Ang katagang “underweight”, sa pormal na depinisyon, ay tumutukoy sa ating Body Mass Index (BMI), at hindi sa timbang lamang na binibilang gamit ang kilograms o pounds. May epekto rin ang kakulangan sa timbang o pagiging underweight sa ating kalusugan. Bago natin talakayin ang mga epekto, tignan muna natin ang konsepto ng BMI at paano ito ginagamit.
Upang malaman kung underweight o overweight ang isang tao, gumagamit ng formula para kalkulahin ang BMI base sa tangkad at timbang (BMI = kg/m 2). Halimbawa ang iyong timbang ay 80 kg at ang iyong tangkad ay dalawang metro, ang iyong BMI base sa kalkulasyon ay 20. Marami ring magagamit na BMI calculator sa internet upang malaman ang iyong BMI.
Ayon sa Asia-Pacific na kategorya ng timbang, ito ang mga kategorya na susundin:1
Kategorya
|
BMI
|
Underweight
|
<18.5
|
Normal
|
18.5 – 22.9
|
Overweight
|
23 – 24.9
|
Obese
|
≥25
|
Karaniwan natatalakay ang BMI pagdating sa mga taong mataas ang timbang (overweight o obese) dahil alam natin na maraming kaakibat na sakit ang pagiging sobra sa timbang. Sa kabilang dako, ang pagiging masyadong payat naman ay may mga kaakibat din na panganib sa ating kalusugan.
Ano nga ba ang tamang timbang?
Mainam na panatilihin ang timbang sa pagitan ng BMI na 18.5 – 22.9. Hindi na magbabago ang ating tangkad kung may-edad na tayo, ngunit maaari pa rin natin baguhin ang ating timbang. Importante lamang na maintindihan na:
- Maaaring mag overestimate ng body fat sa mga atleta at mga taong maraming muscle
- Maaaring maunderestimate ang body fat sa mga matatanda na at sa mga taong nawalan ng muscle (mga pasyente na may problema sa paggalaw ng muscle tulad ng multiple sclerosis (MS) o amyotrophic lateral sclerosis (ALS) , o hindi ginagamit ang mga ibang muscle - na parehas humahantong sa muscle atrophy o pagliit ng muscle)
https://www.shutterstock.com/image-illustration/visual-concept-immune-system-defense-3d-1426901741
Ano ang Epekto ng Pagiging Underweight sa Ating Immune System?
Ang ating immune system ay responsable sa paglaban sa mga bacteria, virus, at parasite na ating nakakaengkwentro sa pang-araw-araw. Ito rin ang lumalaban sa mga impeksyon, kung makakuha man tayo nito. Ngunit ano na lang kaya ang mangyayari sa ating immune system kapag mababa ang ating timbang?
Mas humihina ang ating immune system kapag masyadong mababa ang ating timbang at kasunod nito ay ang ating BMI. Kapag mahina ang resistensya, tumataas ang probabilidad na magkakaroon tayo ng impeksyon at sakit. May mga ilan na pag-aaral sa mga bata na mas mataas ang risk makakuha ng impeksyon kung underweight sila kumpara sa mga overweight. Maaaring mas madalas kailanganin pumunta sa emergency room para sa mga impeksyon sa baga at pati na rin sa mga impeksyon na sumusunod pagkatapos maoperahan ang isang bata. (surgical site infection).2
Kasama sa pagiging underweight ang kakulangan sa protina, mga bitamina, at mineral. Dahil dito, humihina at nababawasan ang aksyon ng ating immune system kaya’t mas madali tayong kapitan ng impeksyon. Napag-aralan na ang kakulangan sa protina ay nakakapagpabawas sa mga sumusunod: activity ng mga Natural Killer Cell, bilang ng mga White Blood Cells, at bawas na antibody (mga protina sa katawan na lumalaban sa impeksyon) response.3
Sa kabuuan, mas madaling makakuha ng impeksyon at sakitin ang mga taong underweight dahil mas mahina ang kanilang immune system.
Ano ang mga Dahilan ng Pagiging Underweight?
https://www.shutterstock.com/image-photo/young-thin-girl-eat-cucumber-closeup-1151496536
Maaaring kulang lamang sa kinakain ang isang tao kaya mababa ang kanyang timbang. May mga tao na mataas ang metabolismo at nahihirapan silang dagdagan ang timbang, kahit kain sila ng kain. May mga kondisyon rin na nagdudulot ng pagkakaroon ng mababang timbang tulad ng:4
- Diabetes
- Kanser
- HIV
- Problema sa Thyroid Gland (ang organ na nakapatong sa gitna ng leeg at responsable sa metabolismo)
- Mga sakit sa bituka na nagdudulot ng pagsusuka, pagduduwal, o diarrhea
- Mental health problems tulad ng anxiety disorders, stress, dementia at eating disorders tulad ng anorexia nervosa (matinding paglimita ng pagkain ng sobra-sobra) at bulimia (pagkain ng marami at pagkatapos ay pipilitan ang sarili na isuka ang mga ito)
Ano pa ang mga Ibang Epekto ng Pagiging Underweight sa aking katawan, Maliban sa Paghina ng Aking Immune System?
