Mga Pagkain at Vitamins na Masama sa Atay kapag Sumobra | RiteMED

Mga Pagkain at Vitamins na Masama sa Atay kapag Sumobra

March 2, 2016

Mga Pagkain at Vitamins na Masama sa Atay kapag Sumobra

Ang ating atay ay isang mahalagang bahagi ng ating digestive system. Ilan sa mga function nito ay ang paglilinis ng ating dugo mula sa mga dumi sa loob ng ating katawan, pagtunaw ng taba mula sa ating mga kinain at pangangalaga sa glucose na nagbibigay sa atin ng sigla.

 

Dahil diyan, tungkulin nating alagaan ang ating atay para mapanatiling malinis at masigla ang ating katawan. Alamin ang mga pagkain at inuming maaaring makasama sa ating atay at kung paano mo ito maaalagaan nang wasto.

Pag-inom ng Herbal at Dietary Supplements (HDS)

Marami sa atin ang naniniwalang epektibo ang dietary supplements sa pagpapabuti ng ating pangangatawan. Maaaring nakasubok ka na ng diet pills, herbal coffee o kaya naman ay bodybuilding supplements ngunit sigurado ka ba sa mga epekto nito?

 

Iba’t-iba ang puwedeng maging epekto ng supplements sa ating atay kaya mag-ingat sa mga ito. Maaaring epektibo ang mga ito ngunit tandaan na puwedeng may side effects din ang mga ito sa iyong katawan.  Maging masuri rin sa supplements para sa ubo at sipon, depresyon at pagkabalisa, at mga immune-boosters.

 

Binalaan naman ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko tungkol sa mga “deceptive at misleading” claims ng mga produktong ito.  Mas makabubuting kumonsulta sa doktor upang maging sigurado.

 

Sa kabilang banda, hindi lahat ng supplements ay maaaring makapinsala sa atay. Ang supplements tulad ng calcium, vitamin D at mga multivitamins mula sa mga mapagkakatiwalaang kumpanya ay maganda para sa ating katawan basta nasa tamang dami ang pag-inom.

 

Sa huli, mas makabubuti pa ring mag-ingat tayo sa mga produktong ating ginagamit. Siguraduhing may sapat na kaalaman tungkol sa bibilhing supplement at huwag mahiyang magtanong tungkol sa mga ito. Iwasan nating lubusang umasa sa supplements at sikapin pa ring magkaroon ng balanseng diet at disiplina sa katawan upang mapanatili itong malusog.

 

Mga Pagkaing Mataas sa Sodium

Ang sodium ay isang mabisang sangkap para sa maayos na pagdaloy ng fluids at pag-regulate sa ating blood pressure. Ngunit, maaari itong magresulta ng pananakit ng tiyan at labis na fluid sa iyong atay kapag sumobra ang sodium sa katawan.

 

Kung ikaw ay mahilig sa instant noodles, de-latang pagkain at sa mga pagkaing maaalat gaya ng keso at putaheng may toyo, panahon na upang bigyang-pansin ang iyong atay.

 

Bawasan ang iyong sodium intake sa pamamagitan ng paggamit ng paminta o iba pang spices bilang pampalasa sa lutuin sa halip na asin.

 

Mga Processed Food na May Maraming Trans Fat

Ang trans fat o hydrogenated vegetable oil ay kalimitang matatagpuan sa mga processed food. Mag-ingat na huwag sumobra-sobra sa pagkonsumo ng mga pagkain tulad ng biscuits, crackers, ready-made dressings at popcorn.

 

Ugaliing i-check ang nutritional label ng iyong mga pagkain upang maiwasan ang pagdami ng iyong low-density lipoprotein (LDL) o bad cholesterol. Ang LDL ay naiipon sa atay na siyang magdudulot ng iba’t ibang sakit.

