Ang regular na exercise o ehersisyo ay isa sa mga pinakamahalagang bagay na maaaring gawin upang mapanatili ang malusog na pangangatawan. Ang pagiging physically active ay nakakapagpabuti ng kalusugan ng utak, nakakapagkontrol ng timbang, nakakabawas ng tyansa na magkaroon ng sakit, pinapalakas ang mga buto at muscle, at kinukundisyon ang katawan upang magawa ang mga pang-araw-araw na aktibidad.
Ang mga matatanda na madalas kumikilos at may regular na exercise ay nakikinabang sa mga benepisyo nito sa kalusugan, lalo na kung ginagawa ito nang pangmatagalan. Lahat ng tao ay maaaring makaranas ng benepisyo ng pag-eehersisyo – ang edad, abilidad, etnisidad, hugis, o laki ay hindi mahalaga.
Sampung Benepisyo ng Regular na Exercise
- Ang ehersisyo ay maaaring magdulot ng kaligayahan[1] .
Napatunayan na ang magandang epekto ng ehersisyo sa kalagayan ng loob. Nakakabawas ito ng pakiramdam ng depression, anxiety, at stress. Gumagawa ito ng mga pagbabago sa ilang parte ng utak na namamahala sa pagkaramdam ng stress at anxiety. Nagdudulot din ito ng pagiging mas sensitibo ng utak sa mga hormones o kemikal na serotonin at norephinephrine, na nagpapahupa sa pagkaramdam ng depression. Bukod dito, pinaparami rin ng exercise ang ginagawang endorphins ng katawan, ang kemikal na kilala sa pagbibigay ng positibong damdamin at nagbabawas ng pakiramdam ng sakit.
Ang maganda rito ay hindi importante kung gaano katindi ang ginagawang workout upang makaranas ng positibong epekto sa mood ng isang tao. Sa katunayan, makapangyarihan ang epekto ng ehersisyo sa mental health dahil kahit ang pagdedesisyon kung mag-eehersisyo (o hindi) ay nagdudulot na ng pagbabago sa mood.
- Ang ehersisyo ay nakakatulong sa pagbabawas ng timbang.
May mga ilang pag-aaral na nagsasabi na ang hindi pagkilos ay isang mahalagang salik na nagdudulot ng pagbigat ng timbang at obesity.
Upang maintidihan ang epekto ng ehersisyo sa pagbabawas ng timbang, importante na maintindihan ang kaugnayan ng ehersisyo at paggamit ng katawan ng enerhiya. Ang katawan ay gumagamit ng enerhiya sa tatlong paraan:
-Pagtunaw ng pagkain
-Pag-eehersisyo
-Pamamahala sa araw-araw ng tungkulin ng katawan, tulad ng paghinga at pagtibok ng puso
Ang pagkakaroon ng regular na exercise ay nakakapagpabilis ng metabolism ng katawan, na mas lalong nakakapagpabilis ng pagtunaw ng pagkain, na nagdudulot ng pagbabawas ng timbang.
- Maganda ang exercise para sa muscle at buto.
Malaki ang papel ng ehersisyo sa pagbuo at pagpapanatili ng malakas na muscle at buto. Ang mga aktibidad tulad ng pagbubuhat ng weights ay mahalaga sa pagbuo ng muscle, lalo na kung kasabay ng tamang pagkain ng protina.
Habang tumatanda ang tao, nababawasan ang dami at lakas ng muscle, na maaaring maging sanhi ng pinsala sa katawan. Ang pagkakaroon ng regular na ehersisyo ay mahalaga upang mapanatili ang sigla ng katawan habang tumatanda.
Nakakatulong din ang exercise sa pagpapanatili ng kakapalan ng buto habang bata pa, at maaaring maagapan nito ang pagkakaroon ng osteoporosis sa habang tumatanda.
- Ang ehersisyo ay nakakadagdag ng lebel ng enerhiya.[2]
Ang pag-eehersisyo ay nakakadagdag sa enerhiya ng maraming tao, kabilang na ang mga may sakit. Sa mga taong may chronic fatigue syndrome (CFS) at iba pang karamdaman, nakita na ang pag-eehersisyo ay may benepisyo sa pagdadagdag ng lebel ng enerhiya.
