Ang urinalysis ay isang laboratory test na pinapagawa upang ma-detect kung ang isang tao ay may sakit na maaaring makita sa pagsusuri ng ihi.
Maraming mga sakit ang nakakaapekto sa paraan ng katawang maglabas ng mga basura at lason. Ang mga organ na tumutulong sa prosesong ito ay ang baga, bato, daluyan ng ihi, balat, at pantog. Ang mga problema sa mga organ na ito ay maaaring makaapekto sa itsura, konsentrasyon, at nilalaman ng ihi. Kadalasang ginagamit ng mga doktor ang urinalysis bilang screening o upang mamonitor ang ilang mga karaniwang karamdaman, tulad ng sakit sa atay, sakit sa bato at diabetes, o upang makumpirma ang pagkakaroon ng urinary tract infection (UTI).
Ang urinalysis ay iba sa drug screening o pregnancy test, bagaman ang lahat ng ito ay nangangailangan ng sampol ng ihi.
Anong mga Test ang Kasama sa Urinalysis?
Maaaring magrequest ang doktor ng ibang mga pagsusuri na kasama sa urinalysis. Depende sa sintomas at kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng pasyente, maaaring mamili ang doktor ng mga partikular na test na susuriin sa urinalysis.
Kalimitan, ito mga nakikita sa urinalysis:
-Kulay at itsura ng ihi
-Kemikal na komposisyon ng ihi
-Paglalarawan ng ihi na nakikita sa ilalim ng microscope
Bakit Kailangang Sumailalim sa Urinalysis?
Maaaring magpakuha ang doktor ng urinalysis para sa iba’t ibang medikal na kundisyon dahil maraming kaalaman tungkol sa kalusugan ang makikita sa pagsusuri ng ihi. Ilan sa mga dahilan kung bakit sumasailam sa urinalysis ay ang mga sumusunod:
-Bilang bahagi ng routine medical exam upang ma-screen para sa mga maagang senyales ng ilang karamdaman
-Bilang preparasyon bago sumailalim sa operasyon
-Bilang bahagi ng routine na eksaminasyon sa mga buntis
-Kung nakakaranas ng senyales at sintomas ng ilang partikular na karamdaman, tulad ng diabetes o kidney disease
-Upang ma-monitor ang ilang karamdaman na nangangailangan ng gamutan, tulad ng diabetes o kidney disease
-Upang makumpirma ang pagkakaroon ng urinary tract infection para sa mga taong nakakaranas ng pagsakit ng puson o likod, madalas o masakit na pag-ihi, dugo sa ihi, o iba pang problema sa pag-ihi
-Kung na-admit sa ospital
Ano ang Dapat Gawin Bago Magpakuha ng Urinalysis?
Unang-una, siguraduhin na nakainom ng sapat na dami ng inumin, tulad ng tubig, upang mabilis na makakolekta ng sampol ng ihi. Ngunit, ang pag-inom ng sobrang dami ng tubig ay maaari ring makaapekto sa resulta ng urinalysis. Ang isa o dalawang baso ng inumin, na maaaring tubig, juice o gatas, ay sapat na sa araw na magpapakuha ng urinalysis. Hindi kailangang baguhin ang dyeta o mag-fasting para sa eksaminasyon.
Depende sa dahilan kung bakit nagpapakuha ng urinalysis, maaaring magpakolekta ang doktor ng sampol ng unang ihi pagkagising sa umaga (first morning void), kung kailan mas concentrated ang ihi. Kung ganito ang kaso, sasabihan ng doktor o ng laboratoryo ang pasyente kung paano ito dapat gawin.
May mga gamot na nakakaapekto sa kulay ng ihi. Maaaring patigilin ng doktor ang pag-inom ng ilang gamot na makakaapekto sa resulta ng urinalysis. Itigil lamang ang gamot depende sa payo ng doktor. Ang ilan sa mga gamot na ito ay ang mga sumusunod:
-Vitamin C supplements
-Metronidazole
-Riboflavin
-Anthraquinone laxatives
-Methocarbamol
-Nitrofurantoin
Kung may regla ang pasyente, mahalaga na sabihan ang doktor bago mangolekta ng sampol ng ihi. Ang regla, pati na ang discharge mula sa pwerta, ay maaaring makaapekto sa resulta ng urinalysis.
Proseso ng Pagkolekta ng Ihi
Ang sampol ng ihi ay maaaring kolektahin sa klinik ng doktor, sa ospital, o sa laboratoryo. Magbibigay ng plastic container upang paglagyan ng ihi.
Maaaring magpakolekta ang doktor ng clean catch urine sample. Sa pamamaraan na ito, maiiwasan na makapagsama ng bacteria mula sa ari sa kinolektang ihi. Magsimula sa pamamagitan ng paglilinis ng daluyan ng ihi gamit ang wet wipes. Ang mga babae ay dapat punusan ang labasan ng ihi simula sa harap papunta sa likod. Sa mga lalaki naman, dapat punasan ang dulo ng ari. Maglabas ng kaunting ihi sa inidoro, pagkatapos ay saluhin ang mga sunod na patak ng ihi sa plastic cup. Iwasang hawakan ang loob ng lalagyan upang hindi mahaluan ng bacteria mula sa kamay ang sampol ng ihi.
Sa ilang mga kaso, maaaring mag-request ang doktor ng urinalysis sa pamamagitan ng catheter na pinapasok sa pantog. Maaaring magdulot ito ng kaunting kirot. Kung hindi komportable sa paraan na ito, maaaring makipag-usap sa doktor upang malaman kung may alternatibong paraan upang kolektahin ang ihi.
Pagkatapos magpasa ng sampol ng ihi, dadalhin ito sa laboratoryo para sa pagsusuri. Maaaring agad na bumalik sa pang-araw-araw na gawain matapos magpagawa ng urinalysis.
https://www.shutterstock.com/image-photo/test-tires-violet-gloves-chart-urine-1245033115
Paano Kung Abnormal ang Resulta ng Urinalysis?
Kung may isang pagsusuri sa urinalysis na lumabas na abnormal, hindi ibig sabihin nito na may karamdaman na ang pasyente. Maaaring suriin kung may mga salik na nakaapekto sa resulta ng urinalysis tulad ng mga iniinom na gamot, kontaminasyon ng bacteria, o pagkakamali sa pagpoproseso ng ihi.
Base sa kalagayan ng kalusugan at sintomas ng pasyente, maaaring ipaulit ang urinalysis o mag-request ng mga karagdagang eksaminasyon upang malaman kung may karamdaman ang pasyente.
Kailan Dapat Magpakonsulta sa Doktor?
Kung nakakapansin ng pagbabago sa pag-ihi, tulad ng pag-iiba ng kulay, lapot, at amoy, makipag-ugnayan sa doktor.
Kung nakakaranas ng sintomas ng urinary tract infection tulad ng malakas at hindi nawawalang pakiramdam na laging kailangang umihi, at/o nasusunog na pakiramdam habang umiihi, magpakonsulta sa doktor para sa tamang payo at gamutan.
References:
https://www.healthline.com/health/urinalysis
https://my.clevelandclinic.org/health/diagnostics/17893-urinalysis
https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/urinalysis/about/pac-20384907