Ano ang Leukemia at Paano Ito Matutukoy?

September 09, 2022

Ano ang Leukemia?

Ang Leukemia ay kanser ng mga leukocytes o white blood cells (WBC). Tumutulong ang mga WBC labanan ang mga bacteria, virus, fungi, at mga foreign body. Kapag ang isang tao ay may leukemia, hindi nagagampanan ngmga WBC ang kanilang trabaho nang maayos. Nagkakaroon din ng abnormal na pagdami ang WBC na nagiging sanhi upang hindi maka-produce ang bone marrow ng dalawa pang mahalagang component ng dugo, and red blood cells (RBC) at platelet.

 

Paano nagkakaroon ng Leukemia?

Hindi pa alam ang buong kadahilanan kung paano nagkakaroon ng leukemia ang isang tao. Ang kasalukuyang pagkakaintindi rito ay nagkaka-leukemia kapag nagkaroon ng mutations o pagbabago sa ating genetic material o DNA. Limitado lamang ang buhay o lifespan ng isang cell. Salungat ito sa leukemia, kung saan tila imortal ang mga white blood cells at tuloy – tuloy lang ang paglaki at pagdami.

 

Ano ang mga klase ng leukemia?

Maaaring chronic (matagal na ang sakit) o acute (mabilis na pagkakaroon ng sakit)  ang leukemia. Ang chronic leukemia ay mas mabagal makaapekto sa katawan kumpara sa acute leukemia. Ang acute leukemia ay nangangailangan rin ng mas mabilis na gamutan.

Maari rin ito ihanay depende sa klase ng WBC na apektado. Sa lymphocytic leukemia, ang mga lymphoid cell ang apektado habang sa myelogenous leukemia, ang mga myeloid cell o immature na WBC ang apektado.

May apat na klase ng leukemia ay:

  • Acute Lymphocytic Leukemia (ALL) – ang pinakakaraniwan na leukemia sa mga bata.
  • Acute Myelogenous Leukemia (AML)
  • Chronic Lymphocytic Leukemia (CLL)
  • Chronic Myelogenous Leukemia (CML)

 

Sino ang maaring magkaroon ng Leukemia?

Ang leukemia ay maaaring makuha ng mga bata at matanda. Sa matanda, ang karaniwang klase ng acute leukemia ay AML habang sa mga bata, ang pangkaraniwang klase ay ALL.  

Hindi pa natutukoy kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng leukemia, ngunit may ilang risk factors o katangian na nagpapataas ng posibilidad nz magkaroon ng leukemia ang isang tao:

 

  • Pagka expose sa maraming radiation
  • Paulit – ulit na exposure sa mga piling kemikal (halimbawa ay exposure sa benzene ng mga taong nagtatrabaho sa mga pagawaan ng chemical, sapatos o oil refinery)
  • Paninigarilyo
  • Pagkakaroon ng Down Syndrome
  • Pagkakaroon ng first – degree relative (magulang, anak o kapatid – para sa CLL)
  • Pagiging lalake
  • Pagtanggap ng chemotherapy dati

 

Dapat tandaan na ang mga ito ay risk factor lamang at  hindi ibig sabihin na  kapag mayroon ka ng ilan sa mga risk factor ay magkakaroon ka na ng leukemia. Hindi rin ibig sabihin na kapag wala kang risk factor ay hindi ka na magkakaroon ng leukemia.
 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/patient-kid-lie-down-on-couch-1021927486

 

Ano ang mga sintomas ng Leukemia?

Ang mga sintomas ng leukemia ay iba – iba, depende sa klase ng leukemia. Maaaring ang mga sintomas nito ay parang sa trangkaso – lagnat, pagpapawis sa gabi, pagod, mga sakit sa kalamnan - subalit ang mga sintomas ng leukemia ay mas nagtatagal pa. Maaaring mas tumagal pa ito ng higit sa dalawang linggo.

Ilan pang mga sintomas ay:

  • Pangangayayat
  • Pagkawala ng ganang kumain
  • Sakit ng ulo
  • Hirap sa paghinga
  • Paulit – ulit na impeksyon
  • Madali magpasa
  • Paglaki ng mga kulani (lalo na sa kili – kili o leeg)
  • Sakit sa buto o joints

 

Paano matutukoy kung ako o ang kakilala ko ay may leukemia?

Maaaring magkaroon ng suspetsa na may leukemia ang isang tao kung nakakaranas siya ng mga nabanggit na sintomas. Mas maseseguro ang diagnosis sa pamamagitan ng pag-aaral ng dugo ng isang pasyente. Maaari ring suriin ang bone marrow sa pamamagitan ng biopsy sa balakang o kaya naman sa biopsy ng kulani.

 

Kanino dapat magpakonsulta?

Kung may suspetsa na ikaw ay may leukemia, o kung may kakilala kang may sintomas ng leukemia, maaari kang magpakonsulta sa isang:

 

  • Internist, o doktor na nagpakadalubhasa sa Internal Medicine; Maaari nila kayong irefer sa subspecialist tulad ng…
  • Hematologist, isang klase ng internist, na nagpakadalubhasa pa sa mga sakit sa dugo.
  • Medical Oncologist, isang klase ng internist, na nagkapadalubhasa sa kanser.
  • Sa kaso ng mga bata, maaari kayo magpatingin sa General Pediatrician, kung hindi ganoon kalinaw kung may leukemia nga ang inyong anak. Base sa kanilang pagsusuri, maaaring i-refer ang bata sa Pediatric Hematologist – Oncologist – mga doktor ng bata na may espesyal na pag – aaral sa mga kanser ng bata.

 

Ano ang gamot para sa leukemia?

Ang mga gamutan sa leukemia ay maaaring:

  • Chemotherapy – ito ang pangunahing gamutan para sa leukemia. Maaaring isang gamot o kombinasyon ng mga gamot na iniinom o dadaan sa suero.
  • Radiation therapy  - ito ay gamutan kung saan nakaupo ang pasyente at pinapaulanan ang katawan ng X – ray at iba pang malalakas na radiation beam. Maaari rin itong gawin bago mag bone marrow transplant ang isang pasyente.  
  • Bone Marrow Transplant – maaaring operahan ang pasyente para lagyan ng bagong bone marrow (utak ng buto) na gagawa ng bagong blood cells upang palitan ang hindi magandang blood cells na ginagawa ng katawan.
  • Immunotherapy – ang cancer cells mula sa leukemia ay maaaring hindi nahuhuli ng iyong immune system dahil gumagawa ang mga ito ng protinang binibigyan sila ng kakayahan magtago. Bubuwagin ng immunotherapy ang ganitong proseso sa loob ng iyong katawan upang makatulong ang  iyong immune system katawan sa pagpatay ng cancer cells.

 

Sa mga leukemia, ang lymphoid leukemia ang pinakamarami sa mga bata at mga matanda na lampas sa edad ng 70. Ang pagkakaroon ng leukemia ay isang malaking pagsubok. Makabubuting malaman ang mga sintomas ng leukemia at ang maagang pagpapakonsulta upang matukoy kaagad ang kondisyon, at upang masimulan ang tamang gamutan.

 

 

References:

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK560490/

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/leukemia/symptoms-causes/syc-20374373

https://www.cancercenter.com/cancer-types/leukemia/symptoms

https://www.yalemedicine.org/conditions/leukemia-diagnosis

https://www.bloodworkslab.com/news-internal/2019/6/3/leukemia-in-the-philippines