Ano Nga Ba Ang mga Sakit sa Puso? | RiteMED

Ano Nga Ba Ang mga Sakit sa Puso?

February 11, 2017

Ano Nga Ba Ang mga Sakit sa Puso?

 

Ang katagang 'sakit sa puso' ay hindi patungkol sa iisang sakit lamang, sapagkat mayroong iba't ibang uri ng heart disease. Gamit ang electrocardiogram o ECG, inaalam ng doktor ang estado ng iyong puso upang makita kung anong uri ng sakit sa puso mayroon ka. Kanya ring susuriin ang mga sintomas na nararamdaman dahil iba’t iba ang katangian ng mga heart disease.

 

Ating silipin ang iba’t-ibang uri ng sakit sa puso pati ang katangian ng bawat isa.

 

Arrhythmia

 

Ang arrhythmia ay ang irregular na pagtibok ng puso. Kalimitan ito ay galing sa ibang karamdaman at kung minsan, ang mga sintomas nito ay hindi agarang nararamdaman. Para sa hindi delikadong kaso, ang kondisyon ay maaaring nanggaling sa mataas na blood pressure, labis na pag-inom at paninigarilyo, at stress. Samantalang ang mga nakakabahalang sanhi naman nito ay atake sa puso, pagbabara sa mga daluyan ng dugo, at mga problema sa thyroid gland.

 

Coronary heart disease

 

Ang mga ugat ng puso o coronary arteries ay napupuno ng bara na gawa sa kolesterol at taba. Ang pagdami ng bara na tinatawag na atherosclerosis ang nagiging dahilan sa pagkipot ng mga arteries, at nagiging sanhi ng pagkakulang ng oxygen. Ang nasabing kakulangan (cardiac ischemia) ay nagdudulot ng atake sa puso kaya dapat pumunta agad sa ospital kapag nakaranas ng pananakit ng dibdib at ng kakapusan ng hininga.

 

Heart valve disease

 

Nagkakaroon ng heart valve disease kapag isa o higit pang balbula (valve) ng puso ay hindi maayos ang pagkilos o hindi gumagana nang maayos. Kapag mayroong problema ang balbula, hirap ang puso na padaluyin nang maayos ang dugo mula sa puso papunta sa iba't ibang bahagi ng katawan. Ang ilan sa mga sanhi nito ay ang rheumatic fever, congenital valve disease, at bicuspid aortic valve disease.

 

Heart failure

 

undefined

 

 

Nagkakaroon ng heart failure kung ang puso ay walang kakayanan magbomba ng sapat na dugo sa buong katawan. Dahil dito, nakamamatay ang nasabing kondisyon. Ilan sa mga sanhi ng heart failure ay ang atake sa puso, coronary heart disease, high blood, arrythmia sa matagal na panahon, at pinsala sa heart muscle.

 

Agarang pumunta sa pagamutan kapag naranasan ang sumusunod:

 

  • Kakapusan ng hininga

  • Pamamanas ng paa at binti

  • Pink na plema

  • Panghihina

  • Kawalan ng gana kumain

  • Pananakit ng dibdib

 

Heart muscle disease o cardiomyopathy

 

Paglaki ng puso at pagkapal ng walls nito ang dala ng cardiomyopathy. Dahil dito, hindi makapagbomba ng sapat na dugo ang puso sa buong katawan. Dapat maaga itong maagapan, dahil maaaring tumulay ito sa heart failure. Ang mga sanhi ng kondisyon ay high blood, labis na pag-inom at illegal drugs, mga problema sa mga balbula ng puso, problema sa thyroid gland, at pinsala sa heart tissue.

 

Congenital heart disease

 

Ang congenital heart disease ay mga uri ng sakit o depekto sa puso na nakuha sa kapanganakan. Ilan sa mga ito ay kusang gumagaling at hindi delikado, ngunit mayroon ding mga kaso na nangangailangan ng operasyon at tumatagal hanggang sa pagtanda. Magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng arrythmia, pagiging asul ng balat, pagkahilo, kakulangan sa hininga, at pamamaga ng iba’t-ibang bahagi ng katawan.  

 

Hypertensive heart disease

 

undefined

 

 

Kung hinayaang mataas ang blood pressure sa matagal na panahon, ito ay nagdudulot ng nakamamatay na grupo ng sakit na kung tawagin ay hypertensive heart disease. Kabilang sa mga sakit na maaaring makuha ay ang heart failure at ischemia, na parehong kumikitil ng maraming buhay sa buong mundo. Panatilihing mababa ang blood pressure upang makaiwas sa panganib.

 

Inflammatory heart disease o myocarditis

 

Ang pamamaga ng puso (myocarditis) ay dala ng pagsalakay ng virus bacteria, fungi, o iba pang parasito sa katawan. Kung minor lamang ang kaso, maaaring hindi makaramdam ng sintomas, ngunit para sa mga malulubhang kaso, maaaring makaranas ng arrythmia, pananakit ng dibdib, pamamanas ng paa, kakapusan ng hininga, at matinding panghihina. Kapag ito ay lumala, nagdudulot ito ng stroke, heart failure, at atake sa puso, kaya magpatingin agad sa doktor.

 

 

Sources:
 



What do you think of this article?