawas ng sakit ng katawan, pagpapalakas ng muscles, at pag-iwas sa malulubhang komplikasyon tulad ng stroke at atake sa puso. Mahalagang isama ito sa iyong pang-araw-araw na gawain.

 

Gayunman, hindi lahat ng ehersisyo ay pwedeng gawin kapag mayroong rayuma. Ang mga “high impact” na ehersisyo ay maaaring makapagpalala ng kondisyon dahil labis ang tensyon na ibinibigay ng mga ito sa muscles at mga kasukasuan. Mainam ang mga simple at “low impact” na exercise.

 

Swimming

 

Kung ikaw ay karaniwang nakararanas ng pananakit ng kasukasuan, ang paglangoy sa maligamgam na tubig ay isa sa pinakamabisang solusyon sa nasabing sintomas ng rheumatism. Magaan ang katawan habang nasa tubig, kung kaya madaling naigagalaw ang kamay at paa nang hindi nakararamdam ng sakit. Nakakapagpaganda rin ng mood at nagpapalakas ng muscles ang swimming.

 

Stretching

 

Ang stretching ay karaniwang ginagawa bago lumahok sa isang mabigat na ehersisyo. Binabanat nito ang muscles at joints upang mabigyan ang mga ito ng karagdagang flexibility at durability. Maliban dito, maaari ding mag-stretching ang taong may rayuma para mabawasan ang higpit ng mga kasukasuan. Mas makakagalaw ka nang lubos pagkatapos gawin ang ehersisyong ito. Mas marami ring aktibidad ang iyong magagawa dahil dito.

 

Paglalakad

Photo from Pixabay

 

Hindi kailangan nang may rayuma na lumahok sa mabibigat na ehersisyo – ang simpleng paglalakad ay mainam na. Bukod sa pagpapaluwag ng mga kasukasuan, ang paglalakad ay nakatutulong sa pagbabawas ng timbang at pagpapalakas ng katawan. Umikot sa barangay nang hindi bababa ng 30 minutes. Kung ikaw ay nahihirapang maglakad, maaaring gumamit ng tungkod.

Iwasan ang jogging at running lalo na kung malubha ang rayuma. Baka hindi kayanin ng mga joints ang puwersang tatanggapin nito.

 

Zumba

 

Pinagkakaguluhan ang Zumba sa buong mundo dahil nakakapagpababa ito ng timbang nang hindi nakakapinsala sa joints at muscles. Sa madaling salita, maaari itong gawin ng taong mayroong rayuma.

 

Magsimula muna sa malulumanay na kilos hanggang sa masanay ang katawan sa patuloy na mosyon. Bago sumali sa pormal na klase, sabihan mo muna ang iyong fitness trainer na ikaw ay mayroong rheumatoid arthritis para maisaayos niya ang programa nang ayon sa iyong kondisyon.

 

Yoga at Tai Chi

Photo from Pixabay

 

Kilala ang mga ehersisyong nakasentro sa iba’t-ibang pustura, tulad ng yoga at tai chi, sa pagbibigay ginhawa sa stiff joints. Panandaliang natatanggal din ng mga ito ang sakit galing sa rayuma.  Ang serye ng mga galaw ay nakaka-relax, habang pinalalakas ang iyong muscles. Hindi lahat ng pustura ay kayang gawin kapag malubha ang rayuma, kaya kausapin muna ang instructor bago tumuloy sa programa.

Banayad na Strength Training

 

Pinapahina ng rayuma ang muscles, kung kaya ang ibang rayumatiko ay nahihirapang gumalaw. Manunumbalik ang iyong lakas kapag ikaw ay lumahok sa malumanay na uri ng strength training. Imbis na magbuhat ng malalaking barbell, gumamit ng maliliit na dumbbell, treadmill, at stair machine.

 

Maiging kumonsulta muna sa isang fitness trainer bago sumabak sa workout. Gagawan ka niya ng espesyal na programa na magpapalakas sa iyong katawan nang hindi pinapalala ang mga sintomas ng rayuma.

 

Bukod sa pag-eehersisyo, nakatutulong din sa pagkokontrol ng rayuma ang wastong diet. May mga pagkain na nagbibigay ginhawa sa mga sintomas ng kondisyon. Pagsabayin ang diet at ehersisyo upang mabuhay nang masaya at malusog. Huwag mag-alinlangang kumonsulta sa iyong doktor para ikaw ay kanyang magabayan sa iyong pang-araw-araw na gawain. Malalaman din niya kung rayuma ba talaga ang iyong kondisyon o gout dahil bahagyang magkatulad ang sintomas ng dalawa.