Ano ang mga Risk Factors ng Goiter?

January 10, 2023

Ang thyroid gland ay isang maliit na organ na hugis paru–paro  sa harap ng ating leeg. Ito ay responsable sa paggawa ng thyroid hormones o mga kemikal na responsable sa pagkontrol ng metabolismo ng ating katawan. Ang paglaki ng thyroid gland ay tinatawag na goiter o bosyo.1

 

Ano ang sanhi ng Goiter?

Ang iodine deficiency (kakulangan) ang isa sa mga karaniwang dahilan ng goiter sa buong mundo. Ang ilan pang dahilan nang pagkakaroon ng goiter ay2:

  • Bukol sa thyroid (maaaring kanser o hindi)
  • Pamamaga ng thyroid
  • Pagbubuntis

 

Ano ang mga sintomas ng Goiter?

 

Maaaring walang sintomas ang taong may goiter at mayroon lamang siyang bukol sa leeg na makikitang umaalon sa bawat paglunok. Kapag ang goiter ay lumaki nang lumaki, maaari rin itong magdulot ng:

  • Hirap sa paghinga – kapag masyadong malaki ang goiter, maaaring maipit ang daluyan ng hangin (trachea) kung saan nakapatong ang thyroid gland
  • Hirap sa paglunok – Ang daanan ng pagkain (esophagus) ay nasa likod ng daluyan ng hangin (trachea) at pwede rin itong maipit kapag masyadong malaki ang goiter.
  • Pagkapaos – ang mga ugat na nagpapagalaw sa ating vocal cords ay nasa ilalim lamang ng thyroid gland. Maaaring makaranas ng bahagyang pagkapaos kung maipit ang mga ugat ng malaking goiter.

 

Ang mga sintomas na nararamdaman ng taong may goiter ay maaaring dulot ng pagkakaroon ng masyadong maraming thyroid hormone na ginagawa (HYPERthyroidism) o kaya naman ay kulang o kaunti ang ginagawa (HYPOthyroidism). Narito ang ilan sa mga sintomas: 3

 

HYPERTHYROIDISM

  • pagkabog ng dibdib
  • mabilis mapagod o pagpawisan
  • mas madali mataranta
  • pagbabago sa pagdumi
  • paglagas ng buhok
  • pagbawas ng timbang

 

HYPOTHYROIDISM

  • pagdagdag ng timbang
  • mabagal na paggalaw at pagsalita
  • pagiging antukin
  • pagiging lamigin 
  • pagkapal ng balat
  • hirap sa paglunok
  • hirap sa pagkain
  • hirap sa paghinga


Anong mga risk factors ang nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng goiter?

Maraming salik o factors ang nakakaapekto sa tyansa ng taong magkaroon ng goiter, maaaring mula sa kasarian hanggang sa gamot.  Ilan sa mga ito ang sumusunod4:

  • Kakulangan sa Iodine
  • Pagiging babae, pagbubuntis at menopause
  • Edad – mas karaniwan ang goiter sa mga 40 years old pataas
  • Mga gamot – may mga ilang gamot na nagpapataas ng tyansang t magkaroon ng goiter (tulad ng lithium na gamot para sa psychiatric patients)
  • Family History – mas mataas ang risk magkaroon ng goiter kung may kapamilyang mayroon o nagkaroon ng goiter
  • Radiation exposure – mas mataas ang tyansang magkaroon ng goiter kung na-expose ang leeg o dibdib sa sobrang radiation  (halimbawa ay kung ang pasyente ay nagpa - radiation therapy dati para sa ibang kanser sa leeg o dibdib. .7

 

Kailan dapat magpa-check up sa doktor?

Sa unang pansin pa lamang na mayroong bukol sa leeg, mabuti na ipa-check up ito habang maliit pa. Mainam ring matingnan ito bago lumaki dahil mas madali itong operahan kung kinakailangan. Maraming mga Pilipino ang “inaalagaan” ang kanilang goiter, dahil madalas na wala silang nararamdaman na sintomas. Ngunit mahalaga na mapa-check up ang bukol sa leeg  dahil:

  1. Hindi normal na may bukol ang tao sa leeg;
  2. Mas mahirap operahan ang goiter kapag ito ay malaki na dahil tumataas ang tyansa ng komplikasyon;
  3. Maaaring hindi pala paglaki ng thyroid ang dahilan ng bukol sa leeg.

 

Muli – kapag may bukol na sa leeg, ipa-check up kaagad ito at huwag alagaan o balewalain dahil lamang walang mga sintomas na nararamdaman.

Maaaring magpa-check up sa kahit sinong General Physician, Family Physician, o General Internist para sa paunang opinyon para sa goiter.  Kung nais dumiretso sa espesyalista, ang mga halimbawa ng mga doktor na tumitingin sa mga ganitong pasyente ay:

  1. OtolaryngologistHead and Neck Surgeon (ORL – HNS) o Ear, Nose, Throat (ENT) na doktor
  2. General Surgeon
  3. Endocrinologist

 

Ano ang mga eksaminasyon o diagnostic test para sa goiter?

