Ang tuberculosis (TB) ay isang maaaring nakamamatay na impeksyon na karaniwang nakakaapekto sa baga at maaari ring kumalat sa ibang parte ng katawan tulad ng utak, bato, o spine. Buhat ito sa isang bacteria na kumakalat mula sa isang taong may TB sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing ng mga maliliit na droplet sa hangin.
Ang mga taong may TB ay dapat sumailalim sa pag-inom ng kombinasyon ng mga gamot na tumatagal ng ilang buwan upang lubusang mapuksa ang bacteria at maiwasan ang pagkakaroon ng antibiotic resistance. Kung hindi magagamot ang impeksyon, maaari itong magdulot ng malubhang pinsala o kamatayan.
https://www.shutterstock.com/image-photo/blur-patient-waiting-see-doctor-hospital-1424550215
Paano Nagkakaroon ng Tuberculosis?
Ang Mycobacterium tuberculosis ang bacteria na sanhi ng tuberculosis. Maaari itong mahawa mula sa taong may aktibo at hindi pa nagagamot na tuberculosis kapag ito ay umubo, nagsalita, bumahing, dumura, tumawa, o kumanta.
Bagaman nakakahawa ang tuberculosis, hindi agad agad na nakukuha ito ng taong may malusog na pangangatawan sa mabilisang pakikisalamuha sa taong may TB; mas malaki ang tyansa na magkaroon ng tuberculosis mula sa taong matagal na kasama sa bahay o sa trabaho. Kadalasan, ang mga taong may TB na naggagamot na ng hindi bababa sa dalawang linggo ay maaaring hindi na nakakahawa.
Kahit sinong tao ay maaaring magkaroon ng tuberculosis, ngunit may mga partikular na salik o factor na nagpapataas ng tyansa na mahawaan, kabilang na ang mga sumusunod:
- Mahinang resistensya
Ang malakas na resistensya ay matagumpay na nalalabanan ang Mycobacterium tuberculosis. Ngunit, may ilang mga kondisyon at mga gamot na nagpapahina ng resistensya tulad ng:
-Human immunodeficiency virus (HIV)/Acquired immunodeficiency syndrome (AIDS)
-Diabetes
-Malubhang sakit sa bato
-Ilang mga kanser
-Gamot para sa kanser, tulad ng chemotherapy
-Gamot para maiwasan ang rejection mula sa organ transplant
-Ilang gamot para sa rheumatoid arthritis, Crohn’s disease at psoriasis
-Malnutrition o pagiging underweight
-Pagiging napakabata o napakatanda
- Paglalakbay o paninirahan sa ilang partikular na lugar
Malaki ang tyansa ng pagkakaroon ng TB kung nanggaling o nakatira sa mga lugar na mataas ang kaso ng TB, tulad ng:
-Africa
-Asia
-Eastern Europe
-Russia
-Latin America
- Pagkakaroon ng bisyo
Ang paggamit ng pinagbabawal na droga at labis na pag-inom ng alak ay nagdudulot ng paghina ng resistensya, kaya mas madaling kapitan ng sakit. Ang paninigarilyo ay maaaring magdulot ng iba pang sakit sa baga at nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng malubhang kaso ng TB.
- Pagiging healthcare worker
Ang regular na pakikisalamuha sa mga taong may sakit ay nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng exposure sa taong may TB. Ang pagsusuot ng mask at paghuhugas ng kamay ay nakakatulong upang hindi agad mahawaan ng TB at iba pang sakit.
- Paninirahan o pagtatrabaho sa isang residential care facility
Ang mga taong nagtatrabaho o nakatira sa mga kulungan, psychiatric hospital, o nursing home ay may mas mataas na tyansa na mahawaan ng tuberculosis dahil sa hindi magandang daloy ng hangin at overcrowding sa mga lugar na ito.
- Paninirahan sa bahay na mayroong taong may TB
Ang pagiging close contact ng isang taong may TB ay nagpapataas ng tyansa na mahawaan ng sakit.
