Kagat ng Aso: First Aid Treatment at mga Sintomas ng Rabies
April 28, 2022
“Man’s best friend” kung ituring ang mga aso lalo na sa bahay ng mga Pilipino. Bukod sa pagsisilbi bilang bantay ng tahanan, ang mga aso ay tagapagtanggol, kalaro, kasama, at matalik na kaibigan. Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ayon sa datos ng iPrice Group, ang mga Pilipino ang pinaka interesado na magkaroon ng alagang aso sa Southeast Asia. Ito ay base sa pagdami ng Google search ng mga Pilipino tungkol sa mga aso na for adoption o for sale. Bilang responsableng dog owner,
dapat maging handa ang mga Pilipino sakaling magkaroon ng aksidente tulad ng pagkagat ng aso.
Kabilang sa rabies awareness and advocacy campaign ng Department of Health ang pagdiriwang ng Rabies Awareness Month kada-Marso ng bawat taon. Parte ng programa na hikayatin ang mga may alagang aso na pabakunahan ang kanilang mga alaga laban sa rabies taun-taon. Kasama rin dito ang tamang paghuhugas ng sugat ng mga animal bite victims at ang pagtanggap ng post-exposure prophylaxis (PEP) laban sa rabies.
First Aid Treatment sa Kagat ng Aso
Sa oras na makagat ng aso, importante na makapagbigay ng paunang lunas upang maagapan ang mga maaaring maging komplikasyon nito. Maraming mikrobyo na naninirahan sa bibig ng aso kaya naman mahalaga ang tama at agaran na paglilinis ng sugat.
Kung ikaw ay nakagat ng aso:
-Hugasan ang sugat gamit ang banayad na sabon at umaagos na tubig. Linisin ang sugat sa loob ng sampung minuto.
-Tanggalin ang anumang dumi sa sugat tulad ng buhok, ngipin at alikabok.
-Kung tuloy tuloy ang pagdurugo ng sugat, diinan ito gamit ang malinis na tela hanggang bumagal ang pagdurugo.
-Maaaring pahiran ng antibacterial ointment o gamot na may iodine ang sugat upang maiwasan ang pagkakaroon ng impeksyon.
-Tuyuin ang sugat gamit ng malinis na tela o clean cloth, at ibalot sa malinis na gasa. Palitan ito araw-araw.
-Maaaring uminom ng pain reliever para mabawasan ang sakit.
-Bantayan ang sugat kung magkakaroon ng senyales ng impeksyon tulad ng pamumula, pamamaga, pagkakaroon ng nana, sobrang pananakit at pagkakaroon ng lagnat.
Kailan Dapat Magpakonsulta?
Agad na magpatingin sa isang healthcare professional. Huwag nang patagalin pa ang pagpapakonsulta. Kahit maliit na sugat lamang ito o mula sa alagang aso, makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na ospital o health center upang matingnan ng doktor. Ang mga impeksyon tulad ng tetanus at rabies ay ilan sa mga malubhang komplikasyon mula sa kagat ng aso na maaaring maagapan ng maagang konsultasyon at gamutan.
https://www.shutterstock.com/image-photo/aggressive-angry-dog-393209950
Ano ang Rabies?
Ang rabies ay isang uri ng virus na kadalasang nakukuha sa kagat ng hayop na may rabies. Maaari rin itong makuha sa kalmot, gasgas, o pagdikit ng bukas na sugat sa laway ng hayop na may rabies. Kapag nailipat ang virus sa tao, kumakalat ito sa katawan mula sa sugat papunta sa utak.
Ang rabies ay isang malubhang sakit. Sa Pilipinas, hindi bababa sa dalawang daan na tao ang namamatay dahil sa rabies bawat taon. Batay sa pag-aaral ng World Health Organization, 99% ng rabies ay nakukuha sa kagat ng aso. Ang mga taong may rabies ay halos palaging namamatay kung hindi mabigyan ng gamot bago magkaroon ng sintomas.
Pagkatapos makagat ng aso, agad itong ikulong at obserbahan ang kalusugan sa loob ng sampung araw. Ang asong may rabies ay maaaring magkapakita ng ganitong mga sintomas:
-Matamlay o mahina
-Hirap lumunok
-Labis na paglalaway o pagbula ng bibig
-Namamaos o hirap kumahol
-Biglang umaatake o nang-aaway
-Hirap kumilos o pagkaparalisa
Kung ang asong kumagat ay nagpakita ng sintomas ng rabies o kung ito ay isang ligaw na aso, dapat agad mabigyan ng post-exposure prophylaxis (PEP) ang animal bite victim. Ang post-exposure prophylaxis ay ang pagbibigay ng bakuna laban sa rabies kasama ng rabies immunoglobulin matapos maexpose sa virus. Para sa asong hinihinalang may rabies, hindi na kailangan maghintay ng result ng laboratoryo o maghintay ng sampung araw na obserbasyon upang magbigay ng post-exposure prophylaxis sa taong nakagat ng aso.
Pag-iwas sa Rabies
Ang rabies ay isang nakamamatay na sakit, subalit sa maaga at agaran na pagpapakonsulta, ito ay 100% na maaaring maiwasan.
Sa tahanan, maaaring maiwasan ang pagkagat ng alagang aso sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na ito:
-Huwag lumapit sa hindi kilalang aso.
-Huwag tumakbo o sumigaw sa paligid ng aso.
-Huwag gumalaw kapag nilapitan ng hindi kilalang aso.
-Huwag hayaan makipaglaro sa mga aso ang mga bata na walang kasama.
-Iwasan ang eye contact sa mga aso.
-Huwag gambalain ang asong natutulog, kumakain o nag-aalaga ng mga tuta.
-Magpakita at magpaamoy muna sa aso bago ito hawakan.
-Huwag hayaang makagala sa kalsada at sa mga pampublikong lugar ang alagang aso.
Mahalaga ang tamang training ng mga pet owner sa kanilang mga alaga. Dapat ay natuturuan ang mga aso na makipag-socialize sa ibang tao at mga aso upang maiwasan ang pagkakaroon ng agresibong pag-uugali na maaaring maging sanhi ng pagkagat ng aso.
Kada-Marso ay isinasagawa ang mass dog registration at vaccination drives sa mga local government units, mga opisina ng Department of Health at mga partner agencies nito. Ang mga aso edad tatlong buwan pataas ay maaaring paturukan sa mga mass vaccination drives. Siguraduhing natuturukan taun-taon ang alagang aso upang maiwasan ang pagkalat ng rabies.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa mga ahensya na ito:
-Animal Bite Center: 816-1111
-Department of Health's National Center for Disease Prevention and Control: 751-78-00 or 651-78-00 local 2352
-Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry, Animal Health and Welfare Division: (02) 8528 2240 local 1500
References:
https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000734.htm
https://caro.doh.gov.ph/mga-dapat-gawin-kapag-nakagat-ng-aso/
https://www.nhs.uk/conditions/animal-and-human-bites/
https://www.cdc.gov/rabies/animals/index.html
https://www.who.int/rabies/PEP_Prophylaxis_guideline_15_12_2014.pdf
https://doh.gov.ph/national-rabies-prevention-and-control-program
https://doh.gov.ph/sites/default/files/publications/Rabies%20Manual_MOP_2019%20nov28.pdf