Ang muscle pain ay pananakit ng kalamnan na dulot ng injury, pagod o pamamaga. Ito ay maaaring maramdaman sa iba’t-ibang parte ng katawan tulad sa likod, hita at binti.
Masakit man magkaroon ng muscle pain, ito ay karaniwang mabilis gumaling. Madalas nawawala ito nang kusa sa loob ng ilang araw lamang. Pero kung ang kaso ay malala, maaari itong tumagal ng ilang buwan.
Bukod sa pagod at labis na pagtrabaho ng muscle, maaari ring sintomas ang muscle pain ng ibang karamdaman gaya ng fibromyalgia (pabalik-balik na sakit ng katawan) at trangkaso. Kung ang sakit ay malubha at parang hindi napapawi ng mefenamic acid at iba pang painkiller, huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor.
Karaniwang madaling malaman ang sanhi ng muscle pain dahil ang sakit ay naka-sentro sa mga parte ng katawan na ginamit sa mga gawaing pisikal. Dahil dito, madali ring mabigyang lunas ang mga pangkaraniwang kaso nito. Ngunit, kung ito ay galing sa ibang karamdaman, dapat ipasuri ang sakit na pinagmumulan ng muscle pain.
Karaniwang sanhi:
- Muscle tension o tensyon sa kalamnan
- Biglaang pagbanat sa kalamnan nang walang warm-up
- Sagarang paggamit ng muscle nang walang pahinga
- Injury o pinsala sa muscle dahil sa labis na muscle tension
Mga sakit at kondisyon na maaaring pagmulan ng muscle pain:
- Trangkaso
- Fibromyalgia
- Lupus
- Side effect ng mga gamot
- Dermatomyositis
- Polymyositis
Maaaring maramdaman ang muscle pain sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
- Likod
- Binti
- Hita
- Dibdib
- Balikat Leeg
Bukod sa mga nabanggit, ang mga kalamnan sa iba’t-iba pang parte ng katawan ay maaaring sumakit kapag nakaranas ng sobrang tensyon.
Kusang gumagaling ang pangkaraniwang muscle pain lalo na kung binigyan ang apektadong kalamnan ng sapat na pahinga. Gayunpaman, may mga gamot at lunas upang agad na mapawi ang sakit:
- Pag-inom ng pain reliever tulad ng mefenamic acid at ibuprofen
- Paggamit ng muscle relaxant
- Pagpahid ng topical pain reliever
- Paglagay ng pain-relieving patch
- Paglagay ng hot o cold compress sa mga apektadong parte
Para sa mas malubhang uri ng muscle pain, magpatingin sa doktor kapag naramdaman ang mga sumusunod:
- Hindi malaman ang sanhi ng pananakit ng katawan
- Hindi nawawala ang sakit kahit pagkatapos itong gamutin
- Pagkakaroon ng kakaibang komplikasyon gaya ng pamamantal at sobrang pamamaga
- Sumasakit lalo ang kalamnan pagkatapos uminom ng gamot
Kung ang muscle pain ay dahil sa isang karamdaman, tanungin ang doktor kung anong klaseng pain reliever ang maaaring inumin kasabay ng gamot para sa inyong sakit.
Upang maiwasan ang pananakit ng katawan, ugaliing mag-stretching bago gumawa ng nakapapagod na aktibidad tulad ng sports at pagbubuhat ng mabigat. Binabanat ng stretching ang mga kalamnan upang madagdagan ang kakayahan nitong tumanggap ng tensyon. Huwag kalilimutang mag-warm up kung ikaw ay mag-e-ehersisyo.
Pagkatapos mag-ehersisyo, gumawa ng cool-down exercises para ma-relax ang mga muscle at hindi ito sumakit. Uminom ng tubig tuwing at pagkatapos mag-ehersisyo para mabigyan ang mga muscle ng sapat na hydration.
Magpatingin sa inyong doktor kung patuloy ang inyong muscle pain upang mabigyan kayo ng tamang lunas.