Tamang Alaga sa may Alzheimer’s Disease

September 11, 2018

Ang Alzheimer’s Disease ay hindi lamang basta tumutukoy sa pag-uulyanin, gaya ng madalas na biruan ng mga Pilipino sa tuwing may taong nakakalimot. Ito ay isang progresibo at chronic na disease na nagdadala ng memory loss at sumisira ng iba pang importanteng mental functions. Nararanasan ito ng milyung-milyong tao sa buong mundo. Talamak ito sa matatanda dahil sa pag-degenerate o pagkasira ng healthy cells sa utak.

 

Ayon sa Dementia Society of the Philippines, malaki ang impact ng Alzheimer’s Disease sa mga tagapag-alaga ng mga pasyenteng mayroon nito. Maging ang lipunan ay hindi pa gaanong handa para dito dahil na rin sa presyo ng healthcare at facilities para maiwasan ito at matulungan ang carers ng mga pasyente na matugunan ang kanilang pangangailangan.

 

Bago natin pag-usapan ang tips sa pag-aalaga sa Alzheimer’s Disease patients, narito muna ang mga dapat ninyong malaman tungkol sa mental condition na ito.

 

Facts tungkol sa Alzheimer’s Disease

 

  • Ang Alzheimer’s Disease ay hindi isang normal na parte ng pagtanda, ngunit ang pagtaas ng edad ang isang sanhi ng pagkakaroon ng risk na makaranas ng health condition na ito.

 

  • Namamana ang sakit na ito. Mas mataas ang risk sa pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease kung nasa first degree ng pamilya ang mga sintomas.

 

  • Mas malaki ang tsansa na magkaroon ng Alzheimer’s Disease ang mga babae dahil, ayon sa statistics, mas matagal ang kanilang buhay kumpara sa kalalakihan.

 

  • Ang pagkakaroon ng mga sakit sa puso ay posibleng magsanhi ng Alzheimer’s Disease dahil sa mga nutrient deficiency na nakukuha mula sa pag-inom ng maintendance medicines.

 

  • Lumalala ang Alzheimer’s Disease habang tumatagal dahil ito ay isang progressive na sakit. Sa ibang kaso, umaabot ng walong taon matapos makita ang mga sintomas ang pag-survive ng mga pasyente. Nagiging mas prone sila iba pang brain disorders at health conditions lalo na kung hindi nabibigyan ng tama at sapat na atensyon at pagkalinga.

 

  • Sa ngayon, wala pang lunas para sa Alzheimer’s Disease pero mayroong mga ginagawang treatment para rito. Bagama’t hindi nito nagagamot ang kondisyon, nakakatulong ang treatments at therapy pura uminam ang kalidad ng buhay ng pasyente at ng kanyang caregiver.

 

Dementia vs Alzheimer’s

 

undefined

Photo from Pixabay

 

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang Alzheimer’s Disease ay isang uri ng dementia. Dementia ang scientific term para sa memory loss at iba pang matinding problema sa pag-iisip na nakakaapekto sa pang araw-araw na pamumuhay. Nasa 60 hanggang 80% ng may dementia ang mga pasyenteng may Alzheimer’s Disease.

 

Alzheimer’s Symptoms

 

  • Tumitinding pagkalimot o memory loss;
  • Pagkalito;
  • Pagkalimot sa mga recent na memories;
  • Pagiging hirap sa pag-alala ng mga bagay;
  • Pagiging hirap sa pag-oorganize ng iniisip;
  • Paulit-ulit na pagsasabi o pagtatanong nang hindi napapansin;
  • Madalas na pagkawala ng mga gamit;
  • Hirap sa pagtanda sa pangalan ng mga nakakasama araw-araw at maging mga mga tawag sa bagay;
  • Pagbabago sa sleeping habits;
  • Pagiging hirap sa pagpapaliwanag at paggawa ng mga desisyon; at
  • Pagbabago sa personality at behavior gaya ng pagkakaroon ng depression, paggagala nang hindi alam kung saan pupunta, at pagkakaroon ng mga delusion.

