QuaranTips: Pag-aalaga sa Mental Health ng Buong Pamilya | RiteMED

QuaranTips: Pag-aalaga sa Mental Health ng Buong Pamilya

November 9, 2020

QuaranTips: Pag-aalaga sa Mental Health ng Buong Pamilya

Iba-iba ang reaksyon at paraan ng bawat indibidwal sa pagharap sa pagbabago. Dahil sa bagong normalidad buhat ng pandemya, may mga pagkakataong nakararamdam ang mga tao ng walang kasiguraduhan, pag-aalala, at labis na kalungkutan.

Kilala natin ang Filipino family bilang close-knit at mapagmahal na pamilya. Marami rin sa atin ang kumokonsidera na pamilya ang kauna-unahang paaralan ng isang Pilipino kung saan natutuhan nito ang mga pinaka-importanteng aral at pag-uugali na huhulma sa pagkatao at dadalhin ng indibidwal sa pagtanda.

Bago ang pandemya, nakagawian na ng maraming kabahayan sa bansa na magtatagpo-tagpo ang bawat miyembro pagsapit ng gabi. Marahil para maghapunan, manood ng paboritong drama sa telebisyon, o para magliwaliw kasama ang iba pang miyembro ng pamilya.

Pero dahil nga sa estado ng mundo sa panahon na ito, lahat ito ay nabago.

Malaking Epekto sa Normal na Pamumuhay Noon

Dahil nasa ilalim pa rin ng quarantine ang mga kalakhang mga lungsod dahil sa coronavirus pandemic, may ilang pamilyang hanggang ngayon ay naninibago at nag-a-adjust pa rin sa halos pag-iisa ng mga gawain sa trabaho at mga gawain sa tahanan.

Ilang halimbawa ay kung dati sa gabi na umuuwi si tatay galing trabaho, maraming tatay ngayon ang nasa bahay na naghahanap-buhay. Kung dati ay walang problema si nanay na maglinis ng bahay dahil walang tao, buong araw na ring nasa bahay ang mga bata kasama ang oras ng kanilang pag-aaral. Kung dati ay may mga pagkakataong nakalalabas ang marami sa atin upang magsaya at tagpuin ang mga kaibigan, marami sa atin ngayon ang tila naging piitan ang sariling tahanan.

Ang health ng bawat miyembro ng pamilya ang naging labis na priyoridad ng lahat. Walang gustong magkasakit. Walang gustong mahawa at makapanghawa.

Pero higit sa pisikal na kalusugan, dapat ding pagtuunan ng pansin ng bawat miyembro ng pamilya ang kani-kanilang mental health.

Marami sa atin ang may gusto ng mabuting kalusugan sa kabuoan. Sa kasamaang palad, may ilang pagkakataon tulad ngayong panahon ng pandemya na nagigipit ang ating mga nakasanayan kaya’t napipilitan tayong magbago. Dito pumapasok ang iba’t ibang mental health issues.

Para masiguradong nasa tamang estado ang mental health during pandemic, narito ang ilang mungkahi ng mga eksperto:

  1. Gumawa ng Routine

Dahil lahat tayo ay nag-a-adjust pa rin sa paiba-ibang mungkahi ng mga kinauukulan hinggil sa mga protocol ngayong pandemya, mabuting gumawa ng routine na babagay sa madalas na ginagawa ng pamilya sa loob ng tahanan.

Mabuting haluan din ang routine na ito ng pisikal na gawain o pag-e-ehersisyo para masigurado ang mabuting kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya. Ayon kasi sa isang pag-aaral, may ebidensiyang may koneksyon ang healthy physical lifestyle para makaiwas sa mental health problems.

  1. Kamustahin ang mga Kamag-anak at Kaibigan

Isa sa maraming kalayaang kinuha ng pandemya ay ang kaligayahang bigay ng pakikihalubilo sa mga pamilyar na tao partikular na ang mga kaibigan, kamag-anak, at iba pang malapit sa buhay ng isang indibidwal.

Maglaan nang kaunting panahon sa mga taong ito. Kumustahin sila. Makipag-usap. Marami na ring ibang paraan upang makita at makipag-usap sa mga taong importante sa isang indibidwal dahil sa tulong ng Internet. Marami na ring plataporma na nagpapadali ng pagiging konektado ng bawat indibidwal.

Sa ganitong paraan, mas malaki ang tiyansa na maging mabuti ang emotional health ng isang indibidwal dahil kahit papaano, nagkakaroon ng outlet ang isang indibidwal sa nararamdaman at pangangailangan nito.

  1. Magsimula ng Pagkakalibangan

Malaki ang maitutulong ng sining sa panahon ng pandemya. Dahil nasa bahay lang, lalo na ang mga bata, at may mga pagkakatong magkaroon ng oras sa mga responsibilidad dahil nasa lugar rin ng kapanatagan mabuting ideya ang paghihikayat sa kanila o sa sarili na simulan o balikan ang mga bagay na dating kinagiliwan na naiwan dahil sa kung anong dahilan.

Pagpipinta, pagbabasa ng aklat, pag-e-ehersisyo, o paglalaro ng games, ang lahat ng ito’y mabuting panandaliang pagtakas mula sa mga agam-agam at pagkabagabag buhat ng pagkakakulong sa bahay.

Maaari din itong maging gawain ng buong pamilya. Maaaring makipaglaro ng board games ang mga magulang kasama ang mga bata, maaaring magpaturo ang mga bata sa mga magulang ng bagong gawaing nais subukan. Sa mga ganitong panahon, malaking sandigan ang pamilya ng emosyonal stability ng bawat miyembro nito.

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/extended-family-group-playing-board-game-40209769

  1. Panatilihin ang Maayos na Kalusugan

Kung mayroon nang gawain dati na nakabubuti sa kalusugan na hindi kinakailangan ng paglabag sa mga protocol na nilatag ng mga kinauukulan sa pagsugpo ng coronavirus, ituloy lamang ang gawaing ito. Kung wala pa, magsimula.

Maraming accessible na apps na tumutulong upang i-track ang physical health ng isang indibidwal. Ang iba, tumutulong pa upang mapanatili o matuloy-tuloy ito. Muli, importante ang pisikal na kalusugan para sa mental health dahil may mga datos ang mga ekspertong nagsasabing maraming tao ang nakararanas ng ginahawa at pagkabawas sa pag-aalala, katamlayan, at kalungkutan kapag ramdam nilang malusog ang kanilang pangangatawan.

Dagdag pa rito, siguraduhin ding may supply ng bitamina at malulusog na pagkain para sa pamilya. Nakatutulong itong mapabuti ang kabuoang kalusugan ng isang indibidwal.

Sa huli, dapat nating tandaan na interdependent tayo sa isa’t isa kaya marapat lamang na maging sandigan tayo ng bawat isa. Lalo na sa panahong sinusubok ang ating mga dati nang nakasanayan, ang pinakamalalapit na tao sa buhay natin ang maaaring maging ating kapanatagan at hugutan ng ligaya.

Source:

https://www.optumcare.com/resources/wellness-library/emotional-health-tips.html?fbclid=IwAR0PGZohbhfd0OiYjN8Wm77Io3Lxau03CXpXdH9J2Rjyj5LDXAPCV0BmISE



What do you think of this article?