- Osteoporosis. Mas mataas ang risk para sa low bone mineral density o kung gaano katibay at kasiksik ang iyong buto. Mas madali magkaroon ng mga bali sa ganitong mga tao.
- Hirap sa pagbubuntis. Ang mga babae na may mababang BMI ay mas maaaring hindi magkaroon ng menses at iba pang problema sa kanilang regla. Isa itong senyales na maaaring hindi siya nag-oovulate. Ang paulit-ulit na hindi pag-ovulate ay maaaring magdulot ng infertility. 5
- Problema sa balat, buhok, o ngipin. Ang kakulangan sa nutrisyon ay maaaring lumabas bilang manipis at tuyong balat, nalalagas na buhok, at sira-sira na mga ngipin at gums.
- Premature delivery. Ang isang nanay na buntis ngunit underweight ay mas mataas ang tyansa na makaranas ng preterm labor o pagkakaroon ng sanggol bago ang 37 linggo.
- Mas matagal na paghilom ng mga sugat at injury. Ang taong may mababang BMI ay mas matagal maka-recover mula sa isang aksidente o trauma kung ikukumpara sa taong may normal na BMI.6
Kung ako ay underweight, ano ang mga maaari kong gawin upang makamit ang tamang timbang?
Para madagdagan ang timbang kailangan nasa isang calorie surplus ang katawan mo. Ibig sabihin nito ay mas marami kang kinakain na calories kaysa sa kinakailangan ng iyong katawan. Para sa mga nagsisimula pa lamang ay maaaring magdagdag ng 300 – 500 calories kada araw. May mga online calculator na nakakatulong malaman kung ilan ang natural na kailangan mo sa isang araw.7, 8
Iba pang estratehiya:
- Pagkain ng merienda. May mga tao na hindi talaga kaya kumain ng maraming pagkain. Maaaring magbaon sa trabaho o eskwelahan ng pagkain upang mas maging madalas ang pagkain.
- Magehersisyo. Makakatulong ang ehersisyo – lalo na ang mga strength training o pampalakas na uri ng ehersisyo – sa pagdagdag ng timbang sa pamamagitan ng pagdagdag ng muscle. Maaari rin makadagdag ng gana kumain ang pagehersisyo.
- Itala ang timbang kada buwan. Upang malaman kung nagkakaroon ka ng progress, importanteng itala ang pagbabago sa iyong timbang. Maaaring gawin ito kahit kada buwan lamang at sa parehas na oras sa isang araw (mas mainam kung pagkagising sa umaga).
- Umiwas sa tubig bago kumain. Iwasang uminom ng tubig bago kumain dahil nakakabusog ito at mababawasan ang kayang kainin.
https://www.shutterstock.com/image-photo/top-view-shot-asian-male-professional-2136694137
Kung nahihirapan pa rin dagdagan ang timbang, nararapat na magpakonsulta sa isang Registered Nutritionist o Dietitian. Ang pagiging payat o pagkakaroon ng mababang timbang ay hindi rin nakabubuti sa ating immune system at pangkalahatang kalusugan. Mainam na subaybayan rin ang iyong progress upang malaman kung may kailangang baguhin. Maaring abutin ka ng linggo at buwan, ngunit lahat ng mga mabuting kalagayan ng ating katawan ay hindi nangyayari sa loob ng isang araw o isang linggo. Kailangan maging matiyaga dahil mahaba ngunit mahalagang proyekto ang pagbabago ng timbang.
References:
1. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5571887/
2. https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/28232162/
3. https://www.casi.org/health-effects-of-being-underweight
4. https://www.healthdirect.gov.au/what-to-do-if-you-are-underweight#:~:text=Some%20may%20be%20born%20naturally,they%20cannot%20afford%20nutritious%20foods
5. https://www.healthline.com/health/underweight-health-risks#surgical-complications
6. https://www.medicalnewstoday.com/articles/321612#when-is-a-person-underweight
7. https://www.healthline.com/nutrition/how-to-gain-weight#10-quick-tips
8. https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/expert-answers/underweight/faq-20058429