Saan Ako Allergic at Paano Malalaman? | RiteMED

Saan Ako Allergic at Paano Malalaman?

July 22, 2022

Saan Ako Allergic at Paano Malalaman?

Ang allergy ay isang reaksyon ng katawan sa iba’t ibang allergens gaya ng alikabok, damo, pati mga particular na pagkain at sangkap.
 

Napakaraming tao ang nakakaranas ng allergy, at pinakakaraniwang nakikita ito sa mga bata. Habang tumatanda, maaaring kusang mawala ang allergy, ngunit marami ay panghabambuhay. Mayroon ding mga matatanda na nagkakaroon ng allergy sa mga bagay na hindi naman sila allergic noon.
 

Ang pagkakaroon ng allergy ay maaaring makaistorbo sa mga pang-araw-araw na aktibidad, ngunit, sa kabutihang-palad, karamihan sa mga allergic reaction ay banayad lamang at kayang i-kontrol. May mga malalang reaksyon din, ngunit ito ay hindi pangkaraniwang nakikita.
 

Mga Karaniwang Sanhi ng Allergy

Ang mga bagay na sanhi ng allergic reaction ay tinatawag na allergens. Ang mga pinakamadalas na nagdudulot ng allergic reaction ay ang mga sumusunod:

-Damo at pollen

-Alikabok

-Animal dander o balakubak mula sa balat o buhok ng hayop

-Pagkain - partikular na ang mani, prutas, isda, itlog at gatas ng kalabaw

-Kagat o tusok ng insekto

-Gamot - kabilang ang ibuprofen, aspirin at ilang antibiotic

-Latex - ang materyal na ginagamit para gumawa ng gloves at condom

-Amag - maaaring magkalat ito ng maliliit na mga butil sa hangin na maaaring malanghap

-Kemikal sa bahay - kabilang na ang mga nasa detergent at pangkulay ng buhok

Madami sa mga allergen na ito ay hindi mapanganib sa mga taong hindi naman allergic dito.
 

Sintomas ng Allergic Reaction

Ang sintomas ng allergic reaction ay agad agad na lumalabas ilang minuto matapos ang exposure sa allergen. Ilan sa mga sintomas ng allergic reaction sa mga nalalanghap na allergen tulad ng alikabok, pollen o animal dander ay ang sumusunod:

-Pagbahing

-Tumutulong sipon o baradong ilong

-Mapula, makati o nagtutubig na mga mata

-Mapula at makati na balat

-Paglala ng sintomas ng hika o eczema

Ang mga sintomas ng food allergy ay karaniwang nararanasan sa loob ng 30 minuto matapos kumain, ngunit maaari ring makaranas ng reaksyon hanggang dalawang oras matapos kumain. Ilan sa mga sintomas nito ay:

-Sintomas sa balat tulad ng pantal, pamamaga ng mukha, labi, o dila at pangangati ng buong katawan

-Sintomas sa baga tulad ng pag-ubo, paghuni, hirap huminga, pagsikip ng dibdib o lalamunan

-Sintomas sa tiyan tulad ng pagduwal at pagsusuka, sakit ng tiyan, o pagtatae

-Sintomas sa puso tulad ng mahinang pulso, maputlang balat, o pagkahilo
 

Sa mga allergic sa mga bagay na dumidikit sa balat tulad ng latex, pabango o mga bagay na yari sa metal, maaaring makaranas ng sintomas ng contact dermatitis. Ang mga sintomas nito ay:

-Mainit na pakiramdam sa balat o pagpapaltos ng balat

-Pantal o pamamaga ng balat

-Pangangati ng balat o pagkakaroon ng rashes
 

Kadalasan, hindi gaanong matindi ang sintomas ng allergic reaction, ngunit maaaring makaranas din ng malalang reaksyon na tinatawag na anaphylaxis o anaphylactic shock. Ito ay isang kundisyon na  dapat agad na ipakonsulta sa emergency room para sa agarang gamutan na maaaring makapagligtas ng buhay.
 

Paano Malalaman kung Nakakaranas ng Allergic Reaction?

