8 Paraan Upang Mapanatili ang Wastong Kalinisan sa Kusina | RiteMED

8 Paraan Upang Mapanatili ang Wastong Kalinisan sa Kusina

August 26, 2020

8 Paraan Upang Mapanatili ang Wastong Kalinisan sa Kusina

Ang kusina ay isang mahalagang bahagi ng iyong bahay. Bukod sa dito inihahanda at inihahain ang pagkain, madalas din itong gawing lugar para mag-bonding ang pamilya. Dahil dito, mahalaga na bigyang atensyon ang wastong kalinisan sa kusina. Mahalaga na alam ng bawat miyembro ng pamilya ang proper hygiene rules para makaiwas sa sakit at manatiling malusog ang pamilya.

Narito ang mga pinakamahahalagang bagay na dapat tandaan upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa kusina.

Maghugas ng kamay.

Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga paraan upang mabawasan ang kontaminasyon o pagkalat ng bacteria sa kitchen. Dapat itong gawin habang at pagkatapos magluto o maghanda ng pagkain. Ngayong panahon ng pandemya, mahalagang matutunan ng lahat ng kasapi ng pamilya ang ugaling ito. Turuan ang bawat isa, pati ang mga bata, ng wastong paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig.

Lutuing mabuti ang mga pagkain.

Tiyaking nalutong mabuti ang pagkain bago ito ihain sa pamilya. Ang mga hilaw o hindi gaanong nalutong pagkain ay maaaring mayroong bacteria na kapag na-ingest ay magdulot ng food poisoning. Hiwain ang mga sangkap na karne upang makita kung luto pati ang loob nito.

Linisin ang lababo.

Ang lababo ay isa sa mga bagay na madalas gamitin sa kusina. Dahil dito, madalas din itong gawing tirahan ng mga mikrobyo. Gumamit ng scrub at kitchen cleaner upang malinis nang maayos ang inyong lababo.

Itabi nang maayos ang pagkain.

Hindi nagtatapos sa wastong pagluluto ang pagsunod sa wastong kitchen hygiene. Kailangan mo ring siguraduhin na wasto at ligtas ang mga lagayan ng pagkain kung ito ay itatabi. Ang tirang pagkain ay ilagay sa malinis na plastic container at i-seal kung maaari. Ang mga bukas na pakete ay dapat ding saraduhan nang maayos bago itabi. Para naman sa mga lalagyan na walang takip, gumamit ng cling wrap bago itago sa ref. Palamigin muna ang maiinit na pagkain bago itabi sa loob.

Linisin ang mga gamit.

Gumamit ng malinis na basahan upang linisin ang mga counter tops at mesa. Isama na rin ang iba pang gamit gaya ng mga kitchen cabinets at kitchen equipment upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria. Gumamit ng disinfectant upang makasiguradong patay ang mga mikrobyo. Matapos linisin ay patuyuin ang mga ito.

Linisin din nang maigi ang kitchen tiles para hindi ito pamahayan ng bacteria at iba pang mga peste.

Iwasan ang cross-contamination.

Para maiwasan ang cross-contamination ng mga sangkap at kitchen utensils, makabubuti kung gagamit ng iba’t-ibang sangkalan o chopping boards para sa karne, isda, at gulay. Maaaring maglagay ng labels o bumili ng iba’t-ibang kulay na sangkalan upang hindi malito. Ugaliin rin ang paglilinis ng mga ito bago at pagkatapos gamitin.

Huwag na huwag pagsasamahin o pagtatabihin ang mga pagkain o sangkap sa hilaw na karne. Sa ganitong paraan, makakaiwas ka sa kontaminasyon na maaring mauwi sa poisoning.

Itapon nang wasto ang mga basura.

Ugaliin ang tamang pagtatapon ng mga basura sa kusina. Huwag patagalin ang basura sa basurahan, ilabas agad ng bahay bago sila magsimulang masira o mabulok. Maiiwasan nito ang pagkakaroon ng mabahong amoy at ang pagkalat ng mga bacteria.

Panatilihing malinis ang refrigerator.

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/fresh-vegetables-fruits-refrigerator-787859278)

Huwag kalimutang linisin ang inyong ref. Ugaliin na i-check ang mga laman nito; itapon ang mga sira at expired na pagkain bago pagmulan ng kontaminasyon. Linisin rin ang mga natapon o tumulong mga pagkain. Ihanay nang maayos ang mga container at ilagay sa tamang lagayan ang mga gulay at prutas. 

 

Sundin ang mga payong nabanggit upang mapanatiling malinis at ligtas ang inyong kusina gayundin ang buong bahay. Magkaroon ng sapat na cleaning at hygiene products upang may magamit sa regular na paglilinis, tualad ng alcohol o disinfectant. Kung papanatilihin ang kalinisan ng inyong kusina, makakasigurong ligtas ang pagkaing ihahain sa pamilya.

 

Sources:

https://www.plenty.com/en/kitchen-tips/the-10-golden-rules-of-kitchen-hygiene/

https://www.besthomekitchenstuff.co.uk/top-10-rules-for-good-kitchen-hygiene/

https://www.dettol.com.au/health-hygiene/home/food-safety-and-hygiene/

https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/healthyliving/food-safety-when-cooking



What do you think of this article?