Sa populasyon na 100 million ng Pilipinas, tinatalang nasa 0.9 percent ang prevalence rate ng epilepsy. Ibig sabihin, nasa 900,000 ang nakararanas ng karamdaman na nito. Bagaman matagal nang napag-aaralan ang mga paraan upang matulungan ang mga taong may epilepsy, marami pa ring mga kaso ng sakit na ito ang kinukonsidera bilang intractable o hindi na kayang matulungan ng modernong siyensya, makabagong gamot, at physical therapy.
Ang epilepsy ay isang disorder sa central nervous system kung saan nagkakaroon ng abnormal brain activity na siya namang nagdudulot ng seizure, mga hindi kaaya-aya na pakiramdam o pag-uugali, o ‘di naman kaya ay pagkawala ng malay.
Lahat ng tao ay posibleng magkaroon o mag-develop ng epilepsy. Walang pinipiling edad, kasarian, o estado sa buhay ang sakit na ito.
Ang pinaka-kapansin-pansin at kadalasang sintomas ng epilepsy ay ang seizures o ang hindi makontrol na panginginig ng katawan. Iba-iba rin ang lakas o severity ng mga seizure attacks sa bawat isang epileptic. Mayroong mga pagkakataon na mahinahon at nakatitig lang nang diretso ang nakararanas ng seizure, habang mayroon din namang mga seizure attacks kung saan nagkakaroon ng paulit-ulit na jerking motion ang mga binti at kamay o ‘di naman kaya ang buong katawan.
Maraming uri ng epilepsy treatment ang isinasagawa ng mga doktor at physical therapists. Para sa karamihan na nakararanas ng sakit na ito, ang matagalang gamutan at surgery ay sapat na upang makontrol ang mga sintomas ng sakit. Mayroon din namang ilang kaso kung saan tuluyang nawawala ang sakit kung sa pagkabata pa lamang ay na-diagnose at naisailalim na sa gamutan ang epileptic.
Mga sintomas ng epilepsy
Maraming iba’t ibang epilepsy symptoms na kadalasan ay hindi napapansin ng karamihan dahil nakasanayan na nila na kapag sinabing may epilepsy ang isang tao, unang pumapasok sa kanilang isip ay hindi makontrol na panginginig ng katawan o pangingisay. Ilang halimbawa ng mga sintomas na walang epekto sa panlabas na anyo ng isang nakararanas ng epilepsy ay ang panandaliang pagkabalisa at pagkakaroon ng matinding anxiety.
Para malaman kung anong klaseng treatment ang nababagay sa isang taong nakararanas ng epilepsy, kina-classify ng mga doktor ang seizures sa dalawang uri: focal at generalized.
- Focal epilepsy
Kapag ang seizure episode ay resulta ng hindi normal na brain activity sa isang bahagi lang ng utak ay tinatawag itong focal epilepsy. Ang uri ng seizure na resulta ng focal epilepsy ay inaayon sa dalawang kategorya.
- Focal seizures na hindi sinasabayan ng kawalan ng malay – Kapag na-identify bilang focal ang uri ng epilepsy, partial o isang bahagi lang ng utak ang apektado ng sakit. Sa mga seizure attacks na dulot ng focal epilepsy, nagkakaroon lamang ng bahagyang pagkawala ng memorya at pagbabago sa pang-amoy, panglasa, at pangdinig. May mga kaso rin kung saan nagkakaroon ng hindi makontrol na paggalaw ng mga kamay at paa.
- Focal seizures na may kasamang pagkawala ng malay – Tinatawag na complex partial seizure ang mga atake kung saan nagkakaroon ng bahagyang pagkawala ng malay o ‘di naman kaya ay pagkablanko ng isipan. Ang mga inaatake ng complex partial seizure, kung hindi nawawalan ng malay, ay kadalasang nakatitig lang nang matagal na tila blanko ang isipan.
Ang mga sintomas ng focal epilepsy ay maaaring mapagkamalang sintomas ng ibang neurological disorder tulad ng migraine, narcolepsy, o mental illness. May ilan na dinadaan sa pag-inom ng vitamin B complex sa unang senyales ng panginginig. Ngunit kinakailangan pa rin ng masinsinang pagsusuri ng isang pasyente upang matiyak na epilepsy nga ang kanyang nararanasan.
- Generalized epilepsy
Mga seizure kung saan apektado ang lahat na bahagi ng utak ay sintomas ng generalized epilepsy. Sa uri ng epilepsy na ito, mayroong limang klase ng seizures.
- Absence seizures – Ang tinatawag ding petit mal seizures dahil kadalasan itong nararanasan ng mga bata. Ang mga kapansin-pansin na sintomas nito ay lip smacking, uncontrolled eye blinking, at blank staring.
- Tonic seizures – Nagkakaroon ng paninigas ng muscles sa likod, braso, at binti na nagiging sanhi ng biglaang pagkatumba.
- Atonic seizures – Sa atonic o drop seizures, ang epileptic ay nagkakaroon ng biglaan at hindi makontrol na paggalaw ng muscles.
- Clonic seizures – Tulad ng atonic seizures, ang sintomas ng clonic seizures ay biglaang paggalaw ng muscles. Ngunit hindi tulad ng atonic seizures, repeated at rhythmic ang paggalaw ng muscles.
- Myoclonic seizures – Ang taong may epilepsy ay nagkakaroon ng panandalian at mabilis na paggalaw ng kamay o paa.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-male-doctor-looking-mri-film-1268343661
Mga sanhi ng epilepsy
Halos kalahati sa mga kaso ng sakit na epilepsy sa buong mundo ay walang maiturong tiyak na dahilan. Para naman sa kabilang hati, kadalasan ay hindi masasabing isa lang ang dahilan kung bakit sila nag-develop ng epilepsy.
Ayon sa mga eksperto, ilan sa mga common causes of epilepsy ay genetic influence o mga katangian na namamana sa mga magulang o ninuno, head trauma, brain conditions tulad ng mga tumor at stroke, prenatal injury o head trauma na natamo bago pa man ipanganak, at infectious diseases gaya ng meningitis at AIDS.
Bukod sa kaalaman tungkol sa mga sintomas at sanhi, mainam ding malaman ang ilang risk factors na maaaring magpataas ng tiyansa ng pagkakaroon ng epilepsy. Mabuting alamin kaagad ang family history upang malaman kung pre-disposed ba ang isang tao na magkaroon ng epilepsy sa kanyang pagtanda. Mahalaga rin na kumonsulta kaagad sa doktor kapag nakaranas ng matinding head injury o infectious disease na may kinalaman sa utak.
Source:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/epilepsy/symptoms-causes/syc-20350093