Ano ang Epekto ng Kadalasang Pagsusuot ng High Heels?
March 15, 2023
Mga babae ang karaniwang nagsusuot ng high heels at minsan ay nagiging bahagi rin ng uniporme para sa mga 9 to 5 na trabaho tulad ng bank teller, store clerk, at ilang mga propesyonal. Ang pagsusuot ng high heels ay isang halimbawa ng katagang “fashion over comfort”, ika nga. Hindi komportable ang pagsuot ng high heels sa simula pero nasasanay na lamang ang nagsusuot habang tumatagal. Mainam na tignan natin kung mabuti ba para sa ating katawan ang paulit-ulit na paggamit ng high heels.
Bakit nga ba high heels?
Noong una, ginawa ang heels para sa mga lalaki. Ginawa sila noong 10th century para sa mga mayayaman o mga hari. Tumatangkad ang nakasuot ng heels at kung nakasakay sila sa kabayo ay tumatama ito sa tuntungan ng paa para gumawa ng tunog o clicking sound. Naging simbolo rin ang heels ng kapangyarihan at kayamanan dahil pinapakita nito noon na hindi na kailangan magtrabaho ang nakasuot.
Sa mga korte, ginaya ng mga kababaihan ang pagsusuot ng heels upang makakuha ng mga social benefits na nabanggit – pagmumukhang mayaman at may kapangyarihan. Noong panahon ng 1800, halos lahat ng babae ay nagsusuot na ng heels upang hindi mahila pababa ang kanilang mahahabang damit. Ayon rin sa mga pag–aaral, dumadagdag sa persepsyon ng kagandahan ng babae ang pagsuot ng high heels dahil mas kumukuruba ang kanyang likod at nagkakaroon ng gewang ang lakad.1
Nakapagtataka na kahit sobrang tagal na ng pinagsimulan ng heels, patuloy pa rin ang pagsuot nito kahit alam ng lahat na hindi ito komportable.2
Ano ang epekto ng high heels sa ating katawan?
Maliban sa pagiging hindi komportable, may ilang pang epekto ang pagsuot ng high heels sa ating katawan tulad ng:
- Postura. Nalilipat ang bigat sa harap ng paa o sa forefoot kapag nakasuot ng high heels. Dahil dito, kinakailangan mag–adjust ng ating katawan sa posisyon na ito na hindi natural. Magiging stiff o matigas at hindi natural ang ating postura. Kapag mas mataas ang heels, mas malala at mabigat rin ang epekto sa ating postura.
- Itsura at Tulin ng Lakad o Gait. Ang puwersa at direksyon ng normal na paglalakad ay nagmumula sa sakong papunta sa harap ng paa. Subalit sa pagsusuot ng high heels, hindi ito magagawa at hindi maitutulak ang sarili nang maigi mula sa patag na lugar. Bilang adjustment, mas nagtatrabaho ang ating hip flexor muscles o ang mga muscle sa balakang at ang mga muscle sa tuhod dahil mas madalas itong nakabaluktot nang bahagya habang naglalakad.
- Risk na maaksidente. Dahil mahirap maglakad gamit ang high heels, mas mataas ang tsansa na matapilok ang nakasuot. Maaari ring mabaliko ang bukung bukong o ankle dahil dito. 3
Ilan pa sa mga masamang epekto ng pang–araw–araw na pagsusuot ng high heels sa ating katawan:1
- Hallux valgus o bunion: kung saan ang malaking daliri ng paa ay nakapaloob
- Hammer toe: isang kondisyon kung saan nakatiklop ang daliri sa paa at nagmumukhang martilyo (maaaring ang pangalawa, pangatlo o pangapat)
- Osteoarthritis ng tuhod
- Low back pain o sakit sa ibabang bahagi ng likod
- Sakit sa hita o paa
- Pag–iiba sa normal na balanse kapag nakatayo
https://www.shutterstock.com/image-photo/aches-pains-concept-sick-woman-having-572377867
Ano ang maaaring gawin upang Hindi Maranasan ang Masasamang Epekto ng Pagsusuot ng High Heels?
Ang simpleng sagot ay: huwag magsuot ng high heels. Para sa isang tao na hindi pa alam ang mga masasamang epekto ng high heels, maaaring hindi ito madaling isipin – lalo na kung nasanay na tayo magsuot nito sa pang–araw–araw. Sana magbigay daan sa pagbawas ng paggamit ng high heels ang pagtatanto sa masasamang epekto nito.
Mas madaling sabihin kaysa gawin - lalo na kung ang kultura sa inyong trabaho ay nasanay sa laging pagsusuot ng high heels. Ngunit importante ring malaman na walang polisiya o batas na minamandato na dapat magsuot ng high heels sa trabaho. Ayon rin sa Department of Labor and Employment Bureau of Working Condition, ang mga empleyado sa pribadong sektor na nakatayo ng matagal ay dapat may nakatagang oras ng pahinga o pag - upo.3 Mas mabuti para sa iyong katawan na mamili ng ibang alternatibo tulad ng mga flats o mga sapatos na mababa lamang ang takong.
https://www.shutterstock.com/image-photo/fashionable-women-high-heel-shoe-luxury-2102520259
Hindi ibig sabihin nito na ipagpaliban na ang pagsusuot ng high heels nang tuluyan. Narito ang ilang mga payo sa pagsusuot ng high heels:4
- Piliin lamang kung kailan akma ang pagsusuot nito.
- Kung isusuot ito sa trabaho, mas mainam na itago na lang ito sa iyong bag habang papunta doon, at sa trabaho na mismo isuot (kaysa isuot kaagad pagkalabas ng bahay).
- Kung maaari, tanggalin rin ito sa gitna ng araw upang makapagpahinga ang iyong paa at buong katawan.
- Magehersisyo upang palakasin ang iyong core at likod. Makatutulong ito sa pananatili ng iyong balanse habang nakasuot ng heels.
- Kung maaari, lagyan ng padding ang iyong heels.
Kapag nakararamdam na ng sakit sa anumang parte ng paa, hita, likod, o balakang, mainam na itigil ang pagsusuot ng high heels at magpakonsulta muna sa doktor. Maaaring kumonsulta sa:
- Rehabilitation Doctor
- Occupational Health Doctor
Hindi mawawala ang high heels sa ating kultura. Importante lamang na malaman paano, kailan, saan, at gaano kadalas ito susuotin. Sa ganitong paraan ay maisusuot pa rin natin ito sa mga importanteng okasyon nang hindi gaanong makakaranas ng kirot o discomfort.
References:
- https://www.frontiersin.org/articles/10.3389/fspor.2022.760991/full
- https://www.fastcompany.com/90775177/the-long-history-of-heels-from-a-symbol-of-mens-power-to-womens-burden
- https://www.philstar.com/headlines/2017/09/23/1742126/ban-high-heels-work-takes-effect
- https://www.verywellhealth.com/high-heeled-shoes-bad-for-the-body-1337771