Grandparents Month: Pananatiling Malusog sa Pagtanda | RiteMED

Grandparents Month: Pananatiling Malusog sa Pagtanda

September 24, 2020

Grandparents Month: Pananatiling Malusog sa Pagtanda

Kung noo’y kaya mong tumakbo nang hindi kinakapos ang hininga, magpuyat sa party nang di nakakaramdam ng antok o pagod, magtrabaho nang halos walang pahinga, at kung anu-ano pa, sa iyong pagtanda, kaya pa rin kaya?

 

Kalabaw lang daw ang tumatanda. Ang pagtanda ay nasa isip lamang ng tao; hindi daw ito totoo. Positive thinking, ika nga. Posible nga bang manatiling malakas, masigla, at masaya sa pagtanda?

 

Posible! Mahalaga ang positive thinking, nguni’t hindi ito sapat. Kailangan, positive lifestyle changes. Sa pagdiriwang ng grandparents day, alamin ang mga habits na makakatulong upang mapangalagaan ang kalusugan at mapanatiling malakas ang katawan kahit sa pagpasok ng senior years.

 

Mag-Exercise

 

Ang ehersisyo ay walang pinipiling edad. Mainam na makaugalian ang exercise mula sa pagkabata, pero kahit senior ka na, hindi pa rin naman huli upang magsimula ng regular exercise routine.

 

Madalas na sinasabing magsimula habang bata pagdating sa exercise. Dahil na rin ito sa pagbuo ng habit; kung sanay ka na sa exercise noon pa ay hindi ka maninibago kapag ikaw ay may edad na. Sa pagtanda nagiging mas makabuluhan ang kahalagahan ng regular exercise.

 

Sa senior years, maaaring hindi na komportable o safe ang mga mabibigat na uri ng ehersisyo, pero puwede pa rin namang gumawa ng light at basic na mga paraan ng pagpapawis. Bago simulan ang exercise routine, makabubuting sumangguni muna sa iyong primary care physician upang makasigurong ligtas at kaya ng katawan ang mga gagawing exercises.

 

Huwag bibiglain ang sarili; mag-stretching muna bago mag-exercise. Magsimula ng dahan-dahan at pakonti-konti hanggang masanay ang katawan. Ilan sa mga puwedeng gawing regular exercise ay ang brisk walking, pagbibisikleta, swimming, at jogging. Kung malakas pa naman ang katawan at resistensya, subukan ang tennis, racquetball, badminton, golf, at running.

 

Kumunsulta sa Doktor

 

Kung noong bata ka pa’y umiiwas ka sa pagpunta sa doktor, hindi mo na ito magagawa kung ikaw ay tumatanda na. Mas kailangan na ng katawan ang regular checkups habang ito ay nagkaka-edad. Sa paghina kasi ng resistensya na kaugnay sa pagtanda, bumababa din ang kakayahan ng katawan na lumaban sa sakit.

 

Ang regular na pagbisita sa doktor ang tanging paraan upang makaiwas sa sakit at mabigyan ng karampatang lunas bago pa man lumala ang anumang karamdaman. Sa iyong pagtanda, huwag tatalikuran ang health care.

 

Kung may nireseta ang doktor para sa iyong presyon, diabetes, rayuma, o iba pang karamdaman, huwag kakalimutang inumin ito sa tamang oras. Makakatulong ang paggamit ng mga lalagyan ng gamot na may nakasulat na araw at oras. Gamitin din ang smartphone o tablet upang mag-set ng alarm para sa oras ng pag-inom ng gamot. May mga apps din para dito.

 

Kung may nararamdaman, o di-kaya’y napapansing pagbabago sa iyong pangangatawan, ilapit kaagad sa doktor. May mga pagbabago na natural lamang sa pagtanda, pero mayroon ding nangangahulugan na mayroon kang sakit na kailangang gamutin o isailalim sa treatment.

 

Kumain ng Tama

 

Kung noon ay puwede kang kumain ng sisig, lechon, fried chicken, at iba pang mga paboritong pagkain na hindi maganda sa kalusugan, sa iyong pagtanda ay may mga kailangan ka nang bawasan o iwasan sa mga ito. May mga pagkaing hindi nakakatulong sa iyong katawan, bagkus ay nakapagpapabilis pa ng pagtanda at madalas ay pinagmumulan ng sakit.

 

Ang mga junk foods tulad ng cheeseburger, french fries, chichirya, street food, at iba pa, mga pagkaing maalat, matatamis, at mga pinrito ay hindi na dapat kinakain ng mga nagkaka-edad. Sa halip ay kumunsulta sa doktor o sa isang dietician upang mabigyan ng payo tungkol sa mga pagkaing maganda sa kalusugan.

