Mga Wastong Paraan sa Pangangalaga ng Ating Baga
August 3, 2016
Photo from Pixabay
Ang ating baga ay isa sa mga pinakaimportanteng bahagi ng ating katawan. Ito ang nagsasala at nagpapasok ng oxygen sa ating dugo, na siyang tumutulong sa pagbibigay-buhay sa ibang parte ng katawan. Kalimitan, hindi natin naiisip ang kahalagahan ng ating baga hangga't hindi tayo nagkakasakit..
Huwag na nating hayaang humantong sa pagkakaroon ng malubhang karamdaman. Gawin ang mga sumusunod na tips upang magkaroon ng malusog na baga.
Iwasang manigarilyo
Base sa isang survey, mahigit-kumulang 17.3 million na Filipino, mula kinse anyos pataas, ay naninigarilyo o nananabako. Sabihin na nating “macho” ang dating ng isang tao kapag naninigarilyo, ngunit bugbog naman sa usok at nakalalasong kemikal ang baga at iba pang parte ng katawan. Gayun din ang epekto sa ibang tao na nakalanghap ng binugang usok.
Dala ng smoking ang panganib ng kanser sa baga, atake sa puso, stroke, at iba pang nakamamatay na karamdaman. Kamakailan, nauso ang vaping o ang paninigarilyo ng e-cigarette, na hindi taglay lahat ng delikadong kemikal ng sigarilyo. Subalit, mayroon din itong maaaring dalang peligro. Smoking cessation o quitting sa kahit anong uri ng paninigarilyo ang kinakailangan upang magkaroon ng magandang cardiovascular health.
Iwasang makalanghap ng matapang na kemikal
Ang paglanghap sa singaw ng matapang na kemikal ay kalimitang nagiging panganib sa mga karpintero, platero, mason, at iba pang trabaho na kasama sa pagtatayo ng bahay at gusali. Sa paggamit ng pintura, barnis, at iba pang katulad na bagay, nangyayaring malanghap ang malakas na singaw ng kemikal, na nagdudulot ng mga sakit sa baga.
Ugaliing magsuot ng protective mask. Kung posible, magtrabaho sa lugar kung saan nakakapasok ang sariwang hangin, upang hindi gaanong makalanghap ng kemikal. Kung hindi naman maiiwasang magtrabaho sa kulob na lugar, gumawa ng puwang para magkaroon ng bentilasyon. Lumabas din sa silid o lugar kapag nasasakal na sa amoy ng kemikal.
Mag-exercise nang madalas
Photo from Pixabay
Ang exercise ay hindi lang mainam sa ating mga kalamnan at kasukasuan, ito rin ay nakatutulong sa pagpapalaki ng kapasidad ng ating mga baga sa paghinga. Ang mga pagsasanay sa paghinga at yoga ay mainam naman sa pagpapagaan ng pakiramdam at pagiging mahinahon. Sa madaling salita, malaki ang nagagawa ng pag-eehersisyo sa pagpapaganda ng ating cardiovascular health.
Panatilihing malinis ang pangangatawan at paligid
Ang pagiging malinis sa katawan at kapaligiran ay nakakatulong sa pag-iwas sa mga mikrobyong nagdadala ng sakit sa baga. Maghugas ng kamay, magsipilyo pagkatapos kumain, at umiwas sa matataong lugar kapag napapanahon ang sipon at trangkaso.
Ugaliin ding magpabakuna para tumibay ang resistensya kontra sa sakit. Kapag ikaw ay dapuan naman ng sakit, mapahinga sa bahay at huwag lumabas upang hindi kumalat ang virus o bacteria sa ibang tao.
Kumain ng mga gulay na mayaman sa antioxidants
Photo from Pixabay
Base sa pananaliksik ng mga doktor at dalubhasa noong 2010, ang pagkain ng gulay na mayaman sa antioxidants ay mas healthy kaysa sa pag-inom ng suplemento. Nalaman din nila na ang mga taong kumakain ng gulay tulad ng broccoli, cauliflower, pechay, at bok choy ay nangangalahati ang panganib ng pagkakaroon ng lung cancer kumpara sa mga taong hindi kumakain ng mga ito.
Panatilihing malinis ang hangin
Ang air pollution ay nagdudulot ng asthma, tuberculosis, at iba pang nakamamatay na sakit. Upang makaiwas, huwag magsunog ng plastic, goma, at basura, huwag magsiga, iwasang ang paggamit sa styrofoam, at ipa-tune-up ang sasakyan tuwing kinakailangan. Matuto ding mag-recycle ng mga gamit at bagay upang hindi makadagdag sa garbage problem ng siyudad.
Totoo na sensitibo ang ating baga sa mga nakalalasong kemikal at sa pinsalang dala ng mga virus, bacteria, at iba pang mikrobyo. Ngunit, mapapanatili nating malakas at malusog ang ating baga sa pagkakaroon ng disiplina sa katawan at lipunan. Ang katumbas ng maliit na sakripisyo sa pang-araw-araw na gawain ay panghabang-buhay na sigla.