Madalas bang ‘di-mapakali ang inyong anak? Palagi bang mataas ang energy niya, at madaling nadi-distract? Bagama’t normal sa isang bata ang pagiging hyperactive paminsan-minsan, ito ay nagiging problema na kapag hindi na niya nakokontrol ang kanyang energy at impulsive o pabigla-biglang behavior. Mahahalata rin ang hindi niyapagka-focused sa isang gawain. Kapag nagdudulot na ang hyperactivity ng ‘di-magandang epekto sa kanyang kabuuang kalusugan, kaligtasan, at pang araw-araw na gawain ng isang bata, maaaring ito ay sintomas na ng tinatawag na Attention Deficit Hyperactivity Disorder o ADHD.
Ang batang may ADHD ay nahihirapang mag-focus ng atensyon sa isang bagay, sobrang aktibo, at madalas nagpapakita ng impulsive o padalos-dalos na behavior.
Ang ADHD ay hindi lamang nakikita sa mga bata. Maaari ring kakitaan nito ang mga teenager hanggang sa pagkatanda. Kadalasan ay nag-uumpisa na sa pagkabata ang mga problema sa atensyon, focus, pagiging disorganized, at mahinang impulse control at nananatili ang mga ito hanggang sa kanilang paglaki.
Marami pa ring mga katanungan at importanteng impormasyon na dapat matugunan tungkol sa ADHD. Ito ang dahilan kung bakit mayroong taunang National Attention Deficit Disorder Week na nagaganap tuwing Oktubre. Mahalagang maipabatid sa publiko na kontra sa sinasabi ng ilan, ang ADHD ay hindi pagiging “kulang sa pansin.” Ito ay seryosong kondisyon na nakakaapekto hindi lang sa taong may ADHD, kundi pati na rin sa kanyang pamilya at sa iba pang mga tao sa kanyang paligid. Kapag ganito ang sitwasyon ng inyong anak, dapat na itong bigyan ng tamang atensyon at alaga.
ADHD Symptoms in Children
Ang ADHD symptoms in kids ay ginugrupo sa tatlong kategorya: Kawalang-atensyon, hyperactivity, at pagkakaroon ng pabigla-biglang pagbabago ng behavior.
Kawalang-atensyon o inattention - Ang batang nagpapakita nito ay:
- Madaling nadi-distract;
- Palipat-lipat ang atensyon sa iba’t-ibang bagay;
- Nahihirapang sumunod sa instructions;
- Nahihirapang makatapos ng isang gawain;
- Parang hindi nakikinig;
- Madalas nakakalimot ng susunod na gagawin;
- Nahihirapang maging organized sa mga gamit at gawain;
- Hindi pwedeng tahimik na nakaupo lamang; kailangan laging may ginagawa;
- Madalas nakakawala ng mga gamit; at
- Madalas magmuni-muni sa halip ng pakikinig o pag-aaral ng lessons.
Image by Pexels
Hyperactivity - Ang hyperactive child ay:
- Hirap manatiling nakaupo nang matagal;
- Hindi mapakali kapag nakaupo;
- Nahihirapang maging tahimik habang naglalaro o nag-aaral;
- Madalas ay “on the go” at sobrang aktibo; at
- Madaldal.
Pabigla-biglang pagbabago ng behavior o impulsivity - Ang mga madalas napapansin dito ay:
- Pagkilos o pagsagot nang hindi muna nag-iisip;
- Hindi makahintay kumilos; kailangan laging mauna sa iba; at
- Sumisingit o nakikisabad sa usapan o gawain ng iba.
Dahil ang pagiging aktibo at kulang sa focus ay hindi naman mga pambihirang katangian ng isang bata, mahalaga ang mabigyan muna ito ng mga sapat na test bago sabihing ADHD ang kanyang kondisyon. Hindi lahat ng hyperactive na bata ay may ADHD. Maaaring mayroon lang itong nade-develop na ‘di-kanais-nais na ugali na dapat munang tugunan ng mga magulang at guro.
ADHD Test
Hindi madaling magbigay ng diagnosis para sa ADHD dahil ang ilan sa sintomas nito ay katulad lang ng mga katangiang nakikita sa isang normal pero aktibong bata. Dahil walang iisang specific na test para dito, maaaring magbigay ang doktor ng battery of tests at mag-ipon ng impormasyon mula sa pasyente, sa kanyang paaralan, at sa kanyang pamilya. Pag-aaralan ng doktor ang behavior ng bata at kung paano ito nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay nila ng kanyang pamilya.
Makakapagbigay lamang ang doktor ng tamang diagnosis kapag inobserbahan ang bata sa loob ng anim na buwan at mayroong nakitang anim o higit sa anim na sintomas ng pagkawalang-atensyon at hyperactivity. Sa loob ng panahon na iyon, dapat makita ang mga sintomas sa dalawa o higit sa dalawang magkaibang settings, katulad ng tahanan at paaralan. Maaaring samahan ito ng mga physical exam at pati ng brain scan. Maaari ring ikompara ng doktor ang behavior ng bata sa mga batang kasing-edad nito.