 

Ang iyong mga doktor ay maaaring magpagawa ng:

  1. Neck Ultrasound – upang makuha ang tamang sukat ng thyroid gland, pati na rin kung may mga iba pang bukol sa thyroid gland na hindi nakakapa5;
  2. Thyroid Function Tests – upang makita ang estado ng thyroid hormone production sa katawan. Kung kinakailangang maoperahan, kailangan kontrolado at nasa tamang lebel muna ang  thyroid hormone2;
  3. Fine Needle Aspiration Biopsy – tutusukin ang bukol upang makakuha ng konting laman gamit ang isang manipis na karayom para masuri sa  g microscope kung kanser ang posibleng dahilan ng paglaki ng thyroid 4.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/doctor-modern-diagnostic-clinic-examines-thyroid-1927585448

 

Kapag ang goiter ay masyadong malaki, kadalasan ay nagpapagawa na lamang ang doktor ng Neck Computed Tomography (CT) Scan with Contrast upang makita ang relasyon ng goiter sa daanan ng hangin, daanan ng pagkain, at mga malalaking ugat sa leeg.

 

Importante na malaman ang pinagkaiba ng Ultrasound at CT Scan. Ang Ultrasound ay mas sensitibo o mas maraming detalye na pwedeng maibigay patungkol sa thyroid gland kung maliit lamang ang goiter.2 Humihingi naman ang doktor ng CT Scan kung mas mahalaga para sa kanilang malaman ang relasyon ng MALAKING thyroid gland  sa mga katabing parte - halimbawa, kung kinain na ang mga daluyan ng dugo sa leeg, o kaya naman ang daluyan ng hangin ay ipit na - dahil nagbibigay ito ng ideya ng kanilang haharapin at kung kailangan mang operahan ang pasyente.

 

Importanteng maintindihan na ang Ultrasound ay kadalasang sapat na para sa pagdetalye ng goiter. Hindi kinakailangan na kumuha ng CT Scan palagi, dahil ang impormasyon na maibibigay nito ay kaya namang ibigay ng ultrasound sa mas murang halaga. PILI LAMANG ANG MGA KASO NA NANGANGAILANGAN NG CT SCAN KUNG MAY GOITER.

 

Kapag ang goiter naman ay masyadong maliit at  hindi ito mabiopsy ng maayos sa clinic, o di  kaya naman ay sumailalim na sa  isang neck ultrasound bilang bahagi ng  pre – employment screening, o para sa iba pang kadahilanan, at nakita na may mga bukol sa thyroid – maaaring humingi ang doktor ng Ultrasound Guided Aspiration Biopsy – kung saan tutusukin ang thyroid gland habang sinisilip ito ng ultrasound. Kapag maraming bukol na nakita, ang kailangan i-biopsy ay ang pinaka-kakaiba o suspicious na nodule, base sa opinyon ng doktor o ng radiologist.

 

Hindi rin madaling malaman kung sino ang mayroong thyroid disease kung wala namang bukol. Ayon sa rekomendasyon mula sa Philippine Interim Clinical Practice Guidelines for the Diagnosis and Management of Well – Differentiated Thyroid Cancer na inilabas noong 2021, maiging mag - screening o isalang sa eksaminasyon – kahit walang sintomas o senyales – ang mga tao na 6:

 

  • May history ng radiation sa ulo at leeg noong kabataan;
  • May isa o mas marami pa na first – degree relative na mayroong thyroid cancer;
  • Kapag ang pasyente ay  may INHERITED GENETIC SYNDROME o namamanang sakit na napag - alaman na may RISK for THYROID CANCER. May mga ilang sakit na napag-aralan na kapag mayroon nito ay mas mataas ang panganib para sa thyroid cancer. Maiging tanungin ito sa inyong healthcare provider at sa inyong pamilya.

Para sa karamihan ng populasyon na malusog, walang sintomas o senyales ng goiter, o walang risk factors, hindi kailangan magsagawa ng screening.

 

Ang goiter ay isang kondisyon na laganap sa Pilipinas. Karaniwang hindi ito napapa-check up kaagad dahil sa iba’t ibang kadahilanan – personal, pinansyal, takot, o di kaya nama’y hindi lang talaga napahahalagahan. Importanteng malaman agad kung ano ang katangian ng bukol – lalo na kung ito ay maaaring kanser – dahil nag-iiba ang gamutan depende sa klase ng bukol. Hindi natin kontrolado kung magkakaroon ba tayo ng goiter, ngunit kontrolado natin kung ano ang gagawin natin kapag alam natin na meron na tayo nito - at ito ang pinakamahalagang tandaan.

 

REFERENCES:

 

1.  https://www.thyroid.org/goiter/ 

2. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/goiter/symptoms-causes/syc-20351829 5

3. Pellitteri, P. Goldenberg, D., Jameson, B. (2021). Disorders of the Thyroid Gland. In P. Flint. H. Francis,  B. Haughey,  M. Lesperance, V. Lund, K. Robbins, J. Thomas. (Ed.) Cummings Otolaryngology - Head and Neck Surgery - 7th Edition. Philadelphia. Elsevier.

4.https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/12487770/

5..https://www.uptodate.com/contents/clinical-presentation-and-evaluation-of-goiter-in-adults?search=goiter%20causes&sectionRank=1&usage_type=default&anchor=H62289320&source=machineLearning&selectedTitle=1~150&display_rank=1#H62289320

6. https://psmo.org.ph/wp-content/uploads/2022/03/THYROID-2021-DOH.pdf

7. Radiation