Huwag mahihiyang
magtanong

May tanong tungkol sa sakit at sintomas

 

KIDNEY DISORDER : Sakit sa Bato

VIEW MEDICINES

Ano ang kidney disease?

Ang kidney o bato ang nagsasala sa iba’t-ibang bagay na dumadaloy sa loob ng katawan tulad ng dugo, pagkain at tubig. Dahil dito, ang katawan ay nalilinisan at natatanggalan ng mga dumi o toxin. Kung hindi nagagampanan ng bato nang maayos ang tungkulin nito, ang tawag dito ay sakit sa bato o chronic kidney disease. Ang karamdamang ito ay maaaring magresulta sa pagbuo ng kidney stones at edema. Kapag hindi ito maagapan, tutuloy ito sa kidney failure, isang kondisyong nakamamatay.

Ang chronic kidney disease ay may limang yugto:

  • Stage I - Normal ang takbo ng bato ngunit ang ihi ay nagpapakita ng senyales ng sakit sa bato.

  • Stage II - Hindi pa gaanong naaantala ang takbo ng bato.

  • Stage III - Bahagyang tumitindi ang impeksyon sa bato.

  • Stage IV – Lubhang apektado na ang function ng bato.

  • Stage V – Halos hindi na gumagana ang bato at maaaring tumuloy sa kidney failure.

Maraming uri ang maaaring maging karamdaman ng bato ngunit kapag sinabing “sakit sa bato,” ang karaniwang ibig sabihin ay chronic kidney disease. Maraming komplikasyon ang sakit na ito dahil hindi nasasala nang maayos ang mga dumi sa loob ng katawan.

Anu-ano ang mga sintomas kidney disease?

Tandaan na maaaring walang maramdamang sintomas sa mga unang yugto ng sakit sa bato. Dahil dito, importante ang regular na pagpapatingin sa doktor upang maagapan ang sakit bago pa ito lumala. Kapag ang sakit ay nasa gitna o huling yugto na, ang mga ito ay maaring maramdaman:  

  • Manas sa paa at kamay

  • Mahirap na paghinga

  • Pagbaba ng timbang

  • Pamumulikat

  • Nag-iiba ang kulay ng ihi

  • Madalas na pag-ihi

  • Pangangati

  • Erectile dysfunction o hirap sa pagpapatayo ng ari sa mga lalaki

Bukod sa mga nasabing sintomas, mas mataas din ang tiyansang magkaroon ng edema at kidney stones dahil sa limitadong abilidad ng bato na maglinis ng katawan.

Anu-ano ang mga sanhi ng kidney disease?

Ibang sakit ang kadalasang pinanggagalingan ng sakit sa bato ngunit maaari rin itong makuha sa birth defect at genetics. Ito ang mga iba pang sanhi:

  • Diabetes

  • High blood

  • Lupus

  • Pag-inom ng steroids

  • Baradong renal artery

  • Polycystic kidney disease

  • Pyelonephritis

  • Glomerulonephritis

Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong kidney disease?

Dahil kasama ang dugo at ihi sa mga bagay na sinasala ng bato, ang mga katangian nito ang nagsisilbing gabay sa mga doktor kung ang pasyente ay may chronic kidney disease. Ito ang mga pagsusuring gagawin:

  • Dami ng creatinine sa dugo – lagpas 1.2 mg/dl sa kalalakihan at higit sa 1.1 mg/dl para sa kababaihan

  • Dami ng urea sa ihi

  • Glomerular Filtration Rate (GFR)

  • Presyon ng dugo – lampas 130/80 ang BP

  • Dami ng albumin at iba pang protina sa ihi

  • Ultrasound o CT scan upang makita ang hugis ng bato

Paano ginagamot ang kidney disease?

Ang sakit sa bato ay maaaring nagreresulta mula sa altapresyon. Madalas magkasama ang dalawang sakit na ito, gayon din ang mga gamot sa parehong karamdaman.

Ito ang mga gamot para sa altapresyon at sakit sa bato na kailangan ng reseta mula sa doktor:

  • Captopril

  • Enalapril

  • Fosinopril

  • Lisinopril

  • Ramipril

  • Azilsartan

  • Eprostan

  • Irbesartan

  • Losartan

  • Olmesartan

  • Valsartan

Kung ang sakit ay malubha na, kakailanganin ang dialysis na magsisilbing artipisyal na kidney o kidney transplant.

Ito ang mga dialysis para sa late stage kidney disease:

  • Hermodialysis

  • Peritonal dialysis

Bukod sa mga nasabing gamot at dialysis, kailangan din ang pagbabago sa pamumuhay. Malaki ang maitutulong ng pag-iwas sa matataba at maaalat na pagkain at ang pagkonsumo ng gulay at prutas araw-araw sa kakayahan ng gamot magpagaling.


Ang regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong din dahil nailalabas ng katawan ang mga dumi o toxins sa ating pagpapawis.

Paano maiiwasan ang kidney disease?

Ang pamumuhay nang masigla at pagkonsumo sa masusustansyang pagkain ang iyong sandata upang makaiwas sa sakit sa bato. Kahit na ikaw ay mayroong sakit sa bato, makatutulong pa rin ang mga sumusunod:

  • Panatilihing mababa sa 130/80 ang presyon ng dugo.

  • Bawasan ang pagkonsumo ng maaalat at matabang pagkain.

  • Panatilihing katamtaman ang timbang.

  • Panatilihing mababa ang blood sugar.

  • Umiwas sa bad cholesterol at damihan ang kain sa pagkaing may good cholesterol.

  • Tigilan o iwasan ang paninigarilyo.

  • Bawasan o ihinto ang pag-inom ng alak.

  • Ugaliin ang pag-eehersisyo araw-araw.


Kung kayo ay nakararanas ng sintomas ng kidney disease, kumonsulta sa inyong doktor upang malaman ang tamang lunas sa inyong pakiramdam.

Panoorin ang aming mga videos para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kalusugan.