Ang atay ay isang organ na responsable sa ilang mga proseso na mahalaga sa buhay ng isang tao. Kaya naman mahalagang ingatan natin ito at iwasan ang cirrhosis o peklat sa atay.3 Bago natin pag-usapan ang liver cirrhosis, alamin muna natin ang mga ginagawa ng ating atay.
Mga Tungkulin ng Atay sa Ating Katawan
Ilan sa mga tungkulin ng atay ay ang mga sumusunod3:
-Nag-iimbak ng glycogen na pinagkukunan ng enerhiya ng katawan
-Gumagawa ng bile o apdo, na tumutulong sa pagtunaw ng taba
-Gumagawa ng mga protina na tumutulong sa pag-ampat ng dugo at pagkumpuni ng mga nasirang tissue sa katawan
-Nagpoproseso at nagtatanggal ng alak, gamot, at iba pang mga dumi mula sa dugo
-Tumutulong sa katawan na labanan ang impeksyon
Tulad ng ibang mga organ sa ating katawan, ang atay ay maaaring makaranas ng iba’t ibang pinsala na mula sa sakit, labis na pag-inom ng alak, o iba pang dahilan. Sa bawat pagkakataon, sinusubukan nitong kumpunihin ang mga sira na nararanasan nito at may naiiwang peklat sa atay dahil dito. Habang tumatagal ay nadaragdagan ang peklat at mas nahihirapang gawin ng atay ang trabaho nito. Ang huling yugto ng pagkapinsala ng atay ay tinatawag na cirrhosis
Ang atay na may cirrhosis ay hindi na maaaring maibalik sa dati nitong normal na kalagayan ngunit kung maaagapan nang maaga at magamot ang sanhi nito, maaaring maiwasan ang karagdagang pinsala sa atay at ang mga komplikasyon nito sa katawan. 1,3
Mga Sintomas ng Liver Cirrhosis
Kadalasan, walang senyales o sintomas ang cirrhosis hanggang sa maging malubha na ang pinsala sa atay. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod 1,3,4:
-Pagkapagod
-Mabilis na makaranas ng pagdurugo o pagkakaroon ng pasa
-Kawalan ng gana kumain
-Pagkahilo
-Pamamanas ng paa o binti
-Pagbagsak ng timbang
-Pangangati ng balat
-Paninilaw ng balat at mata (jaundice)
-Pag-ipon ng tubig sa tiyan (ascites)
-Mala-gagambang mga ugat sa balat
-Pamumula ng palad
-Sa mga babae, pagtigil ng regla na hindi kaugnay ng menopause
-Sa mga lalaki, kawalan ng sex drive, paglaki ng suso (gynecomastia), o pagliit ng bayag
-Pagkalito, pagkaantok, at pagkabulol (hepatic encephalopathy)
Mga Sanhi ng Liver Cirrhosis
Ang ilan sa mga karaniwang dahilan kung bakit nagkakaroon ng liver cirrhosis ay1,3,4:
-Labis na pag-inom ng alak sa matagal na panahon
-Pagkakaroon ng impeksyon sa atay, o hepatitis (partikular ang hepatitis B o C), sa matagal na panahon
-Pagkakaroon ng malalang kaso ng non-alcoholic fatty liver disease (NAFLD), kung saan namamaga ang atay dahil sa pagkaka-ipon ng labis na taba
-Problema sa mga daanan ng bile o bile duct (tulad ng primary biliary cholangitis)
-Problema sa immune system na nagdudulot ng sakit sa atay (tulad ng autoimmune hepatitis)
-Ilang mga namamanang sakit sa atay
-Matagal na pag-inom ng ilang mga gamot na nakakasira sa atay
Paano Malalaman kung may Liver Cirrhosis?
