Generic vs Branded Medicine: Hindi ba mabisa ang mas mura?
September 11, 2018
Pagdating sa kalusugan, may mentalidad na kung ano ang mas mahal, iyon ang mas epektibo. Ngunit maraming factors mula sa research, production, licensing, packaging, delivery, selling, at iba pang pinagdadaanan ng mga medical products ang dapat bigyang-pansin para mapatunayan kung totoo nga ba ito.
Dahil sa ekonomiya sa Pilipinas, marami sa mga mamamayang maysakit ang hindi kayang bumili ng branded na mga gamot. Sa kasamaang palad, kapag nagkataong branded ang gamot na inireseta ng doktor, mataas ang posibilidad na hindi ito bilhin ng pasyente. Kung bibilhin man, hindi niya kukumpletuhin ang nasa reseta. Kaya naman malaking tulong ang pagkakaroon ng mga generic medicine na alternatibo sa mga branded na gamot para matugunan ang health conditions ng isang tao.
Ngayong Generics Awareness Month, sasagutin natin ang mga tanong na kadalasang naririnig tungkol sa mga gamot na madalas parang pinagdedebatehan: hindi nga ba mabisa ang mga produktong mas mura? May dapat bang ikabahala sa pag-inom at pagtangkilik ng mga ito?
Ang katotohanan: Pareho lang ang generic medicine at branded na mga gamot.
Ayon sa Food and Drug Administration o FDA - ang katawan ng gobyerno na naniniguradong nakakapasa sa health standards ang mga produkto gaya ng mga gamot – pinahihintulutan nilang maibenta at mainom ang generic version ng isang branded na gamot kung:
- Ang paraan ng pag-inom nito ay kapareho ng sa branded; at
- Ang dahilan ng pag-inom nito ay kapareho ng sa branded.
Sa madaling sabi, maaaring pagkatiwalaan ang generic medicine dahil pumasa ito sa standards ng FDA. Kapag binebenta ang mga ito sa lehitimo at registered na mga botika at pharmacy, paniguradong kapareho ang branded sa:
- Laman na active ingredient;
- Paggamit at epekto;
- Strength;
- Abilidad nito na maabot ang kinakailangang level sa dugo nang may parehong oras at dami; at
- Paraan ng pagte-test na isinagawa bago ilabas.
Kung pareho sila ng laman, ano naman ang pinagkaiba ng generic medicine sa branded?
Photo from Pixabay
Pinapayagan ng FDA na magkaroon ng kaunting pinagkaiba ang generic medicine mula sa branded na equivalent nito sa mga paraang hindi nakakaapekto sa kalidad, bisa, at safety ng gamot. Kasama sa differences na ito ang hugis, kulay, packaging, at paglalagay ng label. May mga tinatawag din na inactive ingredients na maaaring baguhin gaya ng flavor at mga gagamiting preservative. Ang dalawang ito ay sasailalim pa rin sa standards at approval ng FDA bago ilabas.
Tungkol naman sa pagkasira ng gamot, sinisigurado ng FDA na, kahit iba ang expiration date ng generic medicine sa branded, mabisa pa rin ito at epektibo hanggang umabot sa nakalagay na petsa.
Bakit nga ba mas mura ang generic medicine kung maliit lang ang pinagkaiba nito mula sa branded na gamot?
Gaya ng nabanggit sa umpisa nito, ang mga factors sa produksyon at pagpapasok sa mga pharmacy o drugstores ang nagdadala ng price difference sa pagitan ng branded na gamot at generic medicine.
Dahil mahal ang paggawa ng bagong gamot, ang isang manufacturer ay gumagastos para sa research, malawakang testing ng gamot, advertising, marketing, at promotion ng produkto. Binibigyan ng FDA ng sapat na panahon ang manufacturer na mabawi ang investments na ito habang tinutugunan ang karapatan ng mga maysakit na magkaroon ng access sa mura ngunit mabisang gamot – ang generic medicine. Para maka-recover ang manufacturer sa mga nagastos, mayroon siyang eksklusibong rights na mag-produce ng bagong gamot na ito at ibenta ang mga ito sa loob ng napagkasunduang period. Protektado ang branded na produkto ng tinatawag na patent sa loob ng 12 years mula nang nakapasok ito sa market.
Kapag tapos na ang panahong ito na naka-patent ang branded na gamot, pinapayagan nang gumawa at magbenta ng generic na version ang ibang kumpanya. Hindi man kasing laki ng kinita ng original na manufacturer ang kikitain ng gagawa ng generic medicine version, kampante naman ang FDA na pareho ang kalidad nito.
Lahat ba ng gamot ay may generic medicine na katumbas?
Photo from Pixabay
Sa ngayon, hindi lahat ng branded na gamot ay may generic medicine version na. Kung mayroon namang generic medicine na katumbas ang iniresetang mga gamot sa inyo, mabutihin munang itanong sa inyong doktor at pharmacist kung maaari ba itong i-substitute sa original na nakaresetang branded na gamot. Kadalasan, inilalagay ng doktor sa reseta kung pwede bang palitan ang isang gamot o hindi, ayon sa mas nakakabuti para sa inyong health condition.
Ganito rin ba ang kaso sa mga over-the-counter generic medicine?
Mapa-prescription medicine man o over-the counter medicine, pareho lang ang bisa at kalidad ng generic medicine na available sa mga botika at pharmacy. Ang kaigihan nito ay ang perang matitipid ng mga pasyente at ng kanilang pamilya habang hindi nakokompromiso ang kalusugan.
Kung presyo lang ang magiging basehan para pagkatiwalaan ang isang produkto, hindi ito sapat na dahilan para hindi sumubok ng mas murang alternatibo na napatunayan namang kasing bisa at ligtas ng branded na mga gamot. Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit sa loob ng ilang taon, tila sunod-sunod ang paglabas ng mga generic drugstores sa Pilipinas. Bukod sa abot-kaya ang presyo ng bilihin, kampante pa ang pamilya at maging ang mga espesyalista na epektibo ang generic medicine.
Ipinapaalalang muli na kumonsulta muna sa inyong doktor kung gustong subukan ang generic medicine ng niresetang branded na gamot para makatiyak na ito ay angkop sa inyong health condition. Ang generic medicine, kahit aprubado ng FDA, ay hindi dapat basta-bastang sinusubukan nang walang pahintulot ng inyong doktor.
Siguraduhin na bibili ng kahit anong gamot, generic man o branded, sa lisensyado, rehistrado, at pinagkakatiwalaang mga drugstore at pharmacy. Suriin ding mabuti ang packaging ng gamot bago magbayad at umalis sa establishment. Maging gawain na rin ang pagsasagawa ng research tungkol sa mga manufacturer ng generic medicine na gumagawa ng kalidad na gamot sa mababang presyo.
Sources:
https://www.webmd.com/healthy-aging/generic-drugs-answers-to-common-questions#4
http://www.pchrd.dost.gov.ph/index.php/news/library-health-news/3520-generic-drugs-vs-branded-drugs
https://news.abs-cbn.com/current-affairs-programs/03/16/11/salamat-dok-generic-vs-branded-medicines
https://www.huffingtonpost.com/2015/02/22/generic-prescriptions_n_6730194.html