 

 

Tamang Alaga Tips

 

Ang isa sa goals ng pag-aalaga ng may Alzheimer’s Disease ay ang pagtuturo at pagtulong sa kanila na maging independent. Sa ganitong paraan, mapapabagal ang paglala ng kondisyon dahil nae-exercise ang kanilang isip sa pamamagitan ng learning. Tandaan na nangangailangan sila ng ibayong pag-unawa at pagmamahal dahil sa kanilang sakit. Narito ang ilang tips na pwede ninyong gawin na daily routine:

 

  1. Pag-aayos at paglilinis ng sarili

 

Ipakita sa pasyente kung paano maghilamos, magsipilyo, maligo, at magbihis. Siguraduhing step-by-step ang pagpapakita ng mga paraan para gawin ang mga ito. Makabubuti kung sa mabagal at paulit-ulit na paraan ito gagawin para ma-stretch ang kanilang memory sa pagtanda ng pagkakasunod-sunod ng mga steps sa bawat activity. Huwag kalimutang alalayan ang pasyente lalo na kung madalas itong nanghihina at nawawalan ng balanse. Kausapin din sila nang mahinahon, nakangiti, at buong pasensya. I-engage sila na magsalita rin at magtanong.

 

Ipinapayo rin na gawin ang pare-parehong steps araw-araw para makaiwas sa pagkalito ng mga pasyente.

 

  1. Pagpapakalma

 

undefined

Photo from Pixabay

 

Kung may electronic devices sa bahay gaya ng radio o mga player, turuan at samahan ang pasyente na magpatugtog. Mas mainam kung may nakahanda nang nakakakalmang tugtog na ipe-play na lang nila o isasalang. Nakakatulong ang music para maka-focus ang may Alzheimer’s Disease lalo na kung kagagaling lang nito sa pagkalito at balisa.

 

  1. Pagpapakain

 

Nangangailangan ng mahabang oras para kumain ang pasyenteng may Alzheimer’s Disease. Gawing simple at tahimik ang bawat mealtime. Huwag munang isabay ang panonood ng TV para makaiwas sa pagkairitable ng pasyente at pagkalito. Tiyakin din na ang mga kailangan na gamit lang ang nasa hapag-kainan. Bilang tip, gumamit ng mga plato na plastic na mayroong solid colors para makapag-focus ang isip sa pagtukoy kung nasaan ang pagkain.

 

Gawing presentable ang healthy food na ihinahain sa pasyente. Paalalahanan sila ng steps sa pag-kain: isubo, ngumuya, at lumunok. Habaan ang pasensya lalo na kung magtatapon o magkakalat ng pagkain ang pasyente. Iwasan ang anumang babasagin na gamit kapag mealtime para rin sa safety ng may Alzheimer’s Disease.

 

  1. Pag-eehersisyo

 

Depende sa physical condition ng maysakit, ugaliing maglakad sa labas o sa bakuran araw-araw para ma-stretch ang mga buto ng pasyente. Kailangan din ito para ma-boost ang mood at gumaan ang pakiramdam. Bukod dito, nakakatulong din ang stretching para maging mahimbing ang pagtulog ng may Alzheimer’s Disease. Samahan ang pasyente sa paggawa ng simple exercises na pwede niyang ulutin araw-araw.

 

  1. Pag-eentertain

 

Hindi lang panonood ng TV ang pwedeng gawin ng may Alzheimer’s Disease. Maaari ninyong isama ang pasyente sa paggawa ng simpleng gawaing-bahay gaya ng pagtitiklop ng damit, pagpupunas ng picture frames, at iba pang activity na hindi nangangailangan ng maraming lakas para matapos. I-encourage din ang maysakit na magbasa. Pwede ring subukan ang hindi gaanong komplikadong puzzles, pagtingin sa family photos para makatulong sa memory loss, pagsusulat, at pagkukwentuhan. Tandaan na kung iritable na ang pasyente, huwag ipilit na matapos o ituloy niya ang isang activity.

 

Ang mapagmahal na pag-aaruga pa rin ang pinakamabisang technique para mabigyan ng tamang alaga ang may Alzheimer’s Disease. Iparamdam sa kanila ang inyong suporta, kalinga, at lakas para ma-inspire din sila na patuloy lumaban sa karamdamang ito.

 

Sources:

 

http://www.dementia.org.ph/?fid=history

https://www.doh.gov.ph/node/919

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/alzheimers-disease/symptoms-causes/syc-20350447

https://www.alz.org/alzheimers-dementia/what-is-alzheimers

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/caregivers/in-depth/alzheimers-caregiver/art-20047577

https://www.webmd.com/alzheimers/guide/alzheimers#1