Paano Makakaiwas sa Allergies ngayong Tag-Araw?

April 12, 2016

Tuwing bakasyon, sumasabak ang karamihan sa mga exciting na outdoor adventures gaya ng paglangoy sa beach at pag-akyat ng bundok. Ngunit, para sa taong may skin allergy, food allergy at iba pang kaparehong karamdaman, ang mga nasabing aktibidad ay kadalasang hindi nakakatuwa dahil maaaring magdulot ang mga ito ng mga allergic reaction.

 

Sa kabutihang palad, maaari mong ma-enjoy ang iyong bakasyon maski ikaw ay allergic sa maraming bagay. Ang kailangan lamang ay wastong kaalaman at preparasyon para sa pollen at iba pang allergens. Ating talakayin ang iba’t-ibang klaseng outdoor adventure, mga maaaring makuhang allergy dito, at mga paraan upang maiwasan ang mga ito.

 

Hiking at Mountain Climbing

 

Habang naglalakad sa mountain trail, ikaw ay kadalasang dadaan sa masukal na kagubatan. Maaari kang makalanghap ng pollen, na nagdudulot ng pag-ubo o respiratory allergy dahil dito. Ang pollen ay nanggagaling sa mga puno, damo, at weeds, at nagdudulot ng iritasyon sa respiratory system.

 

Bukod sa pollen, maaari ka ring magkaroon ng skin allergy dahil sa higad, kagat ng bubuyog at putakte, at makakating halaman tulad ng acacia at nettle.

 

Inumin ang iyong gamot sa allergy bago sumabak sa hiking. Kung kinakailangan, magsuot ng long sleeves at jogging pants upang maprotektahan ang iyong binti at braso. Magdala ng topical cream upang magamot agad ang pagpapantal at pangangati. Maaari ka ring magsuot ng face mask upang hindi makalanghap ng pollen.  

 

Paglangoy sa Beach

 

youth-570881_1280.jpg

Photo from Pixabay

 

Tinutulungan ng araw o sunlight ang katawan lumikha ng vitamin D. Ang problema, kadalasang napapatagal ang pagbilad sa araw ng mga taong asa beach. Dahil dito, ang iba sa kanila ay tinutubuan ng mga pantal. Hindi karaniwan ang allergy na ito, ngunit mainam na magdala ng sunscreen at antihistamine para makasigurado. Maaari ding magdala ng suka, baking soda, at anti-inflammatory cream kung sakaling maraming dikya sa dagat.  

 

Picnic sa Ilog at Beach

 

Masarap kumain ng bagong huling talaba, hipon, tahong, isda at alimango pagkatapos lumangoy. Sariwa ang mga ito at malinamnam. Sa kasamaang palad, hindi lahat ng tao ay maaaring kumain ng mga ito. May gamot man sa seafood allergy, ang mga sintomas nito ay malubha.

 

Kapag ikaw ay allergic sa seafood, maaari kang makaranas ng pananakit ng tiyan, hirap sa paghinga, pagkahilo, pagtatae, at pangangati kung kumain ka ng lamang-dagat. Lumalala ang mga sintomas sa bawat kain ng seafood. Mabuti pang kumain na lamang ng gulay, prutas, at karne.

 

Paglalakad sa Ilalim ng Ulan

 

Ang pagligo sa ulan ay nagdadala ng ginhawa lalo na kapag ang panahon ay lubhang mainit. Subalit, hindi ginhawa ang dala nito para sa mga taong sensitibo sa molds, na siyang nagdudulot ng pag-ubo at sari-saring karamdaman. Ang mikrobyong ito ay naninirahan sa mga basang halaman, damo, at kahoy.

 

Kung nais mong maligo sa ulan, uminom muna ng antihistamine at iba pang gamot sa allergy bago lumabas ng bahay. Dalhin mo na rin ang iyong gamot upang mabigyan ang sarili ng lunas kung sakaling magkaroon ng allergic reaction, gayun din ang gamot sa sipon.

 

Gardening

 

garden-1176406_1280.jpg

Photo from Pixabay

 

Masaya man ang gardening tuwing tag-araw, ito ay maaaring magdulot ng pagkabalisa para sa taong sensitibo sa pollen. Karamihan sa mga halaman na karaniwang nahahanap sa mga hardin ay naglalabas ng pollen. Andun din ang panganib ng anaphylaxis na nakukuha sa kagat ng putakte at bubuyog.

 

Upang makaiwas sa mga allergic reaction, magsuot ng face mask at long sleeves habang inaasikaso ang mga halaman. Kung ikaw ay nahilo o nanghina dahil sa anaphylaxis, huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor. Mapanganib ang condition na ito.

 

Ang outdoor adventure ang pinakainaabangang pangyayari tuwing tag-araw. Magiging masaya at makabuluhan ito kapag nakaiwas sa mga sintomas ng allergy. Matutong mag-ingat at dalhin ang gamot kung kinakailangan.

 

Tandaan:

Mabuti na kumonsulta sa inyong doktor kung sakaling ikaw ay makaramdam ng anumang sintomas ng allergy upang agad kayong mabigyan ng tamang lunas sa inyong kundisyon.