Signs and Symptoms of HIV
May 6, 2022
Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isang virus na inaatake ang immune system ng katawan. Kapag hindi naagapan, maaari itong lumala patungo sa Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS). Mahalagang magkaroon ng kaalaman tungkol sa HIV upang manatiling ligtas ang bawat isa at mapigilan ang pagkalat ng HIV sa komunidad.
Ano ang HIV?
Ang human immunodeficiency virus ay isang klase ng organismo na tinatarget ang resistensya ng tao. Ayon sa mga pag-aaral, nagsimula ang HIV infection sa isang bersyon ng virus na mula sa chimpanzee sa Central Africa. Tinagurian itong simian immunodeficiency virus o SIV. Maaaring naipasa ang virus noong nanghuhuli ang mga tao ng chimpanzee upang gawing pagkain. Ang contact sa dugong may virus ang isang dahilan kung paano ito nakakahawa. Sa loob ng ilang dekada, dahan dahang kumalat ang virus sa Africa patungo sa iba’t ibang parte ng mundo.
Wala pang epektibong gamot laban dito. Kapag nagkaroon ng HIV ang isang tao, habang buhay na siyang may HIV. Sa pamamagitan ng tamang gamutan, maaaring makontrol ang sintomas at komplikasyon ng HIV. Ang mga taong may HIV na may access sa gamot ay maaaring magkaroon ng malusog at mahabang pamumuhay, habang pinoprotektahan ang kanilang mga partner.
Paano malalaman kung ang isang tao ay may HIV? Ano ang mga sintomas nito?
Ang tiyak na paraan upang malaman kung ang isang tao ay may HIV ay ang pagdaan sa testing ng dugo. Bukod sa blood test, mayroon ding mga sintomas ang HIV depende sa stage nito.
Maaaring makaranas ng sintomas na tulad ng trangkaso sa loob ng 2-4 na linggo matapos ang pagkahawa (tinatawag na acute HIV infection). Ang sintomas na ito ay maaaring tumagal ng ilang araw o linggo. Kabilang dito ang mga sumusunod:
-Lagnat
-Panginginig
-Rashes
-Pagpapawis sa gabi
-Pagsakit ng katawan
-Pagsakit ng lalamunan
-Pagkapagod
-Namamagang kulani
-Singaw sa bibig
Ang mga sintomas na ito ay hindi lamang makikita sa HIV, kundi sa iba pang napakaraming mga sakit. Makipag-ugnayan sa doktor kung nakakaranas ng mga sintomas na ito at kung nagkaroon ng exposure sa HIV.
Ano ang stages ng HIV?
Kapag ang taong may HIV ay hindi nagamot, karaniwang dumadaan ang sakit sa tatlong stage. Dahil sa pagkakaroon ng gamot laban sa HIV, hindi na madalas ang paglala hanggang stage 3 ng HIV.
- Stage 1: Acute HIV infection
Ito ang pinakamaagang stage ng impeksyon. Madaling makahawa ang taong may HIV sa stage na ito dahil sa dami ng virus na nasa kanilang dugo. Dito maaaring makaranas ng sintomas na parang trangkaso dahil sa natural na reaksyon ng katawan laban sa impeksyon. Maaari rin naman na walang maramdaman na sintomas sa stage na ito.
- Stage 2: Chronic HIV Infection
Sa stage na ito, aktibo pa rin ang virus ngunit ang pagdami ay napakabagal. Maaaring walang maranasang sintomas ang taong may HIV. Kung walang iniinom na gamot, maaaring tumagal ang chronic HIV infection ng ilang dekada o mas matagal pa, ngunit may ilan din na agad lumalala hanggang stage 3. Ang mga taong umiinom ng gamot ay maaaring hindi na lumalala pa patungong stage 3.
Maaari pa ring makahawa sa stage na ito. Habang lumalala ang sakit, dumadami ang virus sa dugo at patuloy na humihina ang resistensya. Sa puntong ito, maaari nang makaranas ng sintomas ang taong may HIV.
