Ang attention deficit hyperactivity disorder, o ADHD, ay isa sa pinakakaraniwang mental disorder na makikita sa mga bata. Sa Pilipinas, tinatayang may 3% - 5% ng populasyon edad 0 hanggang 14 years old ang mayroong ADHD.
Ang ADHD ay isang kondisyon na nakakaapekto sa ikinikilos ng isang tao. Ang mga may ADHD ay maaaring tila hindi mapakali, hirap mag-concentrate o mag-focus concentration o pokus, at padalus-dalos ang kilos.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-elementary-schoolboy-thinking-while-doing-596186087
Ano ang sintomas ng ADHD?
Ang sintomas ng ADHD ay maaaring maihanay sa dalawang kategorya: (1) Inattentiveness (hirap mag-concentrate at mag-focus) at (2) hyperactivity (pagiging malikot nang higit sa normal) at impulsiveness (padalus-dalos sa pag-iisip o pagkilos) .
Sintomas sa mga Bata at Teenager
Sa mga bata at teenager, ang mga sintomas ay kadalasang nakikita bago umabot ng anim na taong gulang. Napapansin ito sa iba’t ibang sitwasyon at sa iba’t ibang lugar.
Ang mga pangunahing sintomas ng inattentiveness (hirap mag-concentrate at mag-focus) ay ang mga sumusunod:
-Pagkakaroon ng maikling attention span at mabilis mawala ang atensyon sa ginagawa
-Pagkakaroon ng mga pagkakamali bunga ng kawalan ng atensyon sa ginagawa. Halimbawa, sa gawain sa eskwelahan
-Pagiging makakalimutin at nakakawala ng mga gamit
-Hindi makagawa ng mga tungkulin na kailangang paglaanan ng matagal na oras
-Mistulang hindi kayang makinig o sumunod sa mga utos
-Pabago-bago ng aktibidad o gawain
-Hirap sa pagiging organisado pagdating sa mga gawain
Ang mga pangunahing sintomas ng hyperactivity (pagiging malikot nang higit sa normal) at impulsiveness (padalus-dalos sa pag-iisip o pagkilos) ay ang mga sumusunod:
-Hirap manatiling nakaupo, lalo na sa kalmado at payapang lugar
-Hindi mapakali
-Hindi maka-concentrate sa mga gawain
-Labis na paggalaw
-Labis na pagsasalita
-Hindi makahintay
-Pagkilos nang padalus-dalos
-Pang-aabala sa mga usapan
-Halos walang takot sa panganib
Ang mga sintomas na ito ay maaaring magdulot ng problema sa buhay ng bata tulad ng hindi magandang performance sa eskwelahan, problema sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga bata at mga nakatatanda, at problema sa pagiging disiplinado.
Sintomas sa Matatanda
Sa mga matatanda, mas mahirap tukuyin ang sintomas ng ADHD. Ito ay dahil sa kakulangan ng mga pag-aaral tungkol sa ADHD sa matatanda. Kadalasan, mas hindi kapansin-pansin ang sintomas ng ADHD sa matatanda kumpara sa mga bata.
Ayon sa ilang mga espesyalista, ang mga sumusunod ay ang mga sintomas na maaaring makita sa mga matatanda na may ADHD:
-Pagiging pabaya at kakulangan ng atensyon sa detalye
-Pagsisimula ng panibagong gawain bago matapos ang ibang ginagawa
-Kakulangan ng organizational skills
-Hindi maka-focus at hindi alam kung ano ang dapat unahin
-Palaging nakakawala ng gamit
-Pagiging makakalimutin
-Hindi mapakali
-Hirap manatiling tahimik
-Hindi makapaghintay na matapos ang ibang nagsasalita
-Pagkakaroon ng mood swings, pagiging iritable, at madaling magalit
-Madaling ma-stress
-Mabilis mainip
-Mahilig ipakipagsapalaran ang buhay o buhay ng iba sa paggawa ng mga delikadong gawain na parang walang takot sa panganib
Kung ang mga nararanasan ay bago lamang o panaka-naka lamang mangyari sa nakaraan, maaaring hindi ito ADHD. Ang ADHD sa matanda ay mahirap ma-diagnose dahil may ilang sintomas na katulad ng ibang mental health conditions tulad ng anxiety o mood disorder.
Ano ang sanhi ng ADHD?
Ang sanhi ng pagkakaroon ng ADHD ay hindi pa tiyak. Ilan sa mga salik na iniuugnay sa pagkakaroon ng ADHD ay ang mga sumusunod:
-Genetics: Ang ADHD ay maaaring mamana, kaya naman kadalasan ay mayroong kamag-anak na mayroon ding ADHD. Ayon sa mga pag-aaral, ang taong may magulang o kapatıd na may ADHD ay may malaking posibilidad na may ADHD rin.
-Kapaligiran: May ilang mga salik sa kapaligiran na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng ADHD, tulad ng exposure sa lead noong pagkabata.
-Problema sa development ng utak: May mga pag-aaral na nagmumungkahi na may kaugnayan ang ADHD sa pag-develop ng utak o sa problema sa mga kemikal na nagdadala ng mensahe sa utak.
Ano ang dapat gawin kung naghinihinalang may ADHD ang mahal sa buhay?
Maaaring kumonsulta sa doktor kung tingin ng magulang ay may ADHD ang kanyang anak. Sa simula, maaaring payuhan ng doktor na obserbahan ang bata sa loob ng humigit-kumulang sampung linggo upang makita kung magkakaroon ng pagbabago sa sintomas ng bata.
Kung hindi bumubuti ang lagay ng bata, maaaring payuhan ng doktor na magpatingin sa espesyalista tulad ng developmental pediatrician o psychologist upang matiyak ang diagnosis ng ADHD. Siguraduhin na ipaalam sa mga guro at administrasyon ng paaralan kung may ADHD ang isang bata upang matulungan ito sa eskwelahan.
Kung ang sintomas ng ADHD ay nakakasagabal sa pang-araw araw na gawain, maaaring magriseta ang doktor ng gamot upang makatulong sa batang maka-focus at mapamahalaan ang kanyang sarili. Bukod sa iri-risetang gamot, maaari ring makatulong ang imumungkahing therapy ng doktor para sa ADHD.
Department of Health Mental Health Program
Ang mental health ay isang isyu na nakakaapekto sa lahat. Mahalagang mapangalagaan ang mental health dahil bahagi ito ng hakbang upang maabot ng Pilipinas ang Sustainable Developmental Goals ng United Nations. Sa pamamagitan ng komprehensibong mental health program na inihanda ng Department of Health mula sa pag-iwas sa mental at neurologic health disorders at adiksyon hanggang sa paggamot at rehabilitasyon ng mga taong apektado ng mga ito, inaasahang ang layuning maabot ang pinakamataas na antas ng kalusugan para sa bayan ay makakamtan.
References:
https://adhdsocphils.org/what-is-ad-hd/
https://www.nhs.uk/conditions/attention-deficit-hyperactivity-disorder-adhd/
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/adult-adhd/symptoms-causes/syc-20350878
https://doh.gov.ph/national-mental-health-program