 

Mga Prutas at Matatamis na Pagkain

Bagama’t hindi maitatanggi ang mga benepisyong hatid ng prutas, may ibang prutas na maaaring makasama kapag nasobrahan. Ang mga pagkaing karaniwang sagana sa fructose o fruit sugar ay hindi nakabubuti sa ating atay.

 

Ang fructose ay mahirap matunaw sa katawan at kapag naparami, ay maaaring maging sanhi ng dyslipidemia o ang hindi normal na dami ng taba sa dugo. Ito rin ay maaaring magpataba at magpamaga sa atay.

 

Kung sa tingin mo ay napaparami ka masyado sa matatamis na prutas, subukan mo ang mansanas, orange o mangga. Iwasan din ang palagiang pagkain ng ice cream, cake at candy. Wala man itong fructose, nagtataglay pa rin ang mga ito ng cholesterol at asukal.

Photo courtesy of strecosa via Pixabay

 

Mga Pagkaing Mamantika

Mahilig ka bang kumain sa fast food restaurants o mga turo-turo sa tabing daan? Alam mo ba na ang mga mamantikang pagkaing ito ay may matinding dulot sa iyong atay na maihahalintulad sa hepatitis?

 

Ang mga pagkaing tulad ng pritong manok, french fries at fried siomai ay maaaring magpataas ng bad cholesterol at magpababa ng good cholesterol. Ito ay maaaring magdulot ng fatty liver o matabang atay.

 

Limitahan ang pagkain sa fast food restaurants. Maaari mong i-bake ang mga paborito mong pagkain. Mas makasisigurado ka pang malinis ito dahil ikaw mismo ang gumawa at pumili ng mga ingredients na gagamitin.

 

Kumain ka rin ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 gaya ng salmon at sardinas.

 

Mga Inumin at Pagkaing May High Fructose Corn Syrup (HFCS)

Ang HFCS ay karaniwang ginagamit na pampatamis sa soft drinks at fruit-flavored drinks. Ang sobrang  supply ng fructose sa katawan ay nagiging taba na nagiging sanhi ng matabang atay.

 

Hindi lang sa ating atay maaaring makapinsala ang HFCS, kundi pati sa iba pang bahagi ng ating katawan. Iwasan ang palagiang pagkonsumo ng soda, fruit snacks, cereal bars, yogurt at crackers. Upang makasigurado, basahin ang nutritional label sa mga ito. Kung hindi tuluyang maiwasan ang mga pagkaing mataas sa HFCS, makatutulong ang malimit na pag-inom ng tubig upang malinis ang ating sistema.

 

Mga Inuming May Alkohol

Hindi na bago sa atin ang mga sakit sa atay dahil sa labis na pag-inom ng alak. Nagdudulot ito ng pagkasira ng liver cells, pananaba ng atay, pamamaga ng atay (liver inflammation), pag-malfunction ng atay (liver cirrhosis) o kanser sa atay.

 

Ang mga sumusunod ay ang mga itinakdang patnubay (please indicate source or reference!) para sa pag-inom ng alak:

o   2 bote sa isang araw para sa lalaking nasa tamang edad

o   1 bote sa isang araw para sa babaeng nasa tamang edad.

o   1 bote sa isang araw para sa mga may edad lagpas 65.

o   Ipinagbabawal ang pag-inom ng alak ng mga menor de edad.

o   Kung sino man ang nahihirapang kontrolin ang kanilang pag-inom ay dapat ng itigil ito ng tuluyan.

 

Bagama’t hindi madaling talikuran ang mga pagkain at inumin na atin nang nakasanayan, huwag nating kalimutan ang pangangalaga sa ating katawan. Lahat ng labis ay nakasasama kaya’t ugaliing bantayan ang pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain at inumin. Tandaan: mainam ang isang masiglang atay para sa mas magandang buhay.


Ilan lamang ito sa mga tips upang mapabuti ang kalusugan. Kung may mga sintomas ng karamdaman, makabubuti pa din na kumonsulta sa inyong physician upang mabigyan ng mas angkop na payo ukol sa inyong karamdaman.



What do you think of this article?