Sa maagang stage ng liver cirrhosis, wala pang nakikitang mga sintomas. Kadalasan, natutuklasan ang pagkakaroon ng liver cirrhosis sa pamamagitan ng eksaminasyon sa dugo o pagpapa-check up sa doktor. Para makumpirma ang diagnosis, maaaring magpagawa pa ang doktor ng ilang karagdagang eksaminasyon tulad ng mga sumusunod3:
-Eksaminasyon sa dugo upang makita ang kalagayan ng atay
-Ultrasound, magnetic resonance imaging (MRI), at computed tomography scan (CT scan) ng atay
-Biopsy o ang pagkuha ng sample ng tissue galing sa atay
Pagkatapos makumpirma ang pagkakaroon ng liver cirrhosis, maaaring magrekomenda ang doktor ng ilan pang pagsusuri upang mabantayan ang paglala ng kundisyon o mahuli nang maaga ang mga komplikasyon nito.
Mga Paraan upang Maiwasan ang Liver Cirrhosis
- Itigil ang pag-inom ng alak.
Itigil ang pag-inom ng alak lalo na kung mayroon ng cirrhosis. Pinapabilis ng alak ang paglala ng mga peklat sa atay. 1,3
- Protektahan ang sarili laban sa impeksyon sa atay (hepatitis).
Ang hepatitis B at C ay mga impeksyong dulot ng virus.
Ang hepatitis B ay kumakalat sa pamamagitan ng contact sa dugo at mga likido mula sa katawan ng isang may sakit. Ang hepatitis C naman ay kadalasang nakakahawa sa pamamagitan ng dugo. Ilan sa mga karaniwang paraan upang mahawaan ng hepatitis ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng walang condom sa taong may virus o sa paghihiraman ng mga hiringgilya na ginagamit sa pagtuturok ng droga.
Ang pagpapabakuna laban sa hepatitis ay isang paraan upang mabawasan ang tyansang mahawaan nito. Ang hepatitis B vaccine ay karaniwang itinuturok sa mga sanggol sa loob ng unang araw pagkatapos maipanganak, samantalang wala pang bakuna laban sa hepatitis C.3
- Panatilihin ang pagkakaroon ng normal na timbang.
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng non-alcoholic fatty liver disease (NAFLD) na dulot ng pagkakaroon ng labis na taba sa atay, magandang mapanatili ang normal na timbang. Maaaring magawa ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng balanced diet at regular exercise. Kumain ng maraming prutas at gulay, lalo na ang mga gulay na sagana sa fiber. Bawasan ang mga pagkain na maraming asukal, asin, taba, at carbohydrates. Limitahan o umiwas sa pag-inom ng alak. 1,3
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Kung nakararanas ng mga sintomas ng cirrhosis na nabanggit sa itaas, agad na magpakonsulta sa doktor upang makumpirma ang diagnosis. Mahalaga ito upang maagapan ang paglala ng kundisyon sa pamamagitan ng lifestyle changes, maagang gamutan, regular na pagsailalim sa eksaminasyon, at pagpigil sa mga posibleng komplikasyon nito.
Sa paglala ng cirrhosis, may mga sintomas na nangangailangan ng agarang gamutan sa emergency room tulad ng mga sumusunod4:
-Pagsakit ng tiyan o dibdib
-Biglaang pagkakaroon o biglaang paglala ng pamamanas ng tiyan
-Lagnat
-Pagtatae
-Biglaang pagkakaroon o biglaang paglala ng pagkalito o pagbabago sa pag-iisip
-Pagdurugo mula sa butas ng puwit, pagsuka ng dugo, o pagkakaroon ng dugo sa ihi
-Kinakapos sa paghinga
-Pagsusuka nang higit sa isang beses sa isang araw
-Biglaang pagkakaroon o biglaang paglala ng paninilaw ng balat o mata
References:
1. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cirrhosis/symptoms-causes/syc-20351487
2.https://doh.gov.ph/sites/default/files/_%5BFAQs%20ENG%5D%20Liver%20Cancer%20and%20Viral%20Hepatitis.pdf
3.https://www.nhs.uk/conditions/cirrhosis/#:~:text=Cirrhosis%20is%20scarring%20(fibrosis)%20of,the%20liver%2C%20such%20as%20hepatitis.
4. https://www.mountsinai.org/health-library/diseases-conditions/cirrhosis