Ito ay kondisyon kung saan ang apektadong balat sa katawan ay nakararanas ng pamumula, pamamantal at pangangati.
Kilala din sa tawag na “atopic dermatitis”, ang eczema ay hindi nakakahawa kaya hindi ito maaaring makuha o maipasa sa ibang tao.
Bagama’t madalas ito sa mga bata, ang eczema ay maaaring maranasan sa anumang edad.
Iba iba ang hitsura ng eczema ng bawat tao. Halimbawa, ang hitsura ng rashes mo ay hindi magiging kamukha ng sa iba. Gayun pa man, mayroon pa ring mga karaniwang makikita o mararanasan kapag may eczema, gaya ng:
- pamamantal
- pamumula
- pangangati
- nagiging magaspang ang balat
- nangangapal ang balat
- nagiging sensitibo ang balat
Madalas lumitaw ang kondisyong ito sa leeg, siko, kamay, tuhod, bukung-bukong, paa at maging sa paligid ng mata. Kapag may eczema ang isang tao, maaaring din siyang magkaroon ng asthma o hika, at allergic rhinitis o ang walang tigil na pagbahing na dulot ng mga bagay sa paligid tulad ng amag, alikabok, usok, o balahibo ng hayop.
May ilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng eczema ang isang tao:
- Kapag ang immune system ay nagkakaroon ng matinding reaksyon sa mga bagay sa paligid gaya ng tuyong hangin, alikabok, usok sigarilyo at polusyon
- Kung ang iyong mga magulang ay nagkaroon na ng eczema, allergies, hika o allergic rhinitis
- Kapag may problema sa balat: mabilis itong matuyo at madaling nakakapasok ang mga germs
Maaari namang lumala ang eczema sa mga sumusunod na pagkakataon:
- Kapag kinakamot ang apektadong balat
- Kapag naii-stress
- Kapag sobrang naiinitan o nalalamigan
- Kapag pinagpapawisan
- Kapag nagsusuot ng damit na magaspang sa balat
- Kapag na-expose sa balahibo ng hayop
- Kapag na-expose sa matatapang na sabon at kemikal
Upang makatiyak kung tayo ay may eczema o wala, magpatingin sa doktor o espesyalista sa balat. Susuriin niya ang hitsura ng iyong balat at pagkatapos, maaari niyang irekomenda ang mga sumusunod:
- test para sa mga allergy
- test sa dugo
- bayopsi sa balat
Walang gamot para tuluyang mawala ang eczema. May mga tao na nalalampasan ang kondisyong ito at mayroon naman na panghabang-buhay nila itong dala-dala. Gayunpaman, heto ang mga maaaring irekomenda ng iyong doktor para maibsan ang mga sintomas ng eczema:
- moisturizers para hindi matuyo ang balat
- creams at ointments para ma-control ang pangangati
- antibiotics panlaban sa impeksyon sa balat
- wet dressings
- light therapy
- tips sa pagre-relax