7 Healthy Activities Para sa Filipino Elderly Week
October 3, 2017
Kailangan ka huling nakipag-bonding kila lolo at lola? Updated ka ba sa mga activities nila maging sa kalusugan nila? Sigurado ka ba na matalas pa rin ang kanilang physical at mental health? Aware ka ba na sa Pilipinas ay mayroong nakatakdang mga araw para sa kanilang total welfare?
Noong 1994, sa ilalim ng Presidential Proclamation No.470 ay itinakda ang Elderly Filipino Week o Linggo ng Katandaang Pilipino. Ninanais nitong gunitain at panatilihing aware ang mga tao sa kalusugan ng mga nakatatanda. Ika-13 taon na ngayon ng pagdiriwang na ito. Kada-Oktubre ng taon ito isine-celebrate sa bansa.
Ngayong taon, ating ipaalala sa ating mga nakatatandang kapamilya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malakas na pangangatawan. Kaakibat na ng pagtanda ang pag-deteriorate ng kanilang kalusugan at immune system. Malaking importansya ang kailangan nilang ilagay sa pagpapanatili ng active lifestyle para makaiwas sila sa mga injuries at sakit na kaakibat ng pagtanda gaya ng arthritis at sakit sa puso.
Naghanda kami ng pitong activities para sa kila lolo at lola ngayong Filipino Elderly Week.
-
Zumba
Hindi lamang para sa mga nanay at tita ang zumba. Pwedeng-pwede rin ito sa mga nakatatanda. Mayroon itong dalawang magandang epekto sa katawan. Una na riyan ang pagpapapawis na maganda para sa puso at circulation ng dugo sa katawan. Makabubuti rin ito sa pagpapalakas ng mga joints at pagpapababa ng tiyansa na magkaroon ng arthritis o pananakit ng mga kasu-kasuan.
-
Jogging at Fun Run
Marahil isa na ito sa mga pinaka-common at pinakamadaling ehersisyo para sa ating mga nakatatanda. Maganda ang pisikal at mental na epekto ng pagsali nila rito. Mai-improve ang kanilang mental alertness dahil sa pagiging aktibo physically. Bukod pa riyan ay mai-improve rin nito ang kanilang paghinga.
-
Performance
Paboritong gawain na ng ating mga lolo at lola ang panonood ng telebisyon. Kaligayahan na nila ang maingay at makulay na mga palabas dito. Ngunit isa ring ikinatutuwa nila ang pagtugtog at pagkanta kasama ang iba nilang ka-edad. Importante sa kanilang mental at emotional health ang pakikisalamuha sa mga katulad nilang nakatatanda.
-
Gardening
Napansin mo ba na karamihan sa ating mga lolo at lola ay kadalasang nasa hardin? Isang therapeutic experience sa kanila ang pagtatanim. Ngayong Filipino Elderly Week, bakit hindi natin sila tulungan magpalago ng kanilang mga tanim sa hardin. Mabuti rin para sa kanilang kalusugan ang pagsagap ng sikat ng araw at natural na malinis na hangin.
-
Games at Puzzles
Sino nagsabing para lamang sa mga bata ang games at puzzles? Pwedeng-pwede rin ito sa mga nakatatanda. Maaari mo silang hamunin sa game ng wordcross puzzle, scrabble, monopoly, o domino. Makakapagpatalas ito ng kanilang isipan. Magandang paraan rin ito para iparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa. Isa itong magandang bonding activity para na rin sa buong pamilya.
-
Picnic at Food Fest
Kabi-kabila ngayon ang mga food parks kaya magandang pagkakataon na ito para yayaing kumain dito sila lolo at lola. Kung hindi naman sila mahilig sa mga matataong lugar, maaari ring magluto na lamang sa bahay. Gawing hobby at family activity ang paghahanda ng mga masusustansya at masarap na pagkain.
-
Bumisita sa iba pang nakatatanda
Para sa Filipino Elderly Week, magandang activity ang pag-organize ng event o party sa mga nakatatanda. Maging ito ay isang party o isang maliit na salu-salo, siguradong ikatutuwa nilang makasama ang mga kaibigan nila na ang ilan ay posibleng matagal na nilang hindi nakita.
Sources:
http://www.manilatimes.net/its-elderly-filipinos-week/221506/
http://www.dilg.gov.ph/events/Linggo-ng-Katandaang-Pilipino-Elderly-Filipino-Week/627
http://www.sageminder.com/Caregiving/CaregivingBasics/ActivitiesforSeniors.aspx