Ang labis na pag-inom ng alak ay nakakaapekto sa kalusugan at ang isa sa mga body organs na nakikitaan ng epekto ay ang atay. Ang mga malalakas uminom ng alak ay may mas malaking tyansa na makaranas ng paninilaw ng balat at mata (jaundice), pamemeklat ng atay (cirrhosis), tuluyang pagkasira ng atay (liver failure), kanser sa atay, at iba pang mga karamdaman.1
Ano ang Epekto ng Alak sa Atay?
Malaki ang tungkulin ng atay sa katawan. Tinutunaw at inilalabas ng atay ang mga nakapipinsalang kemikal mula sa dugo. Gumagawa rin ito ng mga protina, enzymes, at mga hormones na ginagamit ng katawan upang makaiwas sa mga impeksyon. Pinoproseso at pinapalitan ng atay ang mga bitamina at gamot upang maging mga sangkap na magagamit ng katawan. Ang atay ay responsable rin sa paglilinis ng dugo, paggawa ng bile o apdo na asidong tumutunaw sa pagkain, at pag-iimbak ng glycogen na pinagkukunan ng katawan ng enerhiya. 1
Sa iniinom na alak ng isang tao, higit 90 porsyento nito ay dumadaan sa atay. Ang natitira ay lumalabas sa katawan sa pamamagitan ng ihi, pawis o sa hangin na nilalabas sa baga. 1
Tumatagal ng halos isang oras ang pagtunaw ng isang inumin na may alak o alcohol. Humahaba ang pagproseso ng atay depende sa dami ng alak na nainom dahil may limitasyon ang atay sa dami ng alak na kaya nitong iproseso. Kapag masyadong maraming alak ang pumapasok sa katawan, ang labis na alak ay hindi agad natutunaw at naiiwan ito sa dugo.1 Maaaring dumaloy ang dugo na may alak patungo sa puso at utak na nagiging sanhi ng sintomas ng pagkalasing. Kapag tuluy-tuloy ang labis na pag-inom ng alak, nasisira ang atay at nagkakaroon ng malubhang peklat (cirrhosis), pamamaga (alcoholic hepatitis), at mga mutation sa cells ng atay na maaaring maging kanser.
https://www.shutterstock.com/image-photo/deep-jaundice-asian-male-patient-yellowish-2012954402
Stages ng Pagkasira ng Atay
Ang mga sanhi at klase ng sakit sa atay ay magkakaiba, ngunit ang pinsala at paglala ng kondisyon ay magkahalintulad. Ang sakit sa atay ay may apat na yugto:
Stage 1: Pamamaga (Inflammation)
Sa maagang stage ng pagkasira ng atay, namamaga ito bilang natural na reaksyon ng katawan sa sakit. Ang pamamaga ng atay, na tinatawag ding hepatitis, ay maaari ring mangyari kung sobra ang dumi sa dugo na hindi kayang maproseso ng atay.
Mas maganda ang maagang diagnosis ng sakit sa atay dahil maaari pang maayos ng atay ang mga pasimulang problema sa pamamaga sa unang stage ng sakit. Gayunpaman, hindi madaling ma-diagnose ang nagsisimulang sakit dahil kakaunti lamang ang nakararanas ng sintomas sa maagang stage ng sakit sa atay. 2
Stage 2: Pagkakaroon ng Peklat (Fibrosis)
Kapag hindi naagapan ang pamamaga ng atay, maaari itong magdulot ng pamemeklat. Ang pagpepeklat ay nakaka-apekto sa regular na gawain ng atay dahil nakakasagabal ito sa maayos na pagdaloy ng dugo patungo sa atay. Kapag ang mga malulusog na cells ng atay ay napalitan ng peklat, hindi na ito gumagaling nang kusa. Gayunpaman, maaari pa ring maagapan ang paglala ng pagpepeklat kung mada-diagnose ito nang maaga. Tulad ng stage 1, ang mga taong may mild o moderate na pagpepeklat ng atay ay maaaring hindi rin makaranas o kakitaan ng sintomas. 2
Stage 3: Pagkakaroon ng Malubhang Peklat na Hindi na Makukumpuni (Cirrhosis)
Ang cirrhosis ay ang malalang pagpepeklat ng atay na hindi na maaaring maibalik pa sa normal. Ang pag-progreso ng stage 3 cirrhosis mula sa stage 2 fibrosis ay maaaring mangyari ilang taon matapos ang ikalawang stage ng sakit, kaya mainam na magpatingin at magpagamot agad bago pa umabot dito.
Sa stage na ito, maaaring nakakaranas na ng mga sintomas tulad ng pagkirot ng tiyan, pagkapagod, kawalan ng gana kumain, pamamanas, paninilaw ng balat at mata, at pangangati ng balat. Ang mga taong may cirrhosis ay maaari ring mag-debelop ng kanser sa atay. 2
Stage 4: Tuluyang Pagkasira ng Atay (Liver Failure)
Sa huling yugto ng pagkasira ng atay, tuluyan na itong hindi gagana dahil sa malubhang pamemeklat. Sa stage na ito, ang natatanging paraan lamang upang manumbalik ang lakas ng atay ay sa pamamagitan ng liver transplant.2
May dalawang klase ng liver failure na nakabatay sa bilis ng pangyayari. Ang acute liver failure ay nangyayari nang mabilis (sa loob ng 48 na oras) at karaniwang nagmumula sa drug overdose. Ang chronic liver failure naman ay ilang buwan o taon ang lumilipas bago umabot sa yugtong ito at dumadaan sa apat na stage na nabanggit sa itaas. Ito ay maaaring makita sa mga taong malakas uminom ng alak. 2
Sino ang mga hindi dapat uminom ng alak?
Ang alak ay nakakaapekto sa koordinasyon, pag-iisip at kalusugan. May mga taong hindi dapat uminom nga alak dahil sa kanilang trabaho o kondisyon. Ilan sa kanila ay ang sumusunod: 3:
-Mga magmamaneho o magpapatakbo ng makinarya o mga sasali sa mga aktibidad na nangangailangan ng koordinasyon at pagiging alerto
-Mga umiinom ng ilang over-the-counter o mga prescription na gamot na maaaring magdulot ng hindi magandang epekto pag nahalo sa alak
-Mga may sakit
-Mga nagpapagaling sa adiksyon sa alak o mga hindi kayang pigilan ang sarili sa pag-inom ng alak
-Mga batang wala pang 21 na taong gulang
-Mga buntis o maaaring nagbubuntis
Kailan Dapat Magpakonsulta sa Doktor?
Para sa mga taong malakas uminom ng alak na umaabot na sa punto ng adiksyon at nakakaranas ng mga sintomas ng sakit sa atay, mahalaga na magpatingin agad sa doktor.
Nasa 15 hanggang 30 porsyento ng mga malalakas uminom ng alak ang nada-diagnose ng cirrhosis kada-taon. 1 Marami sa kanila ang nakakaligtas kung maagang nagpapagamot laban sa adiksyon sa alak. Para sa mga taong hindi makapagpigil sa pag-inom ng alak, mainam na makipag-ugnayan sa mga rehabilitation center upang mabigyan ng payo at solusyon laban sa kondisyong ito.
References:
1. https://www.addictioncenter.com/alcohol/liver/
2. https://ocrc.net/what-are-the-four-stages-of-liver-disease/
3. https://www.niaaa.nih.gov/alcohol-health/overview-alcohol-consumption/moderate-binge-drinking