- Stage 3: Acquired Immunodeficiency Syndrome
Ito ang pinakamabagsik na stage ng HIV infection. Ang mga taong may AIDS ay may malubhang pinsala sa immune system kung kaya mas madali silang mahawaan ng iba’t ibang sakit na tinatawag na opportunistic infections. Sobrang dami ng virus sa dugo ng taong may AIDS kaya madali silang makahawa. Kung walang iniinom na gamot, ang mga taong may AIDS ay nabubuhay lamang ng humigit-kumulang tatlong taon.
Sino ang dapat magpatest para sa HIV?
Ayon sa rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), lahat ng mga edad 13 hanggang 64 ay dapat magpatest para sa HIV kahit isang beses.
Ang mga taong high risk ay dapat mas madalas nagpapatest. Kung ang isang tao ay HIV-negative nung huling eksaminasyon, higit isang taon na ang blood test, at makakasagot ng “oo” sa kahit isa sa mga sumusunod na tanong, agad agad na magpakuha ng HIV testing:
-Ikaw ba ay isang lalaki na nakikipagtalik sa isa pang lalaki?
-Nakipagtalik ka ba – anal o vaginal – sa isang partner na may HIV?
-Nagkaroon ka ba ng higit sa isang sexual partner simula noong huli mong HIV test?
-Gumamit ka ba ng itinuturok na droga o nanghiram sa iba ng hiringgilya o iba pang panturok ng droga?
-Nakipagtalik ka ba kapalit ng pera o droga?
-Nagkaroon ka ba o ginamot para sa ibang sexually transmitted infection?
-Nagkaroon ka na o ginamot para sa hepatitis o tuberculosis?
-Nakipagtalik ka ba sa taong makakasagot ng “oo” sa kahit isa sa mga tanong sa taas o sa taong may sexual history na hindi malinaw?
Taun-taon dapat ang testing ng taong nakasagot ng “oo” sa mga tanong na ito. Ang mga sexually active na gay at bisexual na mga lalaki ay maaaring magpatest ng mas madalas (halimbawa, kada-tatlo hanggang anim na buwan).
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng HIV?
Kadalasang nagkakahawaan ng HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik o paghihiraman ng hiringgilya (syringe) o ibang gamit na pangturok ng droga. Dahil alam natin na kaugnay ito ang pakikipagtalik o paggamit ng droga, maaaring gumamit ng mga stratehiya upang mabawasan ang tyansa ng pagkalat ng HIV. Ilan sa mga ito ang abstinence (hindi pakikipagtalik), hindi pagpapahiram ng hiringgilya, at tamang paggamit ng condom tuwing nakikipagtalik. Mayroon ring mga gamot na maaaring ibigay kung may high risk na magkaroon ng HIV. Ang mga gamot na ito ay tinatawag na pre- at post-exposure prophylaxis. Agad na makipag-ugnayan sa isang healthcare provider kung may high risk exposure o kung nakakaranas ng sintomas ng HIV.
https://www.shutterstock.com/image-photo/international-aids-candlelight-memorial-on-may-629628716
AIDS Candlelight Memorial
Ang International AIDS Candlelight Memorial ay ipinagdiriwang tuwing ika-tatlong Linggo ng Mayo kada-taon. Ang araw na ito ay isang pagkakataon upang alalahanin ang mga taong pumanaw dahil sa AIDS, at ipagdiwang ang mga taong nag-alay ng kanilang buhay upang tulungan ang mga taong naapektuhan ng HIV. Nagsimula ang selebrasyon nito noong 1983 at mula noon, libu-libong pagdiriwang na ang idinaos sa buong mundo. Ang mga okasyong ito ay nakakatulong upang maipalaganap ang kaalaman tungkol sa HIV/AIDS at upang maalis ang stigma sa mga komunidad.
References:
https://www.cdc.gov/hiv/basics/whatishiv.html
https://gnpplus.net/project/international-aids-candlelight-memorial/