HEADACHE: Pangkaraniwang Sakit sa Ulo
VIEW MEDICINESAno ang headache?
Ang sakit sa ulo o headache ay ang isa sa pinaka-karaniwang sakit sa buong mundo. Halos 50% ng tao ay nakaranas na ng headache sa kanilang buhay, ayon sa Department of Health (DOH). Dahil marami itong uri katulad ng migraine, sinus headache, at tension o band headache, kadalasan sa mga taong nakakaranas ng pagkahilo (dizziness) ay makakaranas din ng sakit sa ulo. Lahat ay maaaring maapektuhan nito – mula sa mga bata hanggang sa nakakatanda.
Anu-ano ang mga sintomas ng headache?
Ang isang tao na may headache ay makakaranas ng iba’t ibang pananakit sa ulo--maaaring sa isang bahagi lamang ng ulo o ang buong ulo mismo. Gayunpaman, bukod sa pananakit, may iba pang karaniwang sintomas ang headache.
Mga karaniwang sintomas ng headache:
· Problema sa pagtulog
· Kawalan ng gana sa pagkain (loss of appetite)
· Pagsakit ng ulo pagkagising
· Pagkahapo (fatigue)
· Pagkamayamutin (irritability)
· Pananakit ng katawan
· Pangkahilo
· Pagsusuka (vomiting)
· Pagiging sensitibo sa ingay (sensitivity to noise)
Anu-ano ang sanhi ng headache?
Ang mga sintomas ng headache ay ang makatutulong sa doktor sa pagtukoy ng sanhi nito. Kadalasan, dahil ito sa biglaang mga pagbabago ng mga activities at chemical reactions sa iyong ulo.
Mga pangunahing sanhi ng headache:
· Pagkauhaw
· Pagkagutom
· Nerbiyos
· Sipon at lagnat
· Matagal na exposure sa computer
· Stress dahil sa mabigat na trabaho
· Sakit sa puson (menstrual pains)
· Maiinit na panahon o klima
· Kakulangan o labis na tulog
Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman na ikaw ay may headache?
Dahil hindi kadalasang malala o mabilis lang mawala ang mga epekto nito, karamihan ng mga tao na may headache ay hindi na nagpapakonsulta sa doktor. Kapag nakakaranas sila ng sakit sa ulo, agad-agad na silang umiinom ng mga pain medication, at kadalasan, pinapalipas lang nila ito ng ilang oras para mawala ang sakit.
Gayunpaman, may mga pagkakataon na nahihirapan ang doktor sa pagtuklas ng sanhi ng headache. Kapag lumala ang kondisyon at walang bunga ang paginom ng gamot at iba’t ibang pain relievers, indikasyon ito ng isa pang malalang karamdaman. Sa ganitong klaseng sitwasyon, pinapayuhan ng doktor ang pasyente na sumailalim sa mga iba’t ibang neuro-imaging tests gaya ng Magnetic Resonance Imaging (MRI) at Cranial Tomography (CT) scan.
Paano magagamot ang headache?
Kadalasan, madali lang magamot ang headache – migraine, sinus headache, at tension o band headache man ito. Kapag natuklasan at nagamot na ang sanhi, mararamdaman ang pagbuti ng pakiramdam pagkalipas lamang ng ilang minuto. Subalit, may mga taong tumatagal ang sakit ng ulo nang ilang araw or linggo bago ito tuluyang mawala.
Mga paraan upang magamot ang headache:
· Uminom ng isang baso ng tubig
· Uminom ng mga gamot para sa pain relief kagaya ng paracetamol, aspirin, at ibuprofen
· Umidlip ng ilang minuto
Paano maiiwasan ang headache?
Kadalasan, ang pinakapraktikal na solusyon sa pagkakaroon ng headache ay ang pag-iwas sa mga bagay na nakakadulot ng stress. Karaniwan itong karamdaman dahil ang stress ay sadyang mahirap iwasan. Sa kabila nito, mainam na magkaroon ng mga iba’t-ibang stress management technique upang maiwasan ang pagkakaroon nito. Kapag napabayaan ang sakit, may posibilidad na lumala ito at maging sanhi pa ng mas seryosong karamdaman.
Mahalaga na mayroon kang schedule ng mga gawain upang mapangasiwaan mo ang iyong oras ng maayos. Halimbawa, sa loob ng isang linggo, huwag hayaan na halos lahat ng iyong oras ay napupunta lamang sa pagtatrabaho. Ilista ang mga lahat ng mga responsibilidad at gawain at ugaliing maglaan ng oras sa pagpapahinga.
Mga paraan upang maiiwasan ang headache:
· Maglaan ng oras sa pagpapahinga
· Iwasan ang mga maiinit na lugar
· Iwasan ang pagkauhaw (dehydration)
· Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak
· Iwasan ang paninigarilyo
· Siguraduhing wasto at balanse ang pagkain
· Siguraduhing may sapat na oras sa pagtulog
· Mag-ehersisyo
· Iwasan ang sobrang oras sa harap ng telebisyon o kompyuter
· Magpamasahe
Kung magpapatuloy ang inyong headache, kumonsulta sa inyong doktor upang mabigyan kayo ng tamang lunas.