Tamang Alaga sa may Anxiety

July 16, 2019

Normal lang ang pagkaramdam ng pagkabahala para sa mga bagay na hindi natin lubos na nauunawaan, pati na rin sa mga pagkakataong hindi natin alam ang kabuuan ng isang pangyayari. Halimbawa na lamang nito ay kung ano ang mangyayari sa hinaharap, kung ayos lang ba ang kalagayan ng isang mahal sa buhay na ilang oras nang hindi matawagan, o kung pumasa ba tayo o hindi sa kinuhang exam.

Bagama’t lahat ng tao ay nakakaranas ng pag-aalala paminsan-minsan, may kaso nito na kailangang pagtuunan ng pansin. Ang labis na pagkabahala na tila hindi nakakalma ng sa kahit anong paraan ay maaaring simula na pala ng isang medical condition na tinatawag na anxiety disorder.

Bago malaman kung paano makakapagbigay ng tamang alaga at pang-unawa sa mga mahal sa buhay na nakakaranas nito, alamin muna natin kung anu-ano ang mga uri nito.

Ano ang Anxiety Disorder?

Ang anxiety disorder ay tumutukoy sa mga kondisyon kung saan ang mga sintomas ng pagkabalisa at pagkatakot ay paulit-ulit nararanasan. Mayroon itong iba’t ibang uri.

Ang isang ‘di-makontrol na matinding pag-aalala ay matatawag na generalized anxiety disorder o GAD.  Ang pag-aalalang kasama nito ay unrealistic o hindi makatotohanan, at tumatagal ng hanggang anim na buwan.

Panic attacks naman ang tawag sa matitinding panahon ng pagkatakot na nangyayari sa loob ng maiksing oras. Lingid sa kaalaman ng karamihan, iba pa ito sa panic disorder, kung saan pabalik-balik na ang panic attacks.

Managing Anxiety

Upang maayos maisagawa ang anxiety management para sa sarili o kaya naman sa mahal sa buhay, ang unang hakbang dito ay kilalanin na ito ay nararansan. Hindi ito isang kondisyon na nada-diagnose ng doktor. Sa pag-amin sa sarili, makakatulong ito na humanap ng angkop na solusyon sa nararamdamang pagkabalisa.

Sa pagkakaroon naman ng panic attack, kailangang ay magpa-diagnose sa isang specialist lalo na kung ilang episodes na ang nararanasan. Sa pamamagitan nito, matutukoy kung ano ang pinakamabisang paraan para matugunan ang kondisyon.

Hindi pare-pareho ang pinagdadaanan ng mga taong may panic disorder, kaya naman hindi basta-basta pwedeng magrekomenda ng mga hakbang para malabanan ito. Maaaring naging epektibo ang mga ito para sa iba, ngunit hindi ito garantisadong magiging kasing husay kapag isinagawa ng ibang tao. Dahil dito, isang psychiatrist o psychologist ang kailangang tumugon sa pangangailangan ng pasyente.

How to Deal with Anxiety Attacks

Ang anxiety attack ay mayroong specific na trigger kagaya ng issue sa trabaho, sa eskwela, sa bahay, sa kalusugan, o kaya naman ay sa mga relationship. Hindi ito umaatake nang biglaan. Unti-unti nitong dinadala ang isip sa mga hindi makatotohanang pangyayari. Mainam na sa pagsisimula pa lang ng atake, matugunan agad ito.

Kung nakakaranas ng mga sintomas ng anxiety attacks, tandaan natin ang mga simpleng hakbang na ito nang sa gayon ay maiwasan ang paglubha ng kondisyon. Hangga’t maaari, ipaalam din ito sa mga taong palagi ninyong kasama para sa oras na umatake ang pagkabalisa, makakatulong sila kung paano mapapakalma ang sitwasyon.

  1. Mag-focus sa ngayon.

Kasama ng anxiety ang pag-aalala sa hinaharap na hindi pa naman dumadating. Halimbawa na lamang nito ay ang pag-iisip ng negatibong resulta sa mga pinaplano sa future bagama’t walang kasiguraduhan na ito ay mangyayari.

Kapag inatake ng anxiety, subukang ibalik ang sarili sa kasalukuyan. I-set ang pag-iisip sa kung ano ang nangyayari sa ngayon. Simulan sa pamamagitan ng pag-check kung ligtas ba ang iyong buhay sa oras na ito. May nangyayari bang masama sa paligid? Sa mga mahal sa buhay? O nasa isip lang ang mga sitwasyong ito?

Dahil ang anxiety ay nakatuon sa pinakamalalang sitwasyon na posibleng mangyari, mabisa rin kung iisipin kung gaano katotoo ang mga saloobing ito. Ilang eksperto ang nagmumungkahi na siguraduhin ang sarili na ang mga tumatakbo sa isip ay hindi nangyayari sa kasalukuyan, at posible man na mangyari ang mga ito, may mga bagay pa rin na magiging maayos.

  1. Magsagawa ng breathing exercises.

 

Nakakatulong sa pagpapakalma ang paulit-ulit na paghinga ng malalim. Ituon ang pansin sa dahan-dahang pag-inhale at pag-exhale. Daan ito para mag-slow down ang pag-iisip at makabalik sa focus habang hindi pa lumalala ang mga nabubuong sitwasyon sa utak. Kung maaari ay pwede itong samahan ng simple exercises gaya ng paglalakad at stretching. Ang pagiging aktibo ay nagpapanatili sa normal na pag-supply ng oxygen sa isip.

  1. Kumain ng mga pagkaing nakakapagpataas ng serotonin.

Ang serotonin ay isang kemikal sa utak na nagpapabalanse ng mood at nagpapatuloy ng maayos na sleeping habits. Ito ay gawa sa amino acid na tryptophan. Para tumaas ang “happy hormones” na ito, kumonsumo ng mga pagkaing mayaman sa tryptophan gaya ng itlog, keso, pinya, tofu, salmon, at nuts.

  1.  Uminom ng iniresetang gamot.

Bukod sa mga ito, epektibong anxiety attack treatment ang pag-inom ng Escitalopram. Binabalanse ng gamot na ito ang levels ng serotonin para malabanan ang mga kondisyon gaya ng depression at anxiety. Ito ay kabilang sa mga gamot na tinatawag na selective serotonin reuptake inhibitors o SSRI. Napapataas nito ang energy, napapabuti ang pakiramdam, at nababawasan ang nerbyos na nararamdaman. Siguraduhing ito ay iminungkahi ng iyong doktor bago inumin.

Bukod sa mga ito, malaking bagay din kung hindi mag-iisa ang nakakaranas ng anxiety attack. Mabigat man sa pakiramdam at tila walang kontrol laban dito, hindi dapat ito maging hadlang upang humingi ng tulong at pang-unawa sa mga taong nagmamahal sa atin. Ito ay mas mapagtatagumpayan kung hindi tayo mag-isang makikipaglaban.

Sources:

https://www.webmd.com/mental-health/features/ways-to-reduce-anxiety

https://www.medicalnewstoday.com/articles/307863.php

https://www.webmd.com/drugs/2/drug-63989/escitalopram-oxalate-oral/details

https://www.healthline.com/health/healthy-sleep/foods-that-could-boost-your-serotonin#food-and-mood