Isa pang pamamaraan na makakatulong sa doktor sa pagpasiya ng tamang ADHD diagnosis ay ang pagsunod sa standard guidelines ng American Academy of Pediatrics. Ang sinasabi dito ay maaaring makita ang ADHD sa mga batang 4 to 18 years old. Ang average age ng mga nada-diagnose na bata ay 7 years old, o kapag pumapasok na sa paaralan kung saan napapansin na ang pagkakaiba ng kanilang behavior sa ibang mga bata.
Mahirap mag-diagnose ng 5 years old pababa dahil ang signs ng posibleng ADHD ay natural na nakikita sa mga maliliit na bata, katulad ng pagiging sobrang aktibo at pagkakaroon ng maiksing attention span dahil nasa panahon pa sila ng pag-eexplore ng kanilang paligid. Bukod sa mabilis ang mga pagbabago sa katawan at pag-iisip ng preschool kids, marami ring ibang factors na maaaring nagiging sanhi ng behavior changes nila, katulad ng mga malulungkot na sitwasyon sa pamilya – paghihiwalay ng magulang, pagkamatay ng alagang hayop, bipolar disorder, depression, anxiety, at iba pa. Hindi ito mga sanhi ng ADHD behavior.
Overview of ADHD Treatment
Sa ngayon ay wala pang lunas para sa ADHD, ngunit ang mga sintomas nito ay maaaring i-manage sa pamamagitan ng ADHD medication, therapy, education o training, o ang kombinasyon ng mga ito. Ang available na mga treatment para dito ay posibleng makapagbawas sa sintomas habang itinataas naman ang functioning level ng pasyente upang matulungan siyang maka-focus, makapag-aral, at makagawa ng iba pangactivities.
Image by Pixabay
Kausapin ang doktor tungkol sa mga treatment options at plans na pinakamainam para sa inyong anak na may ADHD.
Medication -Ang first line of treatment sa ADHD ay ang pagbibigay ng stimulants. Ang stimulants na ito ay nakakatulong sa pagkontrol ng hyperactive at impulsive behavior, at sa pag-iincrease ng attention span. Ilan sa mga ito ang Dexmethylphenidate (Focalin), Dextroamphetamine (Adderall, Dexedrine), Lisdexamfetamine (Vyvanse), at Methylphenidate (Concerta, Daytrana, Metadate, Methylin, Ritalin, Quillivant).
Hindi lahat ng stimulant medications ay epektibo sa mga may ADHD. Mayroon ding non-stimulant medications na maaaring ibigay sa mga batang 6 years old pataas. Ito ay ang Atomoxetine (Strattera), Clonidine (Kapvay), at Guanfacine (Intuniv).
Ang ADHD medication ay maaaring magdulot ng side effects, ngunit ang mga ito ay sa kadalasang nararanasan sa umpisa lamang. Hindi rin ito tumatagal.
Therapy - Ang ADHD treatment na gumagamit ng therapy ay ginagawa para sa pagbabago ng mga behavior na nauugnay sa kondisyon na ito:
- Behavior modification – Ito ay isinasagawa upang turuan ang bata ng mga mabubuting pag-uugali o behavior na maaaring ipalit sa kanilang inaasal sa kasalukuyan.
- Special education – Ito ay ginagawa para tulungan ang bata na makapag-aral nang mabuti sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng regular routines at structure sa kanyang mga araw-araw na gawain.
- Psychotherapy o counseling – Ito ay tumutulong sa pagkontrol ng mga emosyon at pagkabalisa, at para na rin palakasin ang self-esteem ng pasyente. Natutulungan din ng counseling ang mga myembro ng pamilya upang mas maunawaan nila ang nararanasan ng may ADHD.
- Social skills training – Ito ay isang paraan upang maturuan ang may ADHD kung paano makitungo sa ibang mga bata o tao. Kasama sa itinuturo ay ang pagbibigayan o sharing.
- Support groups – Maraming kabutihang nadudulot ang pagsali sa isang support group ng mga bata o taong may ADHD. Ito ay malaking tulong din sa mga magulang dahil marami silang maaaring matutunan mula sa karanasan ng ibang parents sa pag-aalaga ng mga batang may ADHD.
Bagamat iba’t-iba ang epekto ng ADHD sa buhay ng bawat bata na mayroon nito, marami sa kanila ay nag-iimprove habang lumalaki sa tulong ng medication at behavioral therapy. Mahalaga ang pagbibigay ng wastong atensyon sa mga sintomas at sa madalas na pagkonsulta sa doktor. Sa tulong ng gamot, counseling, special education, at practical support, malaki ang pag-asa na magkaroon ng magandang quality of life ang isang batang may ADHD.
Sources:
https://www.nimh.nih.gov/health/publications/attention-deficit-hyperactivity-disorder-adhd-the-basics/index.shtml
https://www.webmd.com/add-adhd/guide/attention-deficit-hyperactivity-disorder-adhd#1
https://www.psychologytoday.com/us/blog/saving-normal/201403/most-active-kids-don-t-have-adhd
https://impactadhd.com/manage-emotions-and-impulses/a-brief-history-of-adhd-awareness-week/
https://www.webmd.com/add-adhd/childhood-adhd/adhd-children#1
https://ph.theasianparent.com/adhd-and-your-toddler-filipino-parents/
https://www.webmd.com/add-adhd/childhood-adhd/features/adhd-in-preschoolers#1