Sakit At Sintomas

 

Eczema - pamamantal, pamumula at pangangati ng balat

VIEW MEDICINES

Ano ang eczema?

Ito ay kondisyon kung saan ang apektadong balat sa katawan ay nakararanas ng pamumula, pamamantal at pangangati.

Kilala din sa tawag na “atopic dermatitis”, ang eczema ay hindi nakakahawa kaya hindi ito maaaring makuha o maipasa sa ibang tao.

Bagama’t madalas ito sa mga bata, ang eczema ay maaaring maranasan sa anumang edad.

 

Anu-ano ang mga sintomas ng eczema?

Iba iba ang hitsura ng eczema ng bawat tao. Halimbawa, ang hitsura ng rashes mo ay hindi magiging kamukha ng sa iba. Gayun pa man, mayroon pa ring mga karaniwang makikita o mararanasan kapag may eczema, gaya ng:

  • pamamantal
  • pamumula
  • pangangati
  • nagiging magaspang ang balat
  • nangangapal ang balat
  • nagiging sensitibo ang balat

Madalas lumitaw ang kondisyong ito sa leeg, siko, kamay, tuhod, bukung-bukong, paa at maging sa paligid ng mata. Kapag may eczema ang isang tao, maaaring din siyang magkaroon ng asthma o hika, at allergic rhinitis o ang walang tigil na pagbahing na dulot ng mga bagay sa paligid tulad ng amag, alikabok, usok, o balahibo ng hayop.

 

Anu-ano ang mga sanhi ng eczema?

May ilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng eczema ang isang tao:

  • Kapag ang immune system ay nagkakaroon ng matinding reaksyon sa mga bagay sa paligid gaya ng tuyong hangin, alikabok, usok sigarilyo at polusyon
  • Kung ang iyong mga magulang ay nagkaroon na ng eczema, allergies, hika o allergic rhinitis
  • Kapag may problema sa balat: mabilis itong matuyo at madaling nakakapasok ang mga germs

 

Maaari namang lumala ang eczema sa mga sumusunod na pagkakataon:

  • Kapag kinakamot ang apektadong balat
  • Kapag naii-stress
  • Kapag sobrang naiinitan o nalalamigan
  • Kapag pinagpapawisan
  • Kapag nagsusuot ng damit na magaspang sa balat
  • Kapag na-expose sa balahibo ng hayop
  • Kapag na-expose sa matatapang na sabon at kemikal

 

Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong eczema?

Upang makatiyak kung tayo ay may eczema o wala, magpatingin sa doktor o espesyalista sa balat. Susuriin niya ang hitsura ng iyong balat at pagkatapos, maaari niyang irekomenda ang mga sumusunod:

  • test para sa mga allergy
  • test sa dugo
  • bayopsi sa balat

 

Paano ginagamot ang eczema?

Walang gamot para tuluyang mawala ang eczema. May mga tao na nalalampasan ang kondisyong ito at mayroon naman na panghabang-buhay nila itong dala-dala. Gayunpaman, heto ang mga maaaring irekomenda ng iyong doktor para maibsan ang mga sintomas ng eczema:

  • moisturizers para hindi matuyo ang balat
  • creams at ointments para ma-control ang pangangati
  • antibiotics panlaban sa impeksyon sa balat
  • wet dressings
  • light therapy
  • tips sa pagre-relax

 

Paano maiiwasan ang eczema?

Para maiwasan o hindi lumala ang eczema, gawin ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang pagkamot
  • Lagyan ng bendahe ang balat para hindi ito makamot
  • Huwag masyadong magbilad sa araw. Iwasan ang sobrang malalamig na lugar.
  • Gumamit ng moisturizer sa balat
  • Gumamit ng banayad na sabong panligo
  • Magsuot ng komportableng damit para hindi basta basta pawisan
  • Iwasan ang pagsuot ng mga damit na magaspang sa balat
  • Iwasan ang mga pagkain na nagdudulot ng pamumula, pamamantal at pangangati ng iyong balat
  • Hangga’t maaari, maglaan ng oras araw-araw para makapag-relax

 

PAALALA: Para sa kaligtasan mo at ng mga mahal mo sa buhay, kumunsulta muna sa doktor bago bumili at gumamit ng anumang gamot.

References:

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/atopic-dermatitis-eczema/symptoms-causes/syc-20353273

https://www.healthline.com/health/types-of-eczema

https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/guide/atopic-dermatitis-eczema

https://nationaleczema.org/eczema/

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/9998-eczema

https://www.aad.org/public/diseases/eczema