Ang diabetes mellitus ay isang karamdaman kung saan ang katawan ay hindi makalikha ng sapat na insulin o kaya ay hindi makaresponde nang maayos dito. Ang insulin ay ang hormone na naglilipat ng asukal mula sa dugo papunta sa iba’t-ibang cells upang gawing enerhiya ng katawan. Ang sintomas ng diabetes ay hindi madaling mahalata dahil kadalasan ang mga ito ay napagkakamalang pangkaraniwang kondisyon.
May tatlong uri ng diabetes:
Type I Diabetes: Ang pancreas o ang organ ng katawan na gumagawa ng insulin ay sira o kulang. Dahil dito, hindi natatanggap ng katawan ang sapat na dami ng insulin na maaaring magdulot ng malulubhang komplikasyon gaya ng sakit sa puso at bato. Mas karaniwan ito sa mga nakababata, edad 20 pababa, ngunit maaari rin itong makuha ng mga nakatatanda.
Type II Diabetes: May kakayahan ang katawan na gumawa ng insulin ngunit ang dami ay hindi sapat o kaya naman ay hindi ito kayang gamitin ng katawan nang maayos (insulin resistance). Maaaring magkaroon ng malubhang komplikasyon ang Type II kung hindi ito maagapan. Karaniwan ang sakit sa mga nakatatanda, edad 40 pataas, ngunit maaari rin itong makuha ng mga nakababata.
Gestational Diabetes. Ang mga buntis na walang diabetes noon ngunit may mataas na blood sugar habang nagdadalang-tao ay tinatayang may gestational diabetes. Tumataas ang insulin resistance habang buntis ang pasyente. Dahil dito, hindi nakukuha ng katawan ang sapat na sustansya na kailangan para sa panganganak.
Inaalam pa ang mga mismong sanhi ng diabetes ngunit maaaring konektado ang sakit sa family history at uri ng pamumuhay. Ang pagkakaroon ng type II diabetes ay kadalasang naiuugnay sa pagiging overweight ngunit hindi lahat ng may karamdamang ito ay labis ang timbang. Sa gestational diabetes naman, ang placenta ng nanay ay gumagawa ng hormone na kailangan sa panganganak. Ang hormone na ito ay bahagyang nagpapawalang bisa sa epekto ng insulin sa cells.
May iba’t-ibang sintomas ng diabetes na maaaring maranasan kapag ikaw ay apektado ng karamdaman na ito. Karamihan sa mga ito ay madalas inaakalang normal lang kaya ugaliing magpa-check-up sa inyong doktor
· Madalas na pag-ihi
· Maya’t-mayang pagkauhaw
· Maya’t-mayang pagkagutom at pagkain nang marami
· Panghihina at pagkatamlay
· Biglang paglabo ng mga mata
· Hindi maipaliwanag na pagbawas ng timbang
· Hindi pangkaraniwang tagal ng paghilom ng mga sugat
Dahil ang kondisyong ito ay naka-sentro sa insulin, ang ginagawang batayan ng mga doktor ay ang blood sugar level. Tipikal ang pag-akyat ng blood sugar level pagkatapos kumain kaya mainam na huwag munang kumain 12 na oras bago kuhanan ng blood sample.
Ang nakuhang dugo ay dadaan sa masusing pagsusuri at kung ang sukat ng blood sugar ay humigit sa 7 mmol/l, maaaring ito ay senyales ng diabetes. Kung ang resulta ay bahagyang mas mababa dito, wala kang diabetes ngunit kailangan mong magkaroon ng healthier lifestyle.
Ang diabetes ay isang chronic disease ngunit puwede ka pa ring mamuhay nang normal sa tulong ng gamot at healthy lifestyle. Ugaliing sundin ang payo ng doktor sa pag-inom ng gamot.
-
Insulin – Iba’t ibang uri ng insulin ang maaaring ireseta ng iyong doctor depende sa iyong kondisyon. May mga insulin na rapid-acting, short-acting, long-acting, intermediate-acting, at ang pre-mixed.
-
Metformin – Metformin ang karaniwang ibinibigay ng doktor para sa mga bagong kaso ng diabetes. Ang dami nito ay ayon sa iyong blood sugar level.
-
Tamang pagkain – Umiwas sa mga pagkaing matataas ang sugar content at ang matatabang karne. Kumain ng whole wheat bread, sugar-free bread, brown rice at maraming prutas.
Ehersisyo – Nakabababa ng blood sugar level ang pag-e-ehersisyo.Maglaan ng 30 minutes hanggang isang oras araw-araw para sa mga aktibidad gaya ng pagtakbo, jogging, pagsayaw at aerobic exercises.
Ugaliing kumain ng masusustansyang pagkain at umiwas sa mga pagkaing matatamis at may maraming taba. Magkaroon ng active lifestyle na may sapat na ehersisyo upang mailabas ng katawan ang asukal kasama ng pawis at hindi maipon sa iyong dugo. Ang pagbabawas ng timbang ay makatutulong hindi lang sa pag-iwas sa diabetes kung hindi pati na rin sa pagkakaroon ng magandang kalusugan.
Kung kayo ay may diabetes, mahalaga na magpasuri sa inyong doktor upang mabigyan ng tamang lunas ang inyong sakit.