Ano ang Filariasis at Dapat Ba Itong Ikabahala? | RiteMED

Ano ang Filariasis at Dapat Ba Itong Ikabahala?

November 11, 2022

Ano ang Filariasis at Dapat Ba Itong Ikabahala?

Ang filariasis, o kilala rin bilang elephantiasis, ay isang pangmatagalang impeksyon mula sa mga parasitiko na nakakaapekto sa ilang bilyong tao mula sa 83 na bansa, kabilang na ang Pilipinas1.

 

Ano ang Filariasis?

Ang filariasis ay isang parasitikong impeksyon mula sa mga mala-sinulid na uod ng Wuchereria bancrofti, Brugia malayi at Brugia timori. Naipapasa ang mga uod mula sa isang taong may impeksyon papunta sa ibang tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok. 

Kapag naisalin ang impeksyon sa tao, ang maliliit na parasitiko ay naninirahan at dumadami sa mga kulani o lymphatic system ng katawan at maaaring maipasa rin sa iba habang ito ay nasa infective stage.

 

Kadalasan, ang impeksyon ay nagsisimula sa pagkabata at nagdudulot ng nakatagong pinsala sa mga kulani. Matapos ang 5 hanggang 15 taon na walang iniinom na gamot, ang mga parasitikong uod ay namamatay. Ang reaksyon ng katawan ng tao na bumuo ng granulation tissue palibot sa mga patay na parasitiko ay nagiging sanhi ng pagbabara ng mga kulani na nakikita bilang pamamanas  at pagkabaluktot ng kamay, paa at iba pang parte ng katawan1.

 

Mga Senyales at Sintomas ng Filariasis

Marami sa mga taong may impeksyon ay walang mga sintomas at maaaring hindi na magkaroon ng sintomas sa kabila ng pinsala na dulot ng mga parasitiko sa lymphatic system.

 

Ang ilan sa mga senyales at sintomas ng filariasis, na maaaring lumabas ilang taon matapos ang impeksyon, ay ang mga sumusunod2:

-Lagnat at panginginig

-Pagkirot ng katawan

-Panghihina ng katawan o pagkapagod

-Namamagang kulani

-Pamamaga/pamamanas ng mga balat o tissue ng kamay o paa, o iba pang apektadong bahagi ng katawan

 

Stigma

Ang mga depormidad sa katawan dulot ng pamamaga ng tissue at pagkapal ng balat ay maaaring magdulot  ng social stigma o kahihiyan2. Bilang isang sakit na kadalasang nakikita sa mahihirap na tao mula sa probinsya, maaaring magkaroon ito ng negatibong epekto sa kanilang mental health o pag-iisip, maaaring magdulot ng kawalan ng oportunidad upang kumita at makadagdag pa sa gastos ng pagpapagamot.

 

Gamot para sa Filariasis

Upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon at maubos ang lahat ng kaso ng filariasis sa mundo, inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang pagbibigay ng gamot upang maiwasan ang filariasis sa pamamagitan ng mass drug administration (MDA)2. Sa MDA, nagbibigay ng taunang dosis ng gamot para sa lahat ng mga taong nanganganib na magka-filariasis.

 

Ayon sa Department of Health (DOH), may tatlong klase ng gamutan para sa filariasis sa bansa2:

-Diethylcarbamazine Citrate (DEC) para sa mga may impeksyon at nagpapakita ng sintomas ng filariasis

-Mass treatment ng mga taong naninirahan sa lugar kung saan laganap ang filariasis

-Mga gamot, tulad ng DEC at Albendazole (ALB), na ibinibigay isang beses kada-taon sa loob ng limang taon

 

Sa Pilipinas, ang bilang ng mga taong nangangailangang sumailalim sa gamutan ay patuloy na bumababa ayon sa datos na nakalap ng WHO simula 2015 hanggang 20202. Mula sa 18,841,425 katao noong 2015, 1,911,463 na lamang ang kailangang magamot noong 20202.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/farmer-using-scythe-sickle-cutting-ripe-301010753

 

Paano Maiiwasan ang Pagkakaroon ng Filariasis?

Narito ang ilan sa mga mungkahi mula sa DOH upang maiwasan ang filariasis2:

-Magsuot ng  pang-itaas na may mahabang manggas at mahabang pantalon kung nagtatrabaho sa bukid o mga lugar kung saan laganap ang mga kaso ng filariasis.

-Matulog sa loob ng kulambo

-Sirain o takpan ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok tulad ng mga palikuran, kanal, paso o mga lumang gulong.

-Gumamit ng mosquito repellent o lotion.

-Mag-spray ng insecticide.

-Magpasuri para sa posibleng pagkakaroon ng impeksyon, kung kinakailangan, at uminom ng gamot para maiwasan ang pagkalat ng filariasis sa ibang tao.

 

Batay sa United States Centers for Disease Control (US CDC), ito ang mga maaaring gawin upang maiwasan ang paglala ng pamamaga/pamamanas na dulot ng filariasis:

-Maingat na hugasan at patuyuin ang namamaga/namamanas na bahagi ng katawan gamit ang tubig at sabon araw-araw.

-Iangat ang namamagang kamay o paa upang gumalaw ang naipong tubig sa ilalim ng balat.

-I-ehersisyo ang apektadong parte ng katawan upang makatulong sa pagdaloy ng lymphatic fluid.

-Linisin ang sugat at gumamit ng mga antibacterial o antifungal cream, kung kinakailangan.

-Magsuot ng tamang laki ng sapatos upang mabigyan ng proteksyon ang paa laban sa posibleng pinsala.

 

Filariasis Awareness Month at Filariasis Elimination Program

Ang Nobyembre ay itinalagang Filariasis Awareness Month sa Pilipinas.

 

Ang filariasis ay isang low priority na sakit kumpara sa ibang mga kondisyon tulad ng dengue at measles. Ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi ito masyadong nabibigyan ng pansin ay dahil sa matagal na panahon bago magkaroon ng sintomas at dahil hindi ito nakamamatay. Bukod dito, hindi masyadong marami ang mga naitatalang kaso dahil hindi ito nabibigyan ng tamang diagnosis. Dahil dito, itinalagang neglected tropical disease (NTD) ang filariasis1. Bagaman, idineklara ang filariasis na endemic sa 46 na probinsya sa Pilipinas noong 20183. Ibig sabihin, regular itong nakikita sa mga tao ngunit limitado sa isang partikular na lugar.  Ang sakit na ito ay karaniwang nakakaapekto sa mga pinakamahirap na munisipalidad ng bansa. Humigit-kumulang 76% ng mga kaso ay matatagpuan sa 4th hanggang 6th class municipalities3.

 

Kahit hindi ito nakamamatay, ang mga epekto nito sa pamumuhay at pag-iisip ng mga indibidwal sa mga komunidad kung saan ito nakikita ay hindi dapat balewalain.

 

References:

 

  1. https://ro9.doh.gov.ph/index.php/health-programs/infectious-disease-program/national-filariasis-elimination-program
  2. https://newsinfo.inquirer.net/1519010/filariasis-in-ph-a-neglected-but-discriminatory-disease
  3. https://doh.gov.ph/national-filariasis-elimination-program
  4. https://www.nnc.gov.ph/regional-offices/mindanao/region-xi-davao-region/6365-november-is-lymphatic-filariasis-awareness-month


What do you think of this article?