Huwag ding kalimutan ang epekto ng ehersisyo sa puso at sa baga. Pinapaganda ng ehersisyo ang kundisyon ng puso at baga, na nakakadagdag sa enerhiya ng katawan. Habang kumikilos ang katawan, nagbobomba ang puso ng dugo na nagdadala ng oxygen sa iba’t ibang muscle. Dahil sa regular na ehersisyo, mas gumaganda ang kundisyon ng puso, pati na rin ang mga muscle ng katawan. Ganun din ang epekto nito sa baga, na habang tumatagal ay nangangailangan ng mas kakaunting enerhiya upang magawa ang mga aktibidad na dati ay hirap na gawin ng katawan.
- Nababawasan ng ehersisyo ang tyansa na magkaroon ng sakit.
Ang pagkakaroon ng regular na ehersisyo ay nakakatulong na pababain ang level ng asukal sa dugo, pinapalakas ang puso, at pinapaganda ang kundisyon ng katawan. Nakakapagpababa rin ito ng presyon ng dugo at lebel ng kolesterol.
Ang kakulangan ng physical activity ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng mga chronic disease tulad ng diabetes, sakit sa puso, altapresyon, mataas na kolesterol, at kanser.
- Pinapaganda ng ehersisyo ang kalagayan ng balat.
Ang balat ay maaaring maapektuhan ng oxidative stress sa katawan. Ang oxidative stress ay nangyayari kapag ang panlaban ng katawan ay hindi ganap na nakukumpuni ang mga pinsalang idinulot ng mga kemikal na tinatawag na free radicals. Nagdudulot ito ng pinsala sa mga cells ng katawan, kabilang ang balat.
Ang pag-eehersisyo ay nakakatulong sa paggawa ng katawan ng mga natural na antioxidant na nagbibigay ng proteksyon sa mga cells ng katawan. Sa parehong paraan, pinapaganda ng ehersisyo ang daloy na dugo sa balat na nakakatulong pabagalin ang pagtanda ng balat.
- Nagpapaganda ng memorya ang pag-eehersisyo.
Mahalaga ang ehersisyo lalo na sa pagtanda dahil nilalabanan nito ang oxidative stress at inflamation na maaaring magdulot ng pagbabago sa utak. Ang ehersisyo ay nakakatulong sa hippocampus, ang parte ng utak na mahalaga sa memorya, na lumaki. Dahil dito, maaaring maging mas episyente ang utak ng mga nakatatanda. Bukod dito, maaaring mapigilan ng ehersisyo ang pagkakaroon ng mga kondisyon sa utak tulad ng Alzheimer’s disease at dementia.
- Nakakatulong ang ehersisyo sa maayos na pagtulog.
Ang pag-eehersisyo ay may positibong epekto sa pagpapahinga at pagtulog. Ang enerhiya na nagagamit sa pag-eehersisyo ay nagsisimula ng mga proseso upang mapanumbalik ang lakas ng katawan. Ito ay nagaganap habang natutulog.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong nag-eehersisyo ay mas mabilis at may mas magandang kalidad ng pagtulog. Nakakatulong din ito sa mga taong may mga sleep disorder tulad ng insomnia.
- Nakakabawas ng kirot ang pag-eehersisyo.
Sa mga taong nakakaranas ng kirot na tumatagal ng ilang buwan o taon, ang ehersisyo ay isa sa mga paraan upang maibsan ang sakit. May ilang pag-aaral ang nagpapatunay na ang ehersisyo ay nakakabawas ng kirot mula sa ilang kundisyon tulad ng low back pain, fibromyalgia, at chronic soft tissue shoulder disorder.
10. Ang ehersisyo ay nakakatulong pagandahin ang sex life.
Ang ehersisyo ay napatunayan na nagpapalakas ng sex drive. Bukod dito, pinapalakas ng ehersiyo ang puso, pinapaganda ang daloy ng dugo at nakakadagdag sa flexibility ng katawan. Lahat ng ito ay makakatulong pagandahin ang sex life.
https://www.shutterstock.com/image-photo/happy-asian-senior-couple-running-exercising-1572362428
Paano Magsimula sa Pag-eehersisyo?
Ngayong alam na natin ang benepisyo ng pag-eehersisyo, panahon na upang isama ang regular na aktibidad sa ating pang-araw-araw na gawain. Para sa mga tips kung paano magsimulang mag-ehersisyo, maaaring basahin ang artikulong ito: Galaw-galaw, para sa Mas Healthy na Ikaw!
References:
https://www.cdc.gov/physicalactivity/basics/pa-health/index.htm
https://www.healthline.com/nutrition/10-benefits-of-exercise