Maaaring magsagawa ng allergy testing upang malaman kung ang immune system ng isang tao ay may labis na reaksyon sa ilang bagay (allergen). Kung may makitang reaksyon sa allergy testing, ibig sabihin nito ay may allergy ang isang tao.

Ang allergy testing ay ginagawa ng isang doktor kung ang pasyente ay nagpapakita ng nakakaabala na sintomas ng allergy. Maaari rin itong irekomenda sa mga taong may hika upang malaman kung may mga allergen na nagpapalala o nagiging sanhi ng atake ng hika.

Maaari ring sumailalim sa allergy testing ang mga pasyenteng nakakaranas ng matinding allergic reaction o anaphylaxis. Isa itong nakamamatay na kundisyon kung saan nakakaranas ang pasyente ng pantal o pamamaga, hirap sa paghinga at/o biglaang pagbagsak ng presyon ng dugo, o tinatawag na anaphylactic shock. Kaakibat ng medical history ng pasyente, maaaring makumpirma ng allergy testing ang dahilan ng malalang allergic reaction.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/immunologist-doing-skin-prick-allergy-test-1453183646

Mga Klase ng Allergy Testing
 

Maraming klase ng allergy testing. Magpakonsulta sa doktor para sa pinakamainam na allergy testing base sa sintomas at mga pinaghihinalaang allergen.

  1. Skin prick (scratch) test. Sa skin prick test, gumagamit ng manipis na karayom upang tusukin ang balat sa braso o likod ng 10 hanggang 50 na iba’t ibang allergen. Ang scratch test naman ay ang paglalagay ng maliliit na patak ng allergen sa balat, at sa pamamagitan ng mababaw na pagtusok, pumapasok ang allergen sa balat. Ang pagsusuri na ito ay ginagamit para sa mga allergic reaction sa pagkain, gamot o sa mga bagay na nalalanghap.
  2. Intradermal skin test. Ang intradermal skin test ay ginagawa kung negatibo o walang depinitibong resulta sa skin prick test. Magtuturok ang doktor ng kaunting dami ng allergen sa ilalim ng panlabas na layer ng balat (epidermis). Sinusuri nito ang pagkakaroon ng allergic reaction sa gamot, kagat ng insekto o sa mga bagay na nalalanghap.
  3. Patch test. Ito ay ginagawa ng isang dermatologist upang malaman ang sanhi ng contact dermatitis. Maglalagay ng ilang patak ng allergen sa braso o sa likod at tatakpan ito ng ilang araw. Titingnan ng doktor kung nagkaroon ng reaksyon sa balat matapos ang 48 at 96 na oras.
  4. Blood (IgE) test. Magpapadala ng sampol ng dugo sa laboratoryo kung saan bibilangin ang lebel ng IgE antibodies. Ang mataas na lebel ay indikasyon ng allergic reaction.
  5. Challenge test. Ginagawa lamang ang eksaminasyon na ito sa pangangasiwa ng isang doktor. Ang mga taong hinihinala na may allergy sa pagkain ay bibigyan ng kaunting pagkain upang makita ng doktor harap-harapan ang reaksyon ng pasyente. Kung magkaroon ng anaphylaxis, agad agad na magbibigay ng epinephrine injection para maagapan ang reaksyon.

 

National Allergy Day

Ang National Allergy Day ay ipinagdiriwang sa Pilipinas kada-Hulyo ng bawat taon.

Ang mga allergy tulad ng hika, allergic rhinitis, food allergy at eczema ay mga problemang pangkalusugan na nakakaapekto sa mga tao sa buong mundo. Habang tumatagal, paakyat ng paakyat ang bilang ng kaso ng mga nakakaranas ng mga sakit na ito. Sa tamang diagnosis at paggamot ng espesyalista sa allergy, maaaring makontrol ang sintomas ng allergy upang magkaroon ng magandang kalidad ng pamumuhay ang mga taong apektado ng sakit.

 

References:

https://www.nhs.uk/conditions/allergies/

https://my.clevelandclinic.org/health/diagnostics/21495-allergy-testing

https://www.apaaaci.org/post/psaai-nad-2020-apaaaci-president-message



What do you think of this article?