Ang amoebiasis o entamoebiasis ay isang uri ng impeksyon na nakakaapekto sa bituka o intestinal tract. Ito ay dala ng amoeba o isang uri ng mikrobyo sa ilalim ng grupong entamoeba na maaaring magdulot ng iba’t-ibang sintomas gaya ng dyspepsia at diarrhea o loose bowel movement (LBM). Ang pangkaraniwang impeksyon ng malulubhang sintomas ng amoebiasis ay dulot ng Entamoeba histolytica. Ito ay laganap sa buong mundo at maaaring magdulot ng kamatayan kapag lumala at hindi naagapan. Nasa 40,000-110,000 ang namamatay bawat taon dahil sa amoebiasis na dulot ng Entamoeba histolytica.
Sakit At Sintomas
AMOEBIASIS: Amoebiasis: Impeksyon sa Bituka
VIEW MEDICINESAno ang amoebiasis?
Anu-ano ang mga sintomas ng amoebiasis?
Dahil ang amoebiasis ay dulot ng impeksyon sa bituka, karamihan sa mga sintomas nito ay nararamdaman sa intestinal tract ng pasyente. Bagama’t laganap ang amoebiasis, ang pangkaraniwang kaso nito ay asymptomatic o hindi nagdudulot ng kung anumang sintomas.
Gayunman, huwag kalimutan na ito rin ay posibleng magdulot ng malubhang karamdaman o kamatayan lalo na kapag lumubha ang impeksyon. Ang mga sumusunod na sintomas ay maaaring palatandaan na kailangang bigyan ng pansin ang iyong kondisyon:
- Dyspepia – Pananakit ng tiyan (stomach ache), masamang pakiramdam pagkatapos kumain, pagkahilo, heartburn, paglaki ng tiyan at iba pang sintomas sa tiyan
- Diarrhea o LBM – Pagtatae o paglalabas ng duming hindi buo
- Amoebic dysentery – Pagtatae na may kasamang dugo, pananakit ng tiyan at lagnat
Wastong pag-iingat ang kailangan sa mga taong nakararanas ng sintomas ng amoebiasis. Kadalasan mang hindi malubha, maaari naman itong magdulot ng dehydration o ang kakulangan ng tubig sa katawan. Ito ay maaaring magdulot ng panghihina, pagkahilo, panunuyo ng bibig, palpitations o pagkahimatay.
Anu-ano ang mga sanhi ng amoebiasis?
Kahit sino, bata man o matanda, ay maaaring magkaroon ng amoebiasis. Mas karaniwan ito sa mga lugar na may maduming kapaligiran tulad ng Pilipinas at iba pang mga developing countries. Sa Estados Unidos, karamihan sa mga kaso ng amoebiasis ay sa mga dayuhang nanggaling sa ganitong mga developing countries.
Kadalasan, nagkakaroon ng amoebiasis ang isang taong nakakain o nakalunok ng kahit anong bagay na dumikit sa dumi ng taong may Entamoeba histolytica. Maaari rin itong makuha mula sa mga pagkain o tubig na may Entamoeba histolytica.
Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ang mayroong amoebiasis?
Kung ikaw ay nakararanas ng mga sintomas ng amoebiasis tulad ng dyspepsia o LBM, magpatingin sa isang eksperto lalo na kapag hindi gumagaling ang mga sintomas. Malalaman na mayroon kang amoebiasis kung may makikitang Entamoeba histolytica sa iyong dumi kaya’t kailangang magbigay ka ng stool samples. Kinakailangan ang blood test kapag hinihinala ng doktor na naapektuhan na ang intestinal walls o atay ng pasyente.
Sa ibang kaso, maaaring kailangan ng maraming stool samples upang makasigurado. Ito ay dahil maraming uri ng mikrobyo ang kahawig ng Entamoeba histolytica sa ilalim ng microscope. Kung ang pasyente ay hindi nakararanas ng sintomas, marahil siya ay mayroon lamang ng Entamoeba dispar, isang uri ng mikrobyo na hindi nakasasama at mas karaniwan pa sa Entamoeba histolytica.
Paano ginagamot ang amoebiasis?
Ang lunas sa amoebiasis ay ang pag-inom ng antibiotics. Ito ay iniinom upang mapuksa ang Entamoeba histolytica sa katawan. Kung nakararanas ng diarrhea, maaari ring painumin ng oral rehydration solution o ORESOL ang pasyente upang maiwasan ang dehydration.
Karaniwan ding pinapayuhan ang pasyente na uminom ng pinakuluang tubig at iwasan ang tubig na nanggaling sa kahina-hinalang pinagkukunan upang maiwasan ang paglubha ng impeksyon
Paano maiiwasan ang amoebiasis?
Wastong pag-iingat, kalinisan sa paligid at pagiging mausisa sa kinakain o iniinom ang mga dapat tandaan upang maiwasan ang amoebiasis. Hangga’t maaari, kumain lamang ng lutong bahay at uminom lamang ng distilled o purified water. Ugaliin ding hugasan nang husto ang mga gulay at prutas bago kainin o lutuin. Kasama rin sa pag-iingat ang pag-iwas sa paggamit ng yelo, pag-inom sa drinking fountain at pag-kain ng street food o pagkain na nakikita sa mga lansangan gaya ng isaw, dugo at iba pa.