Allergy Bilang Trigger sa Asthma
August 8, 2022
Ang allergy at hika o asthma ay madalas na sabay nararanasan ng isang tao. Ito ay dahil ang mga bagay na nagdudulot ng sintomas ng allergy, partikular na ang allergic rhinitis, ay maaari ring magdulot sa pag-atake ng hika o asthma attack. Ang ilan sa mga posibleng trigger ay ang pollen, dust mites, at pet dander mula sa buhok at balat ng mga hayop. Sa ilang mga tao, ang allergic reaction sa balat at allergy sa pagkain ay maaaring maging sanhi ng sintomas ng hika. Tinatawag itong allergic asthma o allergy-induced asthma.
Ang hika ay isang kondisyon sa baga kung saan ang daluyan ng hangin ay:
-Namamaga o naiirita, lalo na ang lining ng daluyan ng hangin
-Gumagawa ng marami at mas makapal na plema
-Sumisikip dahil sa paghigpit ng mga muscle na nakabalot sa daluyan ng hangin
Kung ang isang tao ay may hika, ang daluyan ng hangin sa baga ay kadalasang namamaga. Kapag umaatake ang hika, ang daluyan ng hangin ay mas lalo pang namamaga, at ang mga muscle sa paligid nito ay sumisikip. Maaari itong maging sanhi ng paghuni habang humihinga, ubo, pagsikip ng dibdib, at hirap sa paghinga.
Habang maraming tao ang nagkakaroon ng allergic asthma, mayroon pang ibang klase ng hika na may ibang mga trigger. Para sa ibang tao, ang kanilang hika ay maaaring dulot ng pag-eehersisyo, impeksyon, malamig na hangin, gastroesophageal reflux disease (GERD), o stress. Maraming mga tao ang may higit sa isang trigger ng hika.
Maaaring magsagawa ang allergologist o immunologist ng mga eksaminasyon upang malaman ang mga trigger ng hika at makagawa ng plano upang magamot ang sintomas, mabawasan ang pag-atake nito, at mapaganda ang kalidad ng buhay ng pasyente.
Paano Nagdudulot ng Sintomas ng Hika ang Allergic Reaction?
Ang allergic reaction ay nangyayari kapag napagkakamalan ng mga protina ng immune system (antibodies) ang isang hindi nakakapinsalang bagay (allergen), tulad ng pollen, bilang mananalakay. Bilang proteksyon sa katawan laban sa bagay na ito, ang mga antibodies ay dumidikit sa allergen.
Ang mga kemikal na pinapakalat ng immune system ay nagdudulot ng mga senyales at sintomas ng allergic reaction, tulad ng baradong ilong, tumutulong sipon, pangangati ng mata, at reaksyon sa balat. Para sa ibang mga tao, ang katulad na reaksyon ay maaari ring makaapekto sa daluyan ng hangin at baga, na nagdudulot ng sintomas ng hika.
Ano ang Sanhi ng Allergic Asthma?
Hindi pa alam ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng hika ang isang tao. Ngunit, para sa mga taong may allergic asthma, ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sintomas ay konektado sa mga allergen. Ito ang pinakaimportanteng pagkakaiba ng allergic asthma sa ibang klase ng hika – ang mga allergen ay nalalanghap at nagdudulot ng sintomas ng hika.
Ang pagkakaroon ng kamag-anak na may allergy ay isang mahalagang salik o factor na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng allergic asthma. Ang pagkakaroon ng isang tao ng allergy ay maaari ring magdulot ng pagkakaroon niya ng allergic asthma.
Ano ang mga Kadalasang Sintomas ng Hika?
May mga taong may hika na nakakaranas ng matagal na pagitan sa pag-atake nito, habang ang iba naman ay nakakaranas ng araw-araw na sintomas. Ang mga karaniwang sintomas ng hika ay ang mga sumusunod:
-Madalas na pag-ubo, lalo na sa gabi
-Kinakapos sa paghinga
-Paghuni kapag humihinga
-Paninikip ng dibdib
Hindi lahat ng taong may hika ay nakakaranas ng parehong sintomas at sa parehong paraan. Maaaring iilan lamang sa mga sintomas na ito ang maranasan, at maaaring pabago-bago kada-atake ng hika. Kadalasan, hindi gaanong malala ang mga sintomas ng hika. Ang malalang pag-atake ay hindi karaniwan, ngunit maaaring matagal bago mawala ang sintomas na nangangailangan ng konsultasyon sa doktor. Mahalaga na kilalanin at gamutin ang mga sintomas ng hika upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalang pag-atake at makontrol ang mga sintomas nito.
Sa taong may allergy at hika, ang reaksyon sa kahit anong bagay na nagdudulot ng allergy ay maaaring magpalala ng sintomas ng hika.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-woman-having-asthma-using-inhaler-1494300992
Magkaiba ba ang Gamutan para sa Allergy at Hika?
Madami sa mga gamot ay hiwalay na nagbibigay lunas sa hika o allergy. Ngunit, may ibang mga paraan upang magamot ng sabay ang dalawang kondisyon. Narito ang ilan sa mga gamot para sa hika at allergy:
-Leukotriene modifier: Ang klase ng gamot na ito ay binibigay araw-araw at nakakatulong sa pagkontrol ng mga kemikal na nilalabas ng immune system kapag may allergic reaction. Ang montelukast ang isa sa mga halimbawa ng leukotriene modifier na mabisa para sa hika at allergy.
-Immunotherapy: Tinatawag ring allergy shots, nakakatulong ang immunotherapy sa pamamagitan ng pagbabawas ng reaksyon ng immune system laban sa ilang partikular na mga allergen. Sa immunotherapy, nagbibigay ng regular na ineksyon ng kaunting dami ng allergen na nagdudulot ng sintomas ng allergy. Habang tumatagal, ang immune system ay nasasanay sa allergen, at ang sintomas ng allergic reaction ay nababawasan. Kasabay nito ang pagbabawas ng sintomas ng hika.
-Anti-immunoglobulin E (IgE) therapy: Sa tuwing may allergen na natutuklasan ang immune system ng katawan, nagpapakalat ito ng mga protina na tinatawag na IgE antibodies, upang labanan ang allergen. Sa susunod na makapasok muli ang allergen sa katawan, nagbibigay ang IgE ng signal sa immune system upang magpakalat ng kemikal na histamine, at iba pang mga kemikal, sa dugo. Ang gamot na omalizumab ay pumipigil sa IgE upang maiwasan ang allergic reaction na nagiging sanhi ng sintomas ng hika.
Maaaring kailanganin pa ang ibang gamot para sa allergy at hika, lalo na kung nakakaranas ng malalang sintomas. Ngunit, ang pagkilala at pag-iwas sa mga bagay na nagdudulot ng sintomas ay isang napakahalagang hakbang sa gamutan ng allergy at asthma.
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/asthma/in-depth/allergies-and-asthma/art-20047458
https://www.webmd.com/allergies/asthma-allergies
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21461-allergic-asthma