 

Ang mga pagkaing masama para sa seniors ay matataba o mamantika, maalat, at matamis. Sa halip ay piliin ang mga foods na mataas ang fiber at good cholesterol. Narito ang ilang pagkaing healthy para sa mga seniors:

 

  • Dark green and leafy vegetables tulad na lamang ng kale, spinach, at arugula
  • Mga isdang mataas ang Omega-3 fatty acids para sa good cholesterol. Isang halimbawa ang fresh salmon
  • Fiber-rich foods tulad ng oatmeal at brown rice (whole grains)
  • Kamote
  • Mansanas
  • Broccoli

 

Piliting makakain ng balanced diet at makainom ng di bababa sa 8 baso ng tubig araw-araw. Iwasan ang pag-kain ng mga delata at iba pang processed meats, at mga artificially flavored na pagkain.

 

Magpahinga

 

Kung noon ay kaya mong mag-overtime sa trabaho araw-araw, magpuyat sa club kasama ang mga kaibigan, at manood ng TV hanggang madaling araw, ngayon ay kailangan mo nang baguhin ang lifestyle mo.

 

Ngayong senior ka na, kung kailangan mong umidlip, gawin mo ito anytime. Pero panatilihin pa rin ang tamang oras ng pagtulog sa gabi. Gumawa ng isang routine upang hindi mahirapan. Matulog sa pare-parehong oras gabi-gabi upang masanay ang katawan. Kung kaya naman, matulog ng hanggang 8-9 oras gabi-gabi.

 

Iwasan ang Bisyo

 

Hindi maganda ang epekto ng mga bisyong tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak sa kahit kaninong tao sa anumang edad. Sa katunayan, napapabilis ng mga bisyong ito ang aging ng katawan. Sa iyong pagtanda, lalo nang mas mahalagang tigilan ang mga ito.

 

Maraming tao sa buong mundo ang nagkakasakit at namamatay nang maaga dahil sa mga epekto ng smoking and drinking. Emphysema, stroke, atake sa puso, cirrhosis of the liver, iba’t-ibang uri ng cancer, at kung anu-ano pang mga sakit ang puwedeng tumama sa iyo kundi mo titigilan ang paninigarilyo at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Maaari ding makaapekto sa kalusugan ng iyong pamilya. Kung gusto mong manatiling malusog at tumagal pa ang iyong buhay, itigil na ang masasamang bisyo.

 

Maraming nahihirapan sa pagtigil ng mga bisyong tulad ng paninigarilyo at pag-inom. Maaaring kumunsulta sa doktor o lumapit sa iba pang dalubhasa upang matulungan ka sa pagtigil ng mga ito.

 

Pag-Iingat sa COVID-19

 

Hindi na lingid sa kaalaman ng marami na ang mga matatanda, lalo na ang mga maysakit, ay mas madaling mahawahan ng sakit na COVID-19. Sila rin ang nakakaranas ng mas malalang mga sintomas. Sa panahon ng pandemyang ito, makabubuting maging mas maingat pa.

 

Makinig, manood, o magbasa ng balita. Puwede ring mag-research sa internet upang mas maintindihan ang COVID-19. Makakatulong din ang pakikipag-usap sa mga mahal sa buhay. Mahalaga ang kaalaman upang makaiwas sa sakit.

 

Kung mag-isa lamang sa bahay, alamin kung sino ang puwedeng tumulong sa iyo sa pagbili ng mga pangangailangan tulad ng mga gamot at pagkain. Mainam kung ang mga mahal sa buhay ang gagawa nito at magbibigay sa iyo ng elderly care kung kinakailangan, pero ngayon ay mayroon na ring mga nagbibigay ng mga serbisyong tulad ng pagbili ng basic needs and medicines kung wala kang ibang maaasahan. Madaling makahanap ng mga ito sa Facebook.

 

Iwasang lumabas ng bahay lalo na kundi naman kailangan. Uminom ng vitamin C upang mapalakas ang resistensya sa sakit. Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig. Gumamit ng facemask kung nakikipag-usap sa ibang tao, lalo na kundi ito kasama sa tirahan. Panatilihin din ang layong 1-3 metro mula sa kausap.

 

Ilagay sa speed dial ang numero at pangalan ng isa o mas marami pang taong maaari mong tawagan kung nakakaramdam ka ng sintomas ng COVID-19 o iba pang karamdaman na kailangang ikonsulta sa doktor.

 

 

Ang grandparents celebration ay magandang paalala na ang mga lolo, lola, at mga elderly parents ay kailangang bigyang-pugay para sa kanilang mga nagawa lalo na para sa mga mahal sa buhay. Pero ang pinakamagandang paraan ng pagdiriwang nito ay ang pananatiling malakas at independent kahit di na bata.

 

 

Resources:

 

https://www.caringseniorservice.com/blog/habits-ensure-healthy-living

https://www.caringseniorservice.com/blog/super-foods-for-seniors



What do you think of this article?