Dalawang Klase ng Sakit na Dulot ng Tuberculosis
Latent TB infection
Ang mga taong may latent TB infection ay may bacteria na sa kanilang katawan, ngunit hindi sila nagkakasakit dahil hindi pa aktibo ang mga bacteria na ito. Wala silang sintomas ng TB, at hindi nila naipapasa sa iba ang bacteria. Ngunit, maaari silang tumuloy sa pagkakaroon ng sakit. Kadalasan, nagbibigay ng gamot sa mga taong may latent TB infection upang hindi ito mauwi sa malubhang sakit.
TB disease
Sa TB disease, aktibo na ang bacteria na nagdudulot ng sakit, ibig sabihin, dumadami na ang mga ito at naninira ng mga tissue sa katawan. Kadalasan, nakakaranas na ng sintomas ang mga taong may TB disease at maaari nilang maipasa ang impeksyon sa iba. Nagbibigay naman ng kombinasyon ng mga gamot upang maagapan ang TB disease.
Ano ang Dapat Gawin kung may Naka Halubilo na may Latent TB Infection? TB Disease?
Ang taong may latent TB infection ay hindi nakakapagpasa ng sakit sa ibang tao. Kung may nakahalubilo na may latent TB infection, hindi kinakailangang sumailalim sa testing.
Mas malaki ang tyansa na makahawa ang taong may TB disease sa mga taong kasama nito araw-araw, tulad ng mga katrabaho o kapamilya. Kung may close contact na na-diagnose ng TB disease, mainam na magpakonsulta sa doktor at magpagawa ng ilang eksaminasyon upang malaman kung nahawaan ng TB.
Paano Maiiwasan ang Pagkakaroon ng TB Disease?
May mga tao na nahahawaan ng TB pero hindi tumutuloy sa pagkakaroon ng mga sintomas ng sakit. Ngunit, may ilang mga tao na mas high risk na magkaroon ng sintomas ng TB kabilang na ang mga:
-May HIV infection
-Nahawaan ng TB noong nagdaang dalawang taon
-Sanggol at maliliit na bata
-Nagtuturok ng ilegal na droga
-May mga sakit na nagpapahina ng resistensya
-Matatanda
-Hindi nagamot nang maayos para sa TB
Ang mga taong may latent TB infection na kabilang sa mga high risk na grupo sa taas ay dapat uminom ng gamot upang maagapan ang pagtuloy nito sa TB infection.
Mga Test at Gamot para sa Tuberculosis
May dalawang klase ng eksaminasyon upang ma-detect ang pagkakaroon ng TB infection: skin test o blood test. Ang tuberculin skin test ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagtuturok ng kaunting likido (tinatawag na tuberculin) sa balat ng braso. Pagkatapos ng 48 hanggang 72 na oras, babasahin ng healthcare worker kung nagkaroon ng positibong reaksyon sa balat. Ang blood test naman ay sumusukat sa kung gaano katindi ang reaksyon ng immune system sa bacteria na sanhi ng TB.
Ang positibong TB skin o blood test ay nagsasabi lamang na nahawaan ng TB ang isang tao, ngunit hindi nito masasabi kung may latent TB infection o TB disease ito. Kailangan pang magsagawa ng iba pang pagsusuri, tulad ng chest x-ray o sample ng plema, upang malaman kung ang isang tao ay may TB disease.
Ang TB disease ay naaagapan sa pamamagitan ng ilang gamot na sabay-sabay iniinom sa loob ng 6 hanggang 12 buwan. Mahalaga na tapusin ang gamutan, at inumin base sa reseta ng doktor. Kung hindi tama ang pag-inom ng gamot, ang mga bacteria na nasa katawan ay maaaring manatiling buhay at maging resistant sa gamot. Ang TB na resistant sa gamot ay mas mahirap at mas mahal gamutin.
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tuberculosis/symptoms-causes/syc-20351250#:~:text=Tuberculosis%20is%20caused%20by%20bacteria,it's%20not%20easy%20to%20catch.%20https://www.nhs.uk/conditions/tuberculosis-tb/causes/%20https://www.tbalert.org/about-tb/what-is-tb/prevention/#:~:text=The%20risk%20of%20infection%20can,the%20spread%20of%20TB%20bacteria.
https://www.cdc.gov/tb/topic/basics/tbprevention.htm
https://www.cdc.gov/tb/publications/factsheets/general/tb.htm
https://www.cdc.gov/tb/topic/testing/default.htm