Ang pulmonary TB ay impeksyon sa baga na nagmumula sa isang uri ng bacteria, ang Myobacterium tuberculosis. Bukod sa baga, ang bacteria ay puwede ring kumapit at magdulot ng impeksyon sa bato, buto at utak. Dahil maaaring maging malubha ang karamdamang ito, inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang Directly Observed Short Course Program (DOTS) program para mas mapadali ang paggamot dito.
May dalawang uri ang pulmonary TB:
- Latent TB - Ang bacteria ay nananatili sa loob ng katawan at hindi ito nagdudulot ng mga sintomas. Normal ang resulta ng chest x-ray kaya hindi it agad nalalaman. Ito ay hindi nakahahawa ngunit kailangan pa ring mabigyang lunas upang hindi lumala lalo na kapag mahina ang immune system.
- Active TB - Ang bacteria ay dumadami at kumalat sa baga. Maaaring magdulot ito ng mga sintomas at komplikasyon sa loob lamang ng ilang linggo o buwan. Ito rin ay nakahahawa.
Lahat ay puwedeng magkaroon ng pulmonary TB ngunit may dalawang uri ng tao na mas madaling kapitan nito:
- Mga taong naimpeksyon na ng bacteria ng TB
- Mga may kasamang mayroong TB
- Mga galing sa bansa na pangkaraniwan ang TB gaya ng Africa, Southeast Asia (kung saan kabilang ang Pilipinas), Russia, China at South America
- Mga nakatira o nagta-trabaho sa lugar na pangkaraniwan ang TB tulad ng ospital, bahay-ampunan o kulungan
- Mga taong may karamdaman na nagpapahina ng kanilang immune system
- Mga taong HIV-positive
- Mga batang 5 taong gulang at pababa
- Mga nagbibisyo, tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak o pag-abuso sa masamang gamot
- Mga hindi nagamot nang maayos noong sila ay may latent TB
Ang latent TB ay hindi nagdudulot ng sintomas ngunit kung ito ay naging aktibo, madali itong nakakagawa ng pinsala. Ito ang mga maaaring maramdaman:
- Chronic cough o walang tigil at matinding pag-ubo (madalas na mas matagal pa sa 3 linggo)
- Dugo sa plema
- Pagsikip ng dibdib kapag humihinga o umuubo
- Unintentional weight loss o ‘di sinasadyang pagbagsak ng timbang
- Lagnat
- Fatigue o pagkapagod ng katawan
- Night sweats o pagpapawis sa gabi
- Pagkawala ng gana sa pagkain
Note: Maaaring walang sintomas ang ibang pasyenteng may Active TB
Ang active TB ay nakahahawa. Kumakalat ang bacteria sa hangin sa pag-ubo o pag-hatsing ng tao. Upang malaman kung ikaw ay nahawaan, maaaring gawin ng doktor ang mga sumusunod na pagsusuri:
- Tuberculin skin test
- TB blood test
- X-ray sa dibdib
- Sputum test o pagsusuri ng plema
Ang latent TB ay nagagamot sa pag-inom ng isa o dalawang uri ng gamot. Samantala, ang active TB ay kailangang gamutin ng mga sumusunod na gamot:
- Isoniazid
- Rifampin
- Ethambutol
- Pyrazinamide
Mahalagang makumpleto nang buo ang paggamot sa TB. Maaaring makaramdam ng bahagyang lunas matapos ang ilang linggo ng paggamot ngunit kapag itinigil agad ito, maaaring manumbalik ang bacteria at posibleng maging mas malakas ang resistensya nila laban sa mga medisina. Magiging mas mahirap gamutin ang TB kapag nangyari ito.
Malaki ang naitutulong ng DOTS program sa tamang pag-inom ng gamot sa TB. Ito ay isinasagawa ng mga health workers tulad ng mga doktor at nars para tulungan ang mga tao sundin ang dosage at wastong schedule sa pag-inom ng mga medisina.
Para sa mga taong mayroong active TB, huwag hayaang kumalat ang bacteria upang hindi mahawa ang inyong mga kamag-anak at kaibigan. Inyong sundin ang mga sumusunod:
- Huwag munang pumasok sa paaralan o trabaho kung kinakailangan. Huwag din matutulog nang may kasamang ibang tao sa kwarto.
- Lagyan ng sapat na labasan ng hangin ang kwarto dahil mas madaling kumalat ang bacteria kapag kulob ito.
- Takpan ang bibig kapag umuubo, bumabahing o tumatawa. Gumamit ng tisyu at itapon ito agad nang maayos sa basurahan.
- Magsuot ng surgical mask. Importante ito lalo na sa unang tatlong linggo ng paggamot.
- Siguraduhin na makukumpleto ang kurso ng paggagamot.
- Ipa-bakuna ng BCG vaccine ang mga bagong-silang na sanggol. Ang bakunang ito ay maaari ring tumalab sa mga edad 16 pababa, at magsisilbing panangga sa mapanganib na sakit.