Gamot para sa Sakit ng Tiyan
December 20, 2018
Walang iisang sanhi ang sakit ng tiyan. Dahil tila nasa isang lugar lamang ang hapdi na dala nito, madaling mapagkamalang kahit anong klase ng stomach pain ang nararanasan. Kapag ganito ang nangyari, maaaring magkamali ng first aid na ibibigay para maibsan sana ang pananakit. Dahilan ito para lumala ang sakit ng tiyan at magkaroon ng komplikasyon.
Sakit ng Tiyan
Ang stomach pain ay isang kondisyon kung saan naaapektuhan ang isa o ilang bahagi ng digestive system. Bilang resulta, nagkakaroon ng problema sa normal na pag-function ng system. Ito ang nagdudulot ng pananakit at pakiramdam ng pagkahapdi.
Hindi dapat binabalewala ang sakit ng tiyan dahil anumang problema nito ay makakaapekto sa kalusugan ng buong katawan. Sa pagkain kumukuha ng mga pangangailangan ang iba’t ibang body systems. Kapag hindi gumana nang maayos ang digestive system dahil sa sakit ng tiyan, magkukulang sa mga mahahalagang vitamins at minerals ang katawan para sa maayos na kalusugan.
Para sa iba’t ibang sakit ng tiyan, mayroong karampatang pangunang lunas at gamot na angkop dito. Tukuyin muna natin ang mga uri ng stomach pain at mga posibleng paraan para guminhawa mula sa mga ito.
- Diarrhea – Ang sakit na ito ay tumutukoy sa sakit ng tiyan na nagdadala ng madalas, basa, at hiwa-hiwalay na dumi. Sinasamahan ito ng pagsusuka, posibleng pagkakaroon ng dugo sa dumi, lagnat, at dehydration.
Mga sanhi: Maaaring dulot ito ng iba’t ibang kondisyon gaya ng allergy sa pagkain, lactose intolerance o pagiging sensitibo ng tiyan sa mga dairy product, gastroenteritis, hyperthyroidism, stomach ulcer, at dyspepsia. Pwede ring resulta ito ng bacterial infection mula sa kontaminadong tubig o pagkain at labis na pag-inom ng alak.
First aid tips:
- Manatiling hydrated. Uminom ng maraming tubig at iba pang healthy fluids gaya ng clear soup o broth para manumbalik ang mga nawalang electrolytes sa katawan dala ng labis na pagdumi.
- Uminom ng gamot para sa sakit ng tiyan tulad ng loperamide para agad na mailabas ang mga dumi.
- Maghanda ng mga pagkaing nakakatulong sa pag-aalis ng labis na pagdumi gaya ng saging, boiled potatoes, kanin, at mansanas.
- Dyspepsia – Tinatawag ding indigestion, ang sakit ng tiyan na ito ay kinakakitaan ng pagsusuka, pagtatae, dehydration, at pangangasim ng sikmura dahil sa hindi wastong pagtunaw sa kinain.
Mga sanhi: Ilan sa mga napag-aralang triggers ng dyspepsia ang pagkonsumo ng maaanghang at acidic na pagkain, pag-inom ng alak o kape, paninigarilyo, at mabilisang pag-kain. Pwede rin itong makuha dahil sa reaksyon ng tiyan sa mga gamot gaya ng antibiotics, birth control pills, steroids, o analgesics.
First aid tips:
- Bagalan lamang ang pag-kain. Nguyaing mabuti ang kinakain bago lunukin nang sa gayon ay hindi mahirapan ang tiyan na i-digest ito.
- Iwasang kumain nang malalaking servings. Sikaping kumain ng small, frequent meals sa loob ng isang araw sa halip na ang kinagawiang tatlong beses na pag-kain sa maghapon.
- Uminom ng over-the-counter na gamot para sa sakit ng tiyan gaya ng antacids, o kaya naman ay mga anti-emetic tulad ng domperidone.
- Magkaroon ng high fiber diet mula sa mga pagkain gaya ng prutas at gulay, oats, at whole grains.
- Constipation – Ang sakit ng tiyan naman na ito ay tumutukoy sa pagiging hirap sa pagdumi dahil masyadong maraming na-absorb na tubig ang colon mula sa mga kinain. Hindi normal ang bowel movement kapag mayroon nito, at madalas ay may kasamang pakiramdam ng pagiging bloated o nakalobo at punong-puno ang tiyan.
Mga sanhi: Mataas ang risk sa constipation kapag kulang sa tubig at fiber ang katawan na siyang nakakatulong para magkaroon ng regular bowel movement. Ang kawalan din ng active lifestyle ay nagsasanhi nito, samahan pa ng stress, sensitivity sa ilang gamot, at o pagbubuntis.
First aid tips:
- Magkaroon ng fiber-rich diet. Makukuha ito mula sa prutas, gulay, wheat, whole grains, mani, at beans. May kakayahan ang mga ito na maka-absorb ng tubig sa katawan para sa normal na pagdumi.
- Uminom ng sapat na tubig araw-araw para mapanatiling healthy ang digestive tract.
- Sikaping gumawa ng regular exercise. Ang pagkakaroon ng sedentary o inactive lifestyle ay nakakapagpa-upset ng tiyan, dahilan para maging constipated.
- Subukan ang laxatives gaya ng bisacodyl para agarang mapalambot ang dumi.
Photo from Unsplash
- Hyperacidity – Sa sakit ng tiyan na ito, labis ang inilalabas na stomach acid ng katawan. Bilang resulta, nagiging sensitibo sa asido ang tiyan; nababanat ito sa karamihan ng acid. May kasama itong labis na pagdighay, kawalan ng gana kumain o agad na pagkabusog, at pagkahilo.
Kapag nasira na ng acid ang lining na nag-iingat sa tiyan mula sa matatapang na digestive juices nitom nagkakaroon ng mga sugat na kung tawagin ay ulcer.
Mga sanhi: Dala ito ng bacteria na tinatawag na Helicobacter pylori o H. pylori. Karaniwan, ang sobrang pag-kain ang nakikitang sanhi nito. Ang stress, sensitivity as ilang gamot, paninigarilyo, at labis na pag-inom ng alak o kape ay factors din.
First aid tips:
- Kumain sa tamang oras. Iwasan ang pagpapagutom at pag-kaing nakakabigla para sa tiyan.
- Iwasan ang maaanghang at acidic na pagkain para hindi dumami ang acid sa tiyan at humapdi ang stomach ulcer.
- Maghintay ng dalawa hanggang tatlong oras matapos kumain bago mahiga o matulog para hindi agad umakyat ang acid galing sa tiyan.
- Uminom ng gamot sa humihilab na tiyan gaya ng neutracid, ranitidine, at omeprazole. Ang mga ito ay mainam din sa pagsugpo ng mga sintomas ng ulcer – hindi ang pagpapagaling nito. Nakokontrol din ng mga ito ang level ng stomach acids para hindi maargabyado ang ulcer.
Tandaan, sa kabila ng paggagamot, kung umabot na ng tatlong araw at walang pagbabagong nakikita sa sakit ng tiyan, huwag mag-atubiling kumonsulta agad sa doktor. Sa ganitong paraan, maaaring matukoy kung ang nararanasang stomach pain ay sintomas pala ng mas malalim na health condition. Magpasuri at sumailalim sa mga test kung kinakailangan upang masigurado ang lagay ng kalusugan ng tiyan.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/diarrhea
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/dyspepsia
https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-solusyon-sa-constipation