Acne - Pagbabara ng pores sa balat
VIEW MEDICINESAno ang acne?
Ito ay kondisyon ng balat kung saan nagbabara ang pores sa katawan dahil sa sobrang langis o sebo. Ang pores ang mga maliliit na butas sa balat kung saan lumalabas ang ating pawis. Bagama’t madalas ang acne sa mga teenager, maaari itong maranasan sa anumang edad.
Anu-ano ang mga sintomas ng acne?
Kapag barado ang pores dahil sa sobrang langis o sebo, maaaring lumitaw ang mga sumusunod sa balat:
- mga itim na tuldok o “blackheads”
- mga puting butlig o “whiteheads”
- mamula-mulang butlig o “papules”
- papules na may nana o tigyawat
- malaki-laking butlig na may nana
- malaki-laki at masakit na butlig
Bagama’t madalas ang acne sa mukha, maaari din itong lumitaw sa dibdib, balikat, leeg, at maging sa itaas na bahagi ng likuran.
Ano ang iba’t ibang uri ng acne?
Acne Vulgaris - ang pinakakaraniwang klase ng acne kung saan makikita ang blackheads, whiteheads, at pimples sa mukha, dibdib, likod at balikat
Acne Conglobata - acne na may matinding pamumula at pamamaga sa leeg, dibdib, braso, at sa may puwitan.
Acne Mechanica - acne na dulot ng sobrang init at pagsusuot ng masisiskip at hindi komportableng damit
Rosacea - acne na may matinding pananakit at pagkahapdi sa balat. Maliban dito, ang kondisyong ito ay nagdudulot ng mga sumusunod:
- tuyo at magaspang na balat
- pamamaga ng ilong
- paglaki ng mga pores o lagusan ng pawis sa balat
- pinsala sa blood vessels ng mata
- pamamaga ng talukap ng mata
Anu-ano ang mga sanhi ng acne?
Maliban sa sobrang langis o sebo, nagdudulot din ng acne ang bacteria at ang pagbabara ng dead skin cells sa pores.
Heto naman ang mga maaaring magpalala ng acne:
- pagtitiris ng tigyawat
- stress
- polusyon
- mga piling tinapay o chichirya
- pagsusuot ng masisikip na damit, helmet o backpack
Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong acne?
Para komprehensibo ang diagnosis ng iyong kondisyon, mas mainam kung ikaw ay magpapatingin sa isang dermatologist.
Ang una niyang susuriin ay ang iyong balat. Sunod, tatanungin ka tungkol sa iyong kondisyon:
- Kailan nagsimula ang iyong acne?
- Sumubok ka ba ng gamot para dito? Anu-ano ang mga ito? Naging epektibo ba?
- Gumagaling ba o lumalala ang acne mo?
Maaari ka ding ipa-test sa laboratoryo upang malaman kung ano pa ang mga posibleng sanhi ng iyong acne.
Paano ginagamot ang acne?
Sundin lang ang mga instruction ng dermatologist para sa iyong agarang paggaling. Pagdating sa gamot, heto ang mga maaari niyang irekomenda:
- Salicylic acid - pantanggal ng bara sa pores
- Sulfur - pantanggal ng bara sa pores at pamatay ng bacteria
- Benzoyl peroxide - pamatay ng bacteria
- Topical retinol - depensa laban sa pimples
- Acetone - pantanggal ng sobrang langis o sebo sa balat
- Alcohol - pamatay ng bacteria
Hangga’t maaari, ipagpatuloy ang pagpapatingin sa dermatologist hanggang sa tuluyang mawala ang iyong acne.
Paano maiiwasan ang acne?
Ang pagiging malinis sa katawan ang pinakamaganda pa ring depensa laban sa acne. Kaya heto ang ilang hakbang para maprotektahan ang iyong sarili:
- Maligo pagkatapos magpapawis. Gumamit ng sabong banayad.
- Kung may oily hair ka, mag-shampoo.
- Iwasan ang mga produkto na matapang sa balat at may nilalamang alcohol
- Iwasan ang pagtitiris ng tigyawat
- Iwasan ang paghawak sa mukha
- Iwasan ang pagbibilad sa araw
- Palaging magpalit ng punda at latag sa kama
PAALALA: Para sa kaligtasan mo at ng mga mahal mo sa buhay, kumunsulta muna sa doktor bago bumili at gumamit ng anumang gamot.
References:
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/acne/understanding-acne-basics
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/acne/default.htm
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/acne/symptoms-causes/syc-20368047
https://www.aad.org/public/diseases/acne/skin-care/tips
https://www.healthline.com/health/beauty-skin-care/types-of-acne#TOC_TITLE_HDR_1
https://www.niams.nih.gov/health-topics/acne
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/acne/teen-acne-when-see-doctor
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/acne/ss/slideshow-acne-dictionary
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/understanding-rosacea-basics