Huwag mahihiyang
magtanong

May tanong tungkol sa sakit at sintomas

 

ALLERGIES: Panghihina ng Immune System

VIEW MEDICINES

Ano ang allergies?

Kontra sa paniniwala ng karamihan, ang allergy ay dulot ng reaksyon ng immune system ng tao sa mga panglabas na elemento o allergens gaya ng pollen, alikabok, pagkain, balahibo ng hayop at gamot. Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng negatibong reaksyon sa katawan ng mga sensitibong tao. Ang iba sa pangkaraniwang halimbawa ay skin allergy, food allergy, drug allergy at anaphylaxis na dulot ng kamandag ng iba’t-ibang insekto o antigen.

Anu-ano ang mga sintomas ng allergies?

Ang bawat kaso ng allergies ay may iba’t-ibang sintomas depende sa tao. Karamihan sa mga ito ay hindi nakamamatay ngunit ito ay nakaiistorbo sa araw-araw na pamumuhay. Ang mga sintomas na ito ay depende rin sa allergen na nagdulot ng kondisyon at ang naapektuhang bahagi ng katawan.

Ang mga kadalasang sintomas ng allergy na dulot ng allergens sa hangin tulad ng pollen, balahibo ng hayop at alikabok ay ang mga sumusunod:

  • Rhinitis – Pagbahing, pagbara ng ilong, pangangati ng ilong o pagtulo ng sipon
  • Conjunctivitis – Pangangati, pagluluha o pamumula ng mga mata
  • Asthma – Hirap na paghinga, pag-ubo o pag-aagahas (wheezing)

Ang mga kadalasang sintomas ng allergy na dulot ng allergens sa pagkain o gamot ay ang mga sumusunod:

  • Swelling – Pamamaga ng iba’t-ibang bahagi ng katawan tulad ng labi, mata, mukha at dila
  • Urticaria o hives – Pamamantal, pangangati o pamumula ng balat
  • Pagtatae o diarrhea – Maaari ring kasabay ng iba pang sintomas gaya ng pagsusuka o pananakit ng sikmura

 Atopic eczema – Panunuyo, pamumula o pagbitak ng balat

Anu-ano ang mga sanhi ng allergies?

Ang mga sanhi ng allergies ay nakadepende sa indibidwal at kung saang allergen siya sensitibo. Hindi ang allergen mismo ang nagdudulot ng mga sintomas kundi ang immune system ng ating katawan. Ito ang dahilan kung bakit hindi lahat ng tao ay naaapektuhan ng allergens.

Kung ikaw ay sensitibo sa isang allergen, makararanas ka ng mga sintomas na nakakaapekto sa iyong balat, tiyan o sa isang bahagi ng iyong respiratory system. Mahigit isang libong allergens ang maaaring makaapekto sa mga sensitibong indibidwal.

Para sa karamihan, ang mga sanhi ng allergies tulad ng skin allergy, food allergy, anaphylaxis o drug allergy ay ang mga sumusunod:

Pagkain

  • Seafood
  • Mani
  • Gatas
  • Itlog

Airborne o matatagpuan sa hangin

  • Pollen
  • Dust mites o surot
  • Alikabok

Gamot

  • Antibiotics gaya ng Penicillin, Amoxicillin o Tetracycline
  • Aspirin
  • Insulin
  • Sulfonamide
  • Mga gamot na ginagamit sa chemotherapy

Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong allergies?

Nangangailangan ng isang doktor upang masuri ang isang allergy at ang mga sanhi nito. Karamihan sa mga allergy ay nasusuri mula pagkabata ngunit maaari rin itong magsimula sa kahit anong edad. Ito ang dahilan kung bakit importante pa rin ang pag-iingat lalo na kung makaranas ka ng mga sintomas ng allergies.

Pangkaraniwang isinasagawa ng doktor ang allergy testing gaya ng skin test at food test para malaman ang eksaktong allergy ng isang pasyente. Upang masuri nang maigi ang isang allergy, minsan ay kinakailangan ang blood test upang malaman ang mga tamang sanhi ng iyong allergy.

Paano ginagamot ang allergies?

Madaming posibleng gamot sa iba’t-ibang uri ng allergies. Karamihan dito ay over-the-counter at mabibili kahit walang reseta ng doktor. Kung ikaw ay nakararanas ng allergy, importanteng suriin ang mga sintomas upang makapili ng wastong gamot.

Ang kadalasang gamot sa allergies ay ang mga sumusunod:

  • Antihistamine
  • Decongestants
  • Steroid nasal sprays
  • Eye drops

Posibleng magdulot ng kamatayan ang ibang uri ng allergies lalo na kapag naaapektuhan nito ang paghinga o kapag nagdudulot ito ng dehydration. Para sa mga malalang sintomas ng allergy, maaaring magbigay ang doktor ng allergy shots.

Paano maiiwasan ang allergies?

Simple lamang ang dapat tandaan upang maiwasan ang lahat ng allergies. Ito ay ang kumpletong pag-iwas sa mga allergen kung saan sensitibo ang pasyente. Ito ang dahilan kung bakit importanteng ipasuri agad sa isang doktor ang iyong allergy.

Gayunman, minsan ay mahirap makita ang sanhi ng allergy lalo na sa talamak na polusyon sa mga siyudad. Wastong pag-iingat ang kailangan gaya ng pagdala ng face mask, disinfectants at mga over-the-counter na gamot tulad ng antihistamine.

 

Panoorin ang aming mga videos para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kalusugan.