Paano Mapapaghandaan ang Bagyo at Sakuna Ngayong Tag-ulan? | RiteMED

Paano Mapapaghandaan ang Bagyo at Sakuna Ngayong Tag-ulan?

July 26, 2016

Paano Mapapaghandaan ang Bagyo at Sakuna Ngayong Tag-ulan?

Photo from Pixabay

 

Ang pag-iwas sa karamdaman at pinsala ang mga pangunahing prayoridad tuwing tag-ulan. Kalimitang dala ng panahong ito ang mga bagyo at mga nakakahawang sakit gaya ng ubo, sipon, at trangkaso. Bago pa man dumating ang tag-ulan, dapat mamili ng mga gamot, alamin ang mga emergency numbers ng mga relevant na ahensya ng gobyerno, at maging handa sa posibleng sakuna na dala ng panahon.

 

Patibayin ang tahanan

 

Ang pagpapatibay ng tahanan bago pa man dumating ang tag-ulan ay mainam, lalo na sa mga lugar na kadalasang binabaha. Suriin ang bahay at kumpunihin ang mga bahaging may sira. Siguraduhing ayos ang bubong at hindi tumutulo. Tandaan na kayang liparin ng super typhoon ang mahihinang bubong at haligi ng bahay. Silipin din ang estado ng mga pinto at bintana upang hindi sila masira ng hanging bagyo.

 

Sa labas naman ng tahanan, patibayin ang pundasyon ng eskrima para hindi ito liparin ng malakas na hangin. Putulin ang malalaking puno na katabi ng iyong bahay.

 

Maghanda ng first aid kit

Photo from Pixabay

 

Nilalaman ng first aid kit ang mga instrumentong medikal at gamot sa sugat, pilay, at karaniwang sakit. Lagyan ang isang bag ng mga adhesive bandage, medical tape, ointment, at antiseptiko, at ibukod ang mga ito. Ilagay sa ibang seksyon ang mga gamot na kontra sa lagnat, sipon at diarrhea.

 

Ihanay naman sa isang kompartimento and mga instrumento gaya ng thermometer, hot and cold compress, mga syringe, at mga kaparehang kagamitan. Siguraduhing saklaw nito ang mga pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya kung sakaling mayroon silang mga pangkasalukuyang karamdaman.

 

Maghanda ng emergency kit

 

Bukod sa gamot, kailangan din ng pagkain at mga instrumentong makakatulong kapag ang iyong pamamahay ay tinamaan ng bagyo. Kumuha ng malaking bag na maraming bulsa na magiging emergency kit ng iyong pamilya. Ipasok dito ang mga makabuluhang instrumento gaya ng flashlight, maliit na transistor radio, cellphone, pocket knife, at whistle o pito.

 

Ibukod sa iba’t-ibang bulsa ang personal na gamit, pera at credit card, mapa, at iba pang makabuluhang bagay.

 

Sapat na water supply

Photo from Pixabay

 

Ang tubig na dumadaloy palabas ng gripo ay maaaring makontamina ng baha. Upang makasiguro, mag-imbak ng mineral water na gagamiting pang-inom at pinakuluang tubig na pampaligo at panghugas ng pinggan at damit. Pakuluan ang tubig na galing sa gripo nang hindi bababa ng 10 minutes upang mamatay ang mikrobyo dito.

 

Kahit anong mangyari, huwag iinumin ang tubig baha. Hindi mapupuksa ng pagpapakulo lahat ng mikrobyo, kemikal, at dumi na laman nito. Mainam ang pag-iimbak ng tubig bago pa tumama ang bagyo o malalakas na ulan. Maging malinis din sa katawan at ugaliing maghugas ng kamay bago humawak ng pagkain.

 

Ilista lahat ng emergency numbers

 

Kung minsan, hindi sapat ang paghahanda para sa isang napakalakas na bagyo. Noong tumama ang bagyong Yolanda at Ondoy, kinailangan ang tulong ng gobyerno sa paglilikas, pagkuha ng mga gamot at pagkain, pagkupkop sa mga nasalanta, at pagliligtas sa mga na-stranded sa mga bubong. Kung malubha ang sitwasyon, malaki ang maitutulong ng mga kaugnayang tanggapan ng gobyerno.

 

Bago pa tumama ang mga bagyo, ilista lahat ng emergency numbers ng mga importanteng ahensya gaya ng National Disaster and Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Philippine National Police (PNP), Philippine National Red Cross, Metro Manila Development Authority (MMDA), at mga kaparehang tanggapan.

 

Antabayanan din ang mga hotline numbers ng media, dahil tinutulungan nila ang gobyerno sa pagliligtas ng mga tao at pagsasaayos ng mga nasalantang lugar. Kung hindi nakakasiguro sa iyong kaligtasan, huwag mag-atubiling lumikas. Ang importante ay ligtas ka at iyong pamilya pagdating ng unos